Eraserheads

Noong Sabado ng gabi (o Linggo na siguro ng madaling-araw), bigla’y gusto kong makinig sa mga kanta ng Eraserheads. Nang mag-crash ang laptop ko noong Hunyo, kasama sa nabura ang mp3s ng kanilang albums, at ngayon, wala akong mapatugtog kahit isang kanta nila. Pumunta ako kina Ruel at hiniram ang cassette tapes ng Cutterpillow at Fruitcake. Ang problema, wala namang player. Sinabi ko kay Ruel na dapat ay magkaroon ng concert ang lahat ng mga Pinoy alternative bands sa kasalukuyan; tribute para sa Eraserheads—puro kanta lang ng Eheads magdamag. Mas maganda kung mapagsasama muli ang buong banda, at tutugtog din sila, pero hindi iyon kailangan (may mga bagay na nagaganap at kailangang tanggapin, gaya ng paghihiwalay, at hindi ko nagustuhan ang pasaring sa Eraserheads ng Parokya ni Edgar—kahit gusto ko rin sila—sa kanta nilang Yes Yes Show).

Kinabukasan, Linggo, palipat-lipat ako sa SOP Rules at ASAP Mania habang nagbabasa-basa ng papel ng mga estudyante nang sa isang segment ng huli (OPM: Original Pinoy Masterpieces; mabuti’t may ganitong segment ang ASAP) ay i-feature si Ely Buendia (noong mga sinundang linggo, sina Jose Mari Chan at George Canseco ang napanood ko) at kantahin ang mga pinasikat ng Eraserheads. Parang dininig ang hiling ko. Kahit hindi ko naman talaga paborito ang mga mang-aawit na ito (maliban kay Gary V.), nahalagahan ko ang pagkilala nila sa kontribusyon ng mga awit ng banda sa musika, at kung paano nito kinulayan ang mundo ng henerasyong kinabibilangan ko. Nasa grade five ako nang unang lumabas ang Ultraelectromagneticpop at sumikat ang “Pare Ko.” Nasa elementarya pa lang ako noon pero pakiramdam na'y nakikibahagi sa sentimyento ng isang umiibig sa kolehiyala. Sa klase namin noon, wala yatang hindi memoryado ang kanta.

Unang kumanta si Vina Morales: ang “Ligaya” na kaya ko pa ring sabayan kahit nakapikit. Maayos na sana, pero sinundan siya ni Martin Nievera sa “Ang Huling El Bimbo” at inis na inis ako kay Martin dahil hindi siya makasabay sa ritmo, mali-mali ang pasok sa kanta; mukhang hindi niya napaghandaan. Pakiramdam ko, ako ang nainsulto. Halos hindi ako makapaniwala: hindi niya alam ang “Ang Huling El Bimbo”? Sinundan pa ni Kuh Ledesma na mukhang hindi rin pamilyar sa “Huwag Mo Nang Itanong.” Mabuti na lamang at isinalba sila nina Piolo Pascual at Gary V. na magkasunod na umawit ng “Pare Ko” at “Harana.” Nakaiinis dahil dapat sana’y pinararangalan nila ang galing ng komposisyon pero hindi naman talaga nakapaghanda ang lahat. Kinanta naman ni Zsa Zsa ang “Alapaap” (wala akong problema sa pagkanta n’ya, maliban sa hindi talaga bagay sa kanya ang kanta) at tinapos ni Pops (opo, si Pops! Nagulat din ako dahil bukod sa naroon si Martin, ang alam ko’y ganap na siyang kapuso) ang set sa “Maskara.”

Mabuti na lang, buhay na buhay ang audience. Sa edad nila, mukhang hindi nalalayo sa edad ko. Halos lahat sila’y nakatayo at nakikikanta. Maaaring marami sa kanila, mas pamilyar pa sa mga kanta ng Eraserheads kaysa sa mga mang-aawit sa entablado. Nasaan ba ang mga “performers” na ito nitong nagdaang dekada?

--o0o--

Noon pa nawala ang kopya ko ng albums ng Eraserheads (puro cassette tapes lang iyon); mahabang kuwento at sama ng loob ang nasa likod ng pagkawalang iyon. Matagal-tagal na rin akong naghahanap ng lahat ng kanilang albums sa CD; kaya nagdadalawang-isip pa akong bilhin ang Eraserheads Anthology ngayon. Kung magbebenta kayo o may alam kayong outlet na kumpleto (Ultraelectromagneticpop, Circus, Cutterpillow, Fruitcake, Sticker Happy, Aloha Milkyway, Natin99, Bananatype, at meron-pa-ba-akong-nalimutan?) pakisabihan po ako (Mas okey kung ireregalo n’yo, siyempre; malapit na ang Pasko). Salamat, salamat!

--o0o--

Pahabol: Dahil sa nangyari, pinag-iisipan ko ngayon kung buburahin ko na ba ang kaisa-isang album ni Martin na nasa media player ko, ang Chasing Time.

[May mga komento sa entri na ito rito.]