Mga Pagtataksil, at ang Panahon sa Pagitan sa Pagsusulat ng Tula

NITONG HULING LIMANG TAON, mas nakatutok ako sa pagsusulat ng nobela kaysa sa tula. Sa isang panayam para sa anibersaryo ng Pinoypoets noong nagdaang taon na “Niloloob ng Nobela ang Tula: Ang Makata Bilang Nobelista,” sinubok kong bigyang- katwiran iyon:

sapagkat sa kinathang daigdig na ito ng tuluyan [ang nobela], na mas hindi pangingimiang pasukin ng karaniwang mambabasa, naipaaalala ang pangangailangan ng tula, kung bakit kasintanda halos ng sibilisasyon ng tao ang pagtula. Na kung ang nobela ay isang pagsisiyasat sa kondisyon ng pagiging tao, malaking bahagi nito ay isang pagsisiyasat sa relasyon ng tao sa tunog, sa larawan, sa salita, sa kaniyang sining, sa tula. ... Niloloob ng nobela ang tula upang kilalanin mula rito ang sarili niyang pagkahumaling sa salita, at pagnanasang magsalita tungkol sa daigdig, makipag-usap sa daigdig. Upang ipaalala sa mundo na sa loob ng nobela, sa ating bayan, sa ating daigdig, may linya, may saknong, may tula, patuloy na may mga pinipiling magmakata: may hindi basta-basta nilulunod ng tuluyan, may hindi basta-basta nalulunod nang tuluyan.
Subalit hanggang ngayon, sa kabila niyon, nililigalig pa rin ako ng pakiramdam ng pagtataksil, sapagkat may pakiwaring umiibig nang sabay sa dalawang bagay, at sa ideyal na ideya ng katapatan sa iisa lamang, larawan ng halimaw ang pamamangka sa dalawang ilog—paano maaaring mangyari iyon, ang ilog na sinabi ni Herodotus na hindi na muling matatawid ay dalawa pala’t magkasabay na pinamamangkaan sa pagtataksil.

     Kahit pa marami namang makata ang nobelista rin, may kung anong bagabag pa rin ang bawat pagbangon sa umaga’t ang bagong nobela ang hinaharap sa halip na nagsusulat ng tula. Sa halip na nagsusulat ng tula, sapagkat ipinagpapalagay ngang isa lamang ang magagawa nang may matapat na pagbubuhos ng loob sa bawat sandali, kung ibig kong maging “matapat sa sarili/ sa aking daigdig/ ng tula.” Bagabag na bunga ng pakiwari ng pagtataksil at ang katuwang niyong pagkilala sa panahon bilang realidad nagtatakda sa pagnanasang magsulat at sa pagkabuo ng katha, ang intensiyon at ang texto. Nakakapit ang huli sa pagturing sa panahon bilang iisa at hindi mababawi, limitado ang kapasidad na maglaman ng iisang gawain sa bawat sandali. Sa kabila ito ng rebolusyon sa imahinasyon ng panahon, sa agham at mga sining, na tumitingin dito bilang maramihan, putol-putol, patong-patong, paikot-ikot.

      Kaya’t kahit pa nagsusulat ako ng nobela nang may layong magpaalala sa pangangailangan ng tula, hindi ako nagsusulat ng tula sa sandaling nagsusulat ako ng nobela. Kahit pa may mga tula sa loob ng maraming nobela mula sa Don Quixote ni Cervantes hanggang sa Unang Ulan ng Mayo ni Ellen Sicat, nagiging problematiko ang pagiging “tula” ng mga iyon—ang tulang nakapanipi—sapagkat binabasa sa kontexto ng nobela, ng prosa, na hindi hindi hinihingi ng mga tula na sarili lamang ang kontextong nililinang. 

     Subalit ano’ng magagawa ko?

     Sa maraming pagkakataon, sa gayong kondisyon lamang ako nakapagsasalita tungkol sa pagsusulat ng tula: sa hindi pagsusulat ng tula. Ibig sabihin: Ang paksain nga ang pagtula sa nobela, o ang paksain ang pagtula sa iba pang anyo ng tuluyan. Tulad ng sinisikap nating gawin ngayon: ang sanaysay bilang taksil na nagkakanulo sa pangangailangan ng pagsusulat ng tula sa mismong pagtitig nang taimtim doon samantalang hindi naman iyon ang hinuhubog na anyo. At bukod pa roon: ang luwalhati’t hapis ng sanaysay upang sa isang banda’y maging tuwiran, komunikatibo, at sa kabilang banda nama’y pampanitikan, matalinghaga.

     Totoo, may mga tula tungkol sa pagsulat ng tula mismo, na tinatawag nating ars poetica, mula sa kalatas ni Horacio sa mga Pisones ng Roma. Subalit ilan sa atin ngayon, sa isang pambansang kumperensiya ng panulaan, ang handa ring makinig sa tula tungkol sa pagsulat ng tula? Halimbawa:

         Sa Poetry

         Sa poetry, you let things take shape,
         Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig.
        You start siyempre with memories,
         ‘Yung medyo malagkit, kahit mais
         Na mais: love lost, dead dreams,
         Rotten silences and all
        Manner of mourning basta’t murder.
        Papatak ‘yan sa papel ano. Parang pait,
        Kakagat ang typewriter keys
        You sit up like the mother of anxieties.
        Worried na worried hanggang magsalakip
        Ang odes and ends ng inamag mong pag-ibig.
        Jigsaw puzzle, Kung minsan everything fits.
        Pero sige ang pasada ng images
        Hanggang makuha perfectly ang trick.

        At parang amateur magician kang bilib
        Sa sleight-of-hand na pinaprakitis:

        Nagsilid ng hangin sa buslo, dumukot,
        By golly, see what you’ve got –
        Bouquet of African daisies,
        Kabit-kabit na kerchief,
        Kung suwerte pa, a couple of pigeons,
        Huhulagpos, beblend sa katernong horizon,
        You can’t say na kung saan hahapon.

     Sabihin pa, kay layo na ni Rolando S. Tinio kay Horacio, lalo pa sa uri ng inaasahang katapatan ng huli sa pagtula, ang layunin ng “aliw at aral” sa pagtula. 1965 pa unang nalathala ang tulang ito ni Tinio sa mga pahina ng Heights sa Ateneo de Manila—at gaano kalayo naman si Tinio sa atin sa ngayon? Mula sa anakronismo para sa maraming makata sa kasalukuyan ng pagkagat ng typewriter keys, hanggang sa bagong inkarnasyon ng Taglish, sa baybay nito’t himig, sa daigdig ng chat at text, nagbago rin ba ang esensiya ng pagsulat ng tula mula sa paghubog ng anyo hanggang sa paghulagpos ng kahulugan? May esensiya ba ang pagtula, kung kahit ang paggamit ng wika o salita bilang batayang kaibhan nito sa iba pang anyo ng sining sa loob ng mahabang panahon ay niyayanig ng mga pagsusumikap na mamaybay sa pagitan ng tunog na primordial tulad ng mga tagulaylay at matatandang panalangin, o kaya’y ang pagbabalik sa simbolong-biswal ng tinaguriang concrete poetry, subalit ngayo’y sa paggamit ng hindi agad-agad kinikilalang salita. Tulad halimbawa ng “Odalisque” (2009) ni Christian Bök, ang alipin ng asawa’t mga kalunya ng Turkong sultan, subalit may pagkakataong kilalanin din bilang bahagi ng harem sa hinaharap.


Ginagamit umano sa akda ang lahat lamang ng dalawampu’t isang tipograpikong sangkap upang maisulat ang lahat ng titik sa alpabeto. Nasa larawang ito kung gayon ang posibilidad ng lahat ng iba pang nakatitik na salita! Subalit ito mismo’y hindi salita? Tulad ng isang odalisque, maaari rin ba itong kumawala sa pagkaalipin natin sa kasaysayan at kombensiyon ng “pagsusulat”—literal, at gayon din ang inaasahan nating textong pampanitikan—at maging salita na nga sa hinaharap?

     O kung ang paggamit ng salita ay naninimbang hindi na lamang sa posibilidad ng metapora kundi maging ng patapora, kung saan ang mismong pagpapalawig ng realidad ang paglikha ng panibagong realidad sa pahayag upang puluputan tayo tulad ng mga ahas sa mga kuweba ng Nalandangan ni Agyu habang nagpapasikot-sikot tayo sa pagdadalawang-loob, nagpapakaligaw sa pagmamaraming-diwa, subalit balintunang itinutulak, tulad ng bisa ng mga sinaunang epiko, tungo sa mataimtim na pakikinig, pakikilahok sa naratibo ng pagpapatatag ng lipi’t mga simulain, may puwang pa ba upang tingnan ngayon ang pagtataksil bilang negatibong gawain? Hindi kaya’t ang pakiwari ng pagtataksil ang sadyang nagpapatalas sa danas at pagmamalay natin ng katapatang estetiko?

     Mga tanong ito, sapagkat para sa akin, nagsisimula ang pagtula sa pagtatanong, sa pagsisiyasat, sa mga puwang sa kaalaman at pag-unawa, sa pang-uusig sa realidad, ang bugtong tungkol sa buwang kinain na’t naubos subalit nabubuo pang lubos. O isang tanong ang pagtula, kahit hindi ipinahahayag nang patanong, isang interogasyon sa imahinasyon at realidad at kahit sa mismong inaakala nating imahinasyon at realidad.


MAINAM SANA ANG GAYON: Isang pambansang kumperensiya ng panulaang Filipino kung saan inaasahan tayong makinig lamang sa mga tula, tumugon sa pamamagitan ng tula, makipag-usap sa pamamagitan ng pagtula—tulad ng ipinagpapalagay nating ginagawa ng mga makatang nagdidiyalogo sa pagtula’t nilalampasan ang hanggahan ng mga panahon, ng mga wika’t nasyon. Ang mga makatang Filipino na nakikipag-usap sa iba’t ibang kontinente ng mga taludtod: Si Rio Alma kay Baudelaire, si Benilda S. Santos na kay Tu Fu, si Michael M. Coroza kay Lorca, si Allan Popa kay Dickinson. Subalit kung magkagayon, kailangan din natin nang mahahabang pahinga sa pagitan ng bawat “pagtula,” tulad ng katahimikang inaasahan nating nagaganap sa pagbabasa at sa pagitan ng mga pagbabasa ng tula.

     May mahabang kasaysayan ang pagbibigay-saysay sa tula, mula sa pagpapatalas ng pandama ng mga bugtong, o pagsisilbi bilang pilosopiyang sinauna ng mga salawikain, hanggang sa kasalukuyang interogasyon at pagbasag nito sa usapin ng representasyon ng realidad, ang doble-karang wika, ang salimuot ng titik, samantalang nagbabanyuhay din ang ibayong pagkasangkapan dito ng iba’t ibang pinaninindigan: lahi, kasarian, posisyong politikal, ekonomikong interes, nasyon, pananalig.

     Higit pa roon, alam din nating hindi sa pagsulat nagsimula ang pagtula, sa samot-saring kasaysayan nito sa iba’t ibang panig ng daigdig, kung paanong hindi rin ito sa pagsusulat maaaring magtapos sa harap ng ebolusyong panteknolohiya. Binabago na ng ipad at ebook readers ang pagsusulat ng nobela, paano nito babaguhin ang pagtula? Subalit may kakaibang gayuma pa rin ang pagsulat—kahit pa sa malaking bahagi ng realidad ay tinitipa na lamang ng mga makata ang titik sa keyboard (hindi na sa “typewriter keys” ni Tinio)—sapagkat kaiba ng pagbigkas o pagtatanghal sa tula, may imahinasyon ito ng mambabasa, ng pagbabasang magaganap lamang sa panahon matapos ang pagsusulat at hindi habang isinasagawa ito, di tulad ng madlang tumatanggap sa anyong oral nito. Kung gayon, laging may antisipasyon ng panahon sa pagitan ang pagsulat ng tula, ang espasyong sumasaklaw sa pagsulat at pagbasa, ang hamon ng imahinaryong tagatanggap na wala rito, wala pa rito sa sandali ng makatang nagsusulat ng tula. Kaya’t sa pagbasa sa tula, hindi na lamang natin binabasa ang relasyon nito sa panahon kung kailan ito isinulat, o sa panahon kung kailan natin ito binabasa, kundi ayon sa panahong nakapagitan sa dalawa.

Noong 2004, isinulat ko bilang pambungad ng koleksiyong Tayong Lumalakad Nang Matulin ang tulang “Kuwentong Bayan.” Binabasa ko ito ngayon, akong hindi na makatatawid sa kaparehong ilog, subalit namamangka na sa dalawang ilog, na hindi ba’t maaaring-maaari na sa iisang dagat naman ang tuloy, ang ako na hindi na mapalagay sa maraming bagay sa tulang ito, ang mambabasang ako na hindi inasahan ng makatang ako, ang ako na kinahinatnan ng mga taon sa pagitan ng pagsusulat at pagbabasa, mga panahong mas ginugol sa pagsusulat at pagbabasa nga ng nobela.

          Kuwentong-Bayan

          Nagnanaknak ang mga alamat
          ng ating bayan. Sapo ng alaala
          sa sugatan niyang palad
          ang mga hindi napaghilom
          ng panahon: pagkabaliw
          ng mga diwata, pagsiksik
          ng mga manananggal at tikbalang
          sa pinakasulok ng takot,
          pananahan ng mga multo
          sa lahat ng kawalang-malay
          na tinalikuran ng lungsod,
          paglikas ng mga anito sa gunita
          ng mga pananalig. Mahiwaga rito,
          babala ng mangkukulam
          sa tinik sa ating talampakan
          samantalang inililigaw tayo
          ng kaniyang paanyaya
          upang iwan natin ang tángang sigpaw
          at lusungin ang hikbi ng agos
          sa mga batong nilulumot.
          Lagi’y rumaragasa
          ang ating paghahangad
          na iwan ang nakaraan.
          Lumingon sa pinanggalingan,
          bulong ng sirena sa alon
          sa tuwing tinatangay tayo ng ilog
          sa dagat ng kawalang-katiyakan.
          Subalit ang natatagpuan natin
          ay asin lamang sa dalampasigan.
          Magtatanong ang mga tiyanak
          na nalulunod sa hiwaga ng gabi:
          Saan nagmula ang buwan?
          At mararamdaman natin ang kirot
          sa pagkaligaw ng isipan
          sa kanilang lupain.
          Buwan ang gamot sa mga taon,
          buntong-hininga ng nuno
          sa punso habang pinagmamasdan
          ang papalayong liwanag
          ng mga alitaptap. At saka tayo
          rin ay lilisan: sakbibi ang hapdi
          sa mga di-nagpabinyag na pangalan
          na nananahan, nananangan
          sa mga kuwentong di na pinakikinggan.
  
     Tinuruan tayo ng matatandang lumingon sa pinanggalingan, sa pinagmulan ng totoo’t imahinaryong paglalakbay—subalit walang panawagang magbalik, dahil marahil sa kakabit nitong sinauna ring karunungan na wala na ngang makababalik, at maaari na lamang tanawin ang patuloy na paglayo natin sa mga bagay—kahit pa nga umaalis ang bayani ng sinaunang mga epiko upang maghanap ng lunas mula sa malalayong lupain nang may pangako’t pag-asa ng muling pag-uwi. Basta’t gayon lang ang hiling o atas ng matandang sawikain: ibaling ang mata sa pinagmulan samantalang patuloy ang mga paa sa tinutungo. Para makarating sa paroroonan.

     Sa daigdig ng banal na paglikha, sa pagsusulat ng tula, halimbawa, maaaring iyon ang pagkilala sa mga itinuring na diyos o bathala, ang primordial na puwersang bukal ng pag-ibig at ligalig, kaya’t ang patuloy na pagsasalaysay ng mga mito at alamat ay isang paglingon sa pinanggalingan. Samantala, sa sekular na realidad ng kasalukuyang alagad ng sining, maaaring iyon ang pagkilala sa mga naunang nabasa, sa dating hindi-malay na impluwensiya, ang patuloy na sinususuhang tradisyon, ang mga intertexto, at ang matatandang anyo at wikang nariyan na bago pa man magtangkang kumatha ang indibidwal.

Subalit binabagabag ako sa tuwing lumilingon dahil ang naroon minsan—minsa’y ibang mga lupain at mga mukhang ituturing na banyaga nitong pinagmulang bayan. Ngunit ano nga ba ang nasyong nililingon ng pagkatha? Maaari kayang kay tagal na nating inaawit ang “Doon Po sa Amin” sa iba’t ibang bersiyon nito’t pangangailangan dahil noon pa man, hindi na tayo nakatuntong sa sarili nating lupain, kaya’t laging naroon ang hinaharayang bayan sa kung saan wala na tayo? Maaari kayang igiit ngayon na may sarili ring bayan ang pagkatha na hindi kumikilala sa hanggahan ng mga kinasanayan at tinatanggap nating “pinagmulan”?

     Mga tanong ito na maaaring lalong magtaboy sa akin bilang walang utang na loob, suwail, hambog at kay ikli ang gunita. Na para bang hindi ko lamang kailangang mabagabag sa kawalan o pagkakaroon ng mga impluwensiya, kundi lalo’t higit sa mga uri ng impluwensiya na kinikilala kong mayroon ako. Na para bang mayroon na ngang “katanggap-tanggap” na talaan ng mga pinaghuhugutan ng sensibilidad at nilalaman ang isang manunulat na Pilipino, ng isang makatang Filipino sa kasalukuyan, bago pa man siya magsulat ng tula. Sabihin pa, isa na naman itong pagtataksil. Subalit isang pagtataksil na tulad ng binanggit ko kanina’y mahalaga upang lalong mapatalas ang imahinasyon ng katapatan sa sining.

     Anuman, nitong nagdaang dalawang taon, isa sa mga kinahumalingan ko si Roberto Bolaño, makata’t nobelista mula sa Chile. Ang Chile na maaaring nasulyapan ni Ferdinand Magellan sa paglalayag niya  sa Timog Amerika noong 1520, bago siya nagpatuloy sa mga islang tinawag na Filipinas, kung saan niya natagpuan ang kamatayan. Ang Chile na sinakop din ng mga Espanyol, at bagaman naunang lumaya kaysa sa Filipinas ay binitbit naman ang wikang Kastila ng alaala’t imahinasyon nila sa pagkatha hanggang sa kasalukuyan. Ang Chile na katumbas ni Neruda sa loob nang mahabang panahon para sa maraming mambabasang Filipino; si Neruda na nito lamang 2004 ay isinalin ng iba’t ibang makatang Filipino sa ika-isandaang taon ng kaniyang pagsilang; ang mga makatang Filipino na iniibig ang hapis ng paglikha’t nananalig ding, “Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi,” o sa harap ng postmodernong dis-ilusyon at pagkadismaya ay, “Kaya kong magbitiw ng bitter words ngayong gabi.” Natagpuan ng marami kay Neruda ang saklaw ng pagsulat ng tula, kung paano maaaring dapuan ng liriko ang pinakakaraniwang bagay tulad ng asin at kamatis, hanggang sa epikong tagulaylay ukol sa tayog at kadakilaan ng Machu Picchu.

     Subalit ngayon, para sa akin, ang Chile at ang pagtula sa pamamagitan ni Bolaño. At sa pamamagitan ng nobela.
     Sa mga nobela ni Bolaño, natatangi ang pagmamapa niya ng kulturang pampanitikan, partikular ng tula: Kung paanong ang bawat imbestigasyon, ang bawat buhay sa kaniyang Latin America ay nakatahi sa buhay ng mga makata sa kaniyang bayan. Kahit sa realidad, aktibo’t nakisangkot si Bolaño sa direksiyon ng pagtula sa kaniyang bayan, at itinatag kasama ang makatang si Mario Santiago ang tinawag nilang Movimiento Infrarrealista de Poesia na laban sa ipinagpapalagay nila noong “kulturang opisyal” na kinakatawan ng mga tulad ni Octavio Paz. Lumabas bilang tauhan si Neruda sa nobela niyang By Night in Chile, nakaharap at nakausap ng tagapagsalaysay, isang paring kritikong pampanitikan na “tumutula” rin paminsan-minsan. Sa nobela namang Distant Star, inamin ng tagapagsalaysay na dinapuan siya ng Neruditis simula pagkabata, isang karamdaman ng matinding romantisasyon sa pagtula—ang pagtula bilang puno’t ugat ng mga bagay, ang simula’t wakas, ang lampas pa sa daigdig. Subalit sa nobela ring iyon, iminumungkahing magbabago lamang ang panulaang Chilean kung matututuhan nilang basahin nang tama si Enrique Lihn. O ibig sabihin, ang marhinalisado, ang naisagilid, naiwaglit ng kamalayan sa ngalan ng mga Neruda ng mundo.

     May isa ring tauhang makata ni Bolaño na lumaking putol ang dalawang braso mula sa balikat at lumaking bakla’t mahirap, mga prekondisyong lalong nagtulak sa kaniya sa sining. Nang minsang nagtangka siyang magpakalunod, lumangoy siya pabalik sa dalampasigan bago kapusin ng hininga at pinagpasiyahang sa kasalukuyang kondisyong sosyo-politikal, “committing suicide is absurd and redundant. Better to become an undercover poet.”

     Sa nobelang Amulet ni Bolaño, ang tagapagsalaysay na si Auxilio Lacouture ang tanging nakaligtas sa okupasyon ng mga militar sa Mexico. Nagkataong nasa kubeta siya ng ikaapat na palapag ng gusali ng Pilosopiya at Panitikan nang sinona ang unibersidad na pinagtatrabahuhan niya. Samantalang nakaupo sa inidoro’t nagbabasa ng aklat ng tula, “[she] thought about how strange it is to emigrate eastward rather than westward.”  Ngunit hindi iyon kamangha-mangha sa panahon ng kanluraning explorasyon at “pagtuklas” sa mga ipinagpapalagay nilang terra incognita samantalang libong taon nang pinananahananan ng iba. Gayumpaman, maaaring totoo iyon para sa mga tao sa kasalukuyan, sa daigdig ng militarisasyon ni Lacouture, na maaaring sabihing nagmula sa mundo ng industriyalisasyon hanggang sa globalisasyong neokolonyal ngayon: ang mga Pilipinong naglalakbay palayo sa kanilang bayan, patungo sa iba’t ibang sulok ng mundo upang “maghanap ng suwerte,” maghanapbuhay, magbuo ng panibagong buhay—ang mga manunulat na tulad nina Jose Garcia Villa at Bienvenido Santos na piniling manirahan sa Estados Unidos, halimbawa.

     Subalit isang emigrasyon iyon na hindi totoo, at maaaring sabihing saliwa pa nga, sa kaso ng mga texto. Kakabit ng karahasan ng kolonya’t mga imperyo, pa-Silangan ang naging dominanteng direksiyon ng mga akda, at kung gayon, ng mga impluwensiya, hanggang sa ngayon. Mula sa pagsasakatutubo ng panalangin at pananalig na Kristiyano sa Doctrina Cristiana hanggang sa adaptasyon ng Amerikanong kulturang popular sa mga palabas sa telebisyon. Kritikal ito sa naging dominasyong pangkultura sa bansa—ang karanasang binansagan sa iba’t ibang banyagang pangalan bilang colonial mentality, miseducation of the Filipinos, o sa madaling sabi’y pagiging sakop, ang mga “katawang pasibo,” ayon kay Foucault—subalit sa isang banda’y maaari namang tingnan din ito bilang bukal, potensiya, ng isang uri ng lakas.  Mas kilala natin sila, sa pamamagitan ng kanilang mga texto, samantala’y ano ang talagang alam nila sa atin?  Ilang edukadong Pilipino ang hindi kilala si Edgar Allan Poe at ilang edukadong Amerikano ang hindi kilala si Francisco Balagtas? Totoong hindi maiuuwi lamang sa usapin ng estadistika o trivia ang diskurso ng kamangmangan, subalit maaari pa ring igiit, sa kabila ng demonisasyon nito’t samot-saring mutasyon, na kapangyarihan ang kaalaman, at magagamit natin sila. Isa itong posibleng tugon sa hamon ni Foucault kung paano kakatha ng puwersang laban sa tinawag niyang Panopticon, isang uri ng pagtatanghal ng pribado’t indibidwal sa harap ng kontrol ng tila mas malawak na sistema: ang transpormasyon ng kaalaman bilang imahinasyon, ang imahinasyon bilang ahensiya ng pagkatha, sa pagsulat ng tula. Kahit pa sa harap ng postmodernisasyon ng sensibilidad na kakabit ng paghalaw, appropriation, salin, bricolage, paano lubusang maigigiit na hindi rin nga itinutulak ng lunggating politikal ang mga gawaing ito, lalo pa sa sining, sa pagsusulat, sa pag-aangkin ng anyong tulad ng tula na may mahabang kasaysayan sa ating panitikang-bayan subalit kasaysayan din ng pakikipagtalaban sa mga banyagang impluwensiya?

     Bumabanggit si Bolaño ng mga makata’t manunulat sa kaniyang mga akda, higit marahil sa kahit na sinong nobelista, inihahalayhay niya sila, klasiko’t kontemporanyo, tanyag at obscure, buhay at patay, matanda’t bata, kinagigiliwan niya’t isinusumpa,  mula sa loob at labas ng Chile, na para bang ang populasyon ng mga tauhang ito ay tila ensayklopidikong layon na bigyan ng aura ng isang daigdig na binubuo ng manlilikha ang kaniyang mga akda. Sa pagtatapos ng nobelang Amulet, gumawa ng mga propesiya tungkol sa ilang manunulat ang tagapagsalaysay na si Auxilio, kung sino ang patuloy na babasahin, sino ang makakalimutan, sino ang mapapaslang, sino ang magkakaroon ng resureksiyon, ng reinkarnasyon, sino ang mabubuhay nang paulit-ulit, sino ang ipagtatayo ng mga rebulto, sino ang mapuputa sa langit at impiyerno, at tungkol sa tula: “Poetry shall not disappear. Its non-power shall manifest itself in a different form.”

     Subalit binubulabog ang unibersong iyon ng mga kathang manunulat at ganoon din ng mga kathang akda, na para bang may mga pinapangarap pang buhay at texto sa loob niyon, ang totoo at hindi totoo sa labas ng katha ay totoong lahat sa daigdig ng katha at nagpapanagpo ang mga buhay nila. Sa Distant Star, na muling-imahinasyon at extensiyon ng pangwakas na kabanata ng Nazi Literature in the Americas, makikilala ang isang makatang naging asasin ng militar, si Carlos Wieder na naunang nakilala bilang Alberto Ruiz-Tagle. Habang isang pagsisiyasat iyon sa buhay niya, ang pagbabago ng buhay niya kaalinsabay ng pagpapalit ng pangalan, kung buhay pa ba siya, kung siya nga iyon, ang lumilikha ng tula sa eyre sa pamamagitan ng pagpapalipad ng eroplano, sinisiyasat din ng nobela ang hanggahan ng pagtula, at ang kaugnayan nito sa karahasan, kung maaari nga bang ang indibidwal na may sensibilidad ng isang makata ay maging kriminal, pumaslang ng mga babae’t kunan ng larawan ang kanilang marahas na kamatayan upang i-eksibit bilang sining pagkatapos ng pagtatanghal ng tula sa himpapawid, kahit pa sa gitna ng masamang panahon. Isang obsesyon halos itong pag-uugnay ng malikhaing kamalayan sa pakikisangkot sa awtoritaryanismo, lalo na sa pagbubuo niya ng mga hakang talambuhay ng mga manunulat sa Amerika sa kaniyang Nazi Literature in the Americas. Sa isang banda, maaaring iugnay ito sa posisyon ni Kundera laban sa panganib ng lirisismo, tulad ng inilatag niya sa kaniyang mga sanaysay tungkol sa nobela, at sa nobelang Life Is Elsewhere, na sa isang banda’y siya ring dahilan kung bakit hindi na niya binalikan pa ang pagtula. O nasa isa pang akda ni Bolaño ang sagot sa ugnayan ng karahasan at pagsusulat: “The vanity of writing, the vanity of destruction. ... The two things are connected, writing and destroying, hiding and being found.”

     Sa loob ng Distant Star, hinanap ng detektib na si Abel Romero ang tagapagsalaysay upang hanapin kung nasaan si Wieder sa pamamagitan ng pinaghihinalaan nilang mga akda nito. Kailangan umano ni Romero ng makata para hanapin ang isa pang makata. Umikot naman ang The Savage Detectives sa mismong paghahanap nina Arturo Belano at Ulises Lima kay Cesarea Tinajero, ang kinikilala nilang tagapagtatag ng visceral realism, sapagkat hindi nila maunawaan ang kahulugan ng tanging tula nitong nalathala, ang “Sión,” na hindi gumagamit ng “salita,” tulad ng “tula” ni Bök.




Mahalaga ang paglalatag ng kulturang pampanitikan para kay Bolaño bilang motibasyon ng mga pagsisiyasat, ng mga pagtatanong, sapagkat may mga hindi nauunawaan, lalo na sa gitna ng daigdig na politikal na ginagalawan ng kaniyang mga manunulat. Ginawa niyang tauhan, halimbawa, si General Pinochet at pinagsalita sa nobela niyang By Night in Chile upang bigkasin ito tungkol sa ibang mga namuno’t naging diktador tulad nina Alessandri, Frei at Allende: “They didn’t read, they didn’t write. They pretended to be cultured, but not one of them was a reader or a writer.” Maaaring tinitingnan ni Bolaño na sa bandang huli, nakasalalay ang lahat sa mga salita, sa kakayahang magbasa at magsulat. Na ang kalungkutan niya’y samantalang humuhubog siya ng daigdig na umiikot sa kulturang pampanitikan, sa katotohana’y pinaiikot at pinamumunuan ang daigdig na iyon ng mga makapangyarihang walang kinalaman, walang pakialam, sa panitikan, sa tula. O, kung sakali ngang may pakikisangkot ang mga namumuno’t makapangyarihan, o nakikisimpatiya sa kapangyarihan, sa pag-akda ng panitikan, tulad ng ipinakita niya sa mga kathang biograpiya sa Nazi Literature in the Americas, ay higit itong mapanganib, mas nakatatakot—kaya’t dapat pa ring ipagbunyi ang kasaysayan kung saan nagmumula ang kulturang pampanitikan sa gilid, sa oposisyon, bilang kontraryong opinyon laban sa naghahari’t makapangyarihan, tulad ng sensibilidad ng maraming kuwentong-bayan. Isang pagtataksil sa kasalukuyang kalakaran.
   
     Ano ang pakialam ko kay Bolaño? Sa kasalukuyan kong mga bagabag sa usapin ng katapatan at pagtataksil, sa lahat ng salimuot nito’t epekto sa aking pagsusulat, binubuhay niya ang noon ko pa pinaghihinalaan na diyalogo sa mga anyo ng tula at nobela, subalit puta-putaki’t hindi pa nagagawan nang taimtim na pag-aaral: ang relasyon ng pagsusulat ng nobela sa pagtula ng isang makata. Kahit pa nga ginawa iyon ni Rizal, ni Lope K. Santos, ni Alejandro G. Abadilla, ni Edith Tiempo, ni Jun Cruz Reyes, ni Alfred Yuson, ni Luna Sicat-Cleto, ang mamangka sa higit sa iisang ilog. Sa ngayon, ginagawa pa rin iyon ng mga kahenerasyon kong tulad nina German Gervacio, Genevieve Asenjo, at Alvin B. Yapan.

     Kinailangan kong magsulat ng nobela upang mapangahasan ngayon, halimbawa, ang isang himig sa tula, na hindi ko mapapangatawanan limang taon na ang nakararaan kung kailan ang pagiging mataimtim ng bisyon ko sa relasyon natin, ng ating kamalayan, sa mga nilalang ng dilim, ay walang kapasidad na tingnan iyon bilang katawa-tawa sa gitna ng pagiging kalunos-lunos nito. Sa isa sa pinakabago kong tula, wala ang dakilang ambisyon ng “Kuwentong-Bayan,” subalit hindi nagpapanggap ng pag-aaruga ng mga sugat at sakit ng kolektibong kumakawala sa imahinasyon. Hindi ko isinusumpa ang lungkot at kadakilaan, ibig ko lamang takasan ang pagtingin sa mga iyon bilang nakalulungkot at dakila na nga.

     Kinailangan kong pagtaksilan ang nagdaang sarili, kilalanin ang panahong nakapagitan sa bawat pagsulat ng tula, upang maghunos ang mga panibagong salita. Sa palagay ko, sa ganitong paraan lamang ako muling makapagsusulat ng tula. Kaya bilang pangwakas:

          Tagpo

          Pitong taon ako nang una ko siyang makita:
          hindi tao, hindi hayop, nakasiksik sa sagingan
          na tinatanuran ng matandang poso. Tiyanak!
          Sabi ko, nanlalaki ang mga mata. OA,
          sabi niya, naroon at wala sa panahon.
          At lumundag siya't tumuntong sa balikat ko,
          buong buhay kong pinasan, mahigpit
          ang kapit sa ulo ko. Hindi siya nakikita ng iba—
          ang halimaw na laging may puna sa iniisip
          ko’t binibitiwang salita, tulad ng, “Pitong taon
          ako nang una ko siyang makita,” dahil bulag
          ako’t naliligaw at siya ang nakatagpo sa akin.

* This is the lecture I delivered at the Pambansang Kumperensiya sa Panulaang Filipino held last November 25, 2010 at the University of the Philippines in Diliman.