Ang Pagsusulat Bilang Pagkadismaya

O, NOBELISASYON SA IKATLONG DAIGDIG BILANG PAGWASAK


5 December 2009. Cultural Center of the Philippines.
TIGIB NG KONTRADIKSIYON ang karanasan ng isang manunulat, palaisipang tulad ng bugtong na nariyan lamang sa paligid ang sagot ay niyayanig ng talinghaga ang sariling kamangmangan o karunungan, sinusukat ang pakikibahagi pa rin sa mas malawak na karanasan ng bayan, ang kolektibong hiwalay sa kaniya subalit kinabibilangan din niya. Sa isang banda, maaari niyang ideklarang “ako ang daigdig,” samantalang nagluluksa ang mundo sa mga trahedyang idinudulot ng tao sa isa’t isa, o mga kalamidad na kasintanda ng pagmamalay ng mga sinauna sa paglalaho’t pagkabuo ng buwan. Maaari siyang kumatha para sa sarili, para sa mismong sining, para sa itinuturing na maganda ng bawat panahon o kultura: pagsikat ng araw, tabi ng dagat, pamumulaklak ng diliwariw, sayaw sa kalipay, ibong may layang lumipad, pag-ibig—at ibulong sa sarili, Maganda pa ang daigdig. Naroon sa gayuma ng paningin, ng pagtingin, ang potensiyal na suliranin: maaari akong tumingala sa buwan at sabihing dambuhalang keso, tulad ng sinasambit-sambit ng mga dagang hindi naniniwala kay Daginding na bato lamang ang buwan sa kuwentong-pambata ni Roberto Alonzo, o ipangako ito sa sinusuyo bilang panghalip sa pag-ibig, na kinaumayan na’t inuyam pa ni Allan Popa sa “Buwan, Buwan.” Nasa pagtingin ang bukal ng paninindigan o pagkatinik nang malalim, kaya’t idyomatiko rin ang pagtingin sa atin para sa pagtangi, pagmamahal.
       
        Puso kong lulutang-lutang
        Sa gitna ng karagatan,
        Ang tanging tinitimbula’y
        Titig ng mata mo lamang.


Subalit masidhi ang trahedya ng pagkatao na maisasalba lamang sa pagtingin ng iba, trahedyang hindi nasulyapan man lamang ng persona sa katutubong dalit, tulad ng pagkalugmok nina Doña Juana at Doña Leonora sa Ibong Adarna na naghintay sa kanilang Don Juan na magliligtas sa kanila mula sa ilalim ng balon; kaiba sa ahensiya ni Doña Maria na siyang gumanap sa lahat ng pagsubok ng ama niyang hari para sa prinsipe, at nanguna upang ipinaglaban ang karapatan ng sarili sa harap ng gayuma ng paglimot ng lalaking inibig sa dulo ng korido.

Sinabi na ni Ildefonso Santos: “Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan/ Lahat, pati puso’y naaagnas ding marahang-marahan.” Nakamamanhid ang mismong saya, ang mismong paglulunoy sa daigdig na narito. Kailangang matigatig sa mismong pagkapanatag. Paano mapapakali kung ayon sa isang survey kamakailan lamang: sa bawat 100 pumapasok sa grade 1 ay 54 lamang ang nakapagpapatuloy sa high school, at 13 ang nakapagtatapos sa kolehiyo, at wala pang kalahati sa mga nakapagtatapos na iyon ang nakakakuha ng matinong trabaho? Saan mapapanatag kung tatlong dekada pagkatapos ng serye ng Mga Batang Lansangan ni Ricardo Lee, lumala pa ang bilang at kondisyon ng mga batang nalululong sa droga, nagbebenta ng katawan, nanghohold-up, pumapatay, nakukulong, napapaslang? Mahirap maging mahirap, at ito ang sentimyentong sinisikap sakyan ng karamihan sa mga manunulat sa kasalukuyan na nagmumula sa akademya, may intelektuwal na kapital, karamiha’y nakakakain sa oras hindi man ganap na nakakariwasa. May malaking problema kapag hindi na maramdamang may problema nga pala. Sa Sipat-Kultura ni Rolando Tolentino, iminumungkahi niya ang isang estetika at politika ng paglayas at paglayag, dahil sa mga kondisyon lamang na iyon umano ng hindi pananatili maaaring maapuhap ang posibilidad ng paglaya. Malinaw ang posisyon ni Tolentino: kailangang pro-active ang anumang pagsusulat, mahalagang may direksiyon itong tinatahak tungo sa pagbabago ng mga kondisyon ng nasa-labas nito. Hindi maaari ang mungkahi ng bata sa kaklase niya sa isang komersiyal sa telebisyon, “Isipin mo na lang, ham ‘yan.” Sa harap ng kadahupan pa rin at patuloy na pagdanas ng pagkaapi ng nakararami sa kasalukuyan, bunga man ng isa o kombinasyon ng iba’t ibang kondisyon ng marhinalisasyon—uring panlipunan, kasarian, etnisidad, nasyonalidad, relihiyon, paninindigang politikal—mahirap na maging hindi militante kung ibig na maging awtentiko ang pagdanas ng pagsusulat. Nagtatagisan ang mga hamon mula sa loob at labas ng mismong indibidwal na nagsisikap maging alagad ng sining at bayan, samantalang nagtatalaban din ang paninikil mula sa loob at labas ng bayan niyang iyon.

Subalit problematiko ang basta pagpapahayag na, Walang panahon para sa sariling ego, lalo pa kung ang ego na iyon, ang sariling iyon (hindi lamang ang “ego” bilang “laki ng ulo”), ang pumoposisyon sa mga usapin, ang nagluluwal ng mga damdamin, kaisipan at pagkilos. Ang ego na iyon ang dumaranas ng pagkadismaya at maaaring maglunsad ng pagwasak. Sa harap nito, napakahalagang usapin ang kontexto at tunguhin sa bawat pagtataya sa estado ng praktis ng pagsusulat sa Pilipinas. Kumikilala ito sa espasyo (lahat ng mga aspektong pangkaligiran, ang chronotope, na kinasasangkutan ng obheto ng pagsisiyasat) at panahon (bilang paglingon sa formasyon ng mga anyo at projeksiyon sa posibilidad ng isang hinaharap), bilang dalawang mahalagang konsiderasyon sa formasyon ng kamalayang pang-estetika at politikal ng isang nasyong gaya ng anumang kolektibo’y may pagdanas ng pluralidad at komplikasyon ng mga identidad at ugnayan, bunga ng tagisan ng mga kasaysayan ng opresyon at paglaya, at patuloy na pagdanas ng mobilidad, mula sa usapin ng lunang heograpikal hanggang sa pagmamapa ng mga damdamin at paninindigan. Dito ko sisipatin ang pangkasaysayan kaugnay ng pangkasalukuyang praxis ng nakababatang henerasyon ng manunulat, lalo na kaugnay ng anyo ng nobela, sa harap ng hamong “makibahagi ang manunulat sa pagwasak ng kultura ng kaalipnan, kahirapan at kamangmangan.”

Kung tutuusin, isa sa mga problematikong anyo ang nobela, lalo na kaugnay ng ating kasaysayang pampanitikan. Hindi gaya ng tula na nag-uugat sa isang mas malayong tradisyong-bayan (Lumbera), malinaw na isa itong anyong kolonyal, na naging posible dahil sa teknolohiya ng palimbagan, na nakarating sa atin noon pang 1595. Gayumpaman, bagaman may halos tuwiran tayong koneksiyon sa isa sa mga itinuturing na ninuno ng nobela sa kanluran, ang Don Quixote ni Miguel De Cervantes Saavedra na nalathala ang unang tomo noong 1605 sa Espanya, lilipas pa ang mahigit tatlong daang taon bago nalathala ang itinuturing na unang nobelang Filipino sa Kastila, ang kostumbristang Ninay (1886) ni Pedro Paterno.

Malinaw na sintomas ito hindi lamang ng relasyong politikal at pampanitikan sa pagitan ng Pilipinas at Espanya nang panahong iyon, kundi maging ng problematikong pagharap sa nobela bilang anyo. Sa simula pa lamang, kahit sa kanluran (at alalahaning isa ito sa mga inaangkin pa rin bilang anyong Europeo ng maraming mga pag-aaral sa nobela, salamat sa mga akdang gaya ng kay Cervantes, gayundin ang Gargantua & Pantagruel ni Francois Rabelais, sa kabila ng katotohanan na mas matanda nang di hamak ang iba pang posibleng “ninuno” nito, gaya ng Arabian Nights at Tale of Genji ni Murasaki), isa itong subersibong anyo, na tumutuligsa sa mga anyong nauna rito, at ginagawang katawa-tawa kahit ang mga suliranin sa kondisyon at mga sistemang itinatag ng tao. Sa kabila ng imprimatur sa paglilimbag sa Don Quixote, dahil sa mga hayag nitong pagsusulong umano ng mga ideyal na Katoliko, makikitang punong-puno rin ng balintuna ang mismong mga pagtatanghal na iyon sa relihiyon, isang katangian ng nobelang papangalanan ni Mikhail Bakhtin bilang dialogic imagination na nauuwi sa istratehiya ng heteroglossia, isang kapasidad ng anyong ito na hindi kayang pasanin ng monolohikal na bisyon ng tulang lirikal, o kahit pa nga ng epiko, na karamiha’y para sa pagbibigay-katwiran at suporta sa kapangyarihan at posisyong hawak ng naghaharing-uri.

Kung gayon, malinaw ang lohika kung bakit halos ikubli ng mga Kastilang mananakop ang posibilidad ng pagnonobela sa mga katutubo, samantalang sinuportahan naman nila ang produksiyon ng tula. Nakita nila ang mahalagang papel ng tula sa pagpapatatag ng tradisyon ng bayan (sawikain), ng matalas nilang pagkilala sa kapaligiran (bugtong), ng kolektibong pagdanas sa mga gawaing-pambayan (awiting-bayan), kaya naman masigasig itong pinag-aralan ng mga misyonero. Higit na bukas ang monolohismo ng tula sa agenda ng pananakop. Ibang usapin ang nobela. Nakita na nila kung paano nagtanghal ng kawalang-pakundangan ang nobela sa lahat ng mga itinuturing na birtud ng sibilisasyon, ng kawalang-paggalang sa posisyon ng kapangyarihan, at ng pagtimbuwang ng lahat ng mga inaasahan. Isang pagwasak. Ayon pa rin kay Bakhtin, sa pag-aaral naman niya sa nobela ni Rabelais, ito ang sandali ng “carnivalesque” na binubuksan ng nobela. Ito ang carnivalesque na hindi maaatim ng mananakop, kaya’t imbes na nobela’y sermon at buhay ng mga santo (vida) ang produksiyon ng kanilang mga prosa.

Nang ilimbag ang Urbana at Felisa (1838) at Si Tandang Basio Macunat (1865), kahit pa itinuturing ang mga ito bilang proto-nobela ni Resil B. Mojares sa kaniyang The Origins and Rise of the Filipino Novel, malinaw sa akin na “kontra-nobela” ang mga ito, na ang diwa ng mismong paglalathala ng mga akdang ito ay laban sa espiritu ng nobela na nagbubukas ng higit na diskursibong pagsisiyasat sa mga usapin. Malinaw sa mga akda nina De Castro at Bustamante na nananatiling singular ang bisyon ng realidad, at malinaw ang mapandiktang himig na halos nasa astang totalitariran. Sa sarili niyang pag-aaral sa nobela, sasabihin ni Milan Kundera na nasa loob mismo ng nobela ang sensibilidad na kontra-totalitaryanismo, at nilalabanan nito ang anumang mapanakop, mapanaklaw at mapanlagom na pagtatangkang ikahon ang pagdanas ng tao sa kaniyang realidad.

Nagsimula ang sarili kong pagbabasa ng panitikan sa mga pahina ng Liwayway at dito’y agad na mauungkat ang pormasyon ng kamalayang popular katapat ng paghubog din sa politika at sensibilidad na estetiko’t kritikal. Ano ang pagkakaiba ng popular na konsumpsiyon sa kanila kung itatapat sa panonood ng mga pinagbibidahan nina KC Concepcion at Richard Gutierrez, o patuloy na pagpila sa Wowowee, gaya ng senior citizen na gagampanan ni Dolphy, ang bida sa Juan na isa sa mga lahok sa Metro Manila Film Festival sa darating na Disyembre? Isinilang ako sa panahong post-Martial Law, Pebrero 1981, isang buwan matapos ang opisyal na deklarasyon na tapos na ang halos isang dekadang batas militar na humubog nang matindi sa buhay ng mga henerasyong nauna sa amin—isang yugtong masasabing isa sa pinakamahalagang panahong pangkasaysayan sa bansa pagkatapos ng digmaan, kung pagbabatayan ang naging epekto nito sa produksiyong pampanitikan sa ating bayan. Wala ako roon. Hindi ko iyon inabot. Bahagi ng kasaysayang hindi ko man lang nakita.

Bagaman totoong hindi naman nagwakas kasabay ng pagtatapos ng Martial Law ang mga pandarahas na naging kakabit na ng panahong iyon—ipinangangalandakan ni Imelda Marcos noong isang gabi lamang sa telebisyon na “ginintuang panahon” ang Martial Law, at mas maraming karahasan laban sa mga Pilipino sa administrasyon ni Cory Aquino, panahong inabot ko na, subalit natatabunan ng matitingkad na alaala ng gabi-gabing blackout ang lahat ng iba pang alaala—isang trauma pa rin sa kamalayan naming mga batang manunulat na wala kami sa Dekada ‘70. Hindi kami kabilang sa nabigyan ng babala: Tutubi, Tutubi, ‘Wag Magpahuli sa Mamang Salbahe.  Isa iyong bukal ng paninindigan na kinikilala ng maraming manunulat na Filipino na isang natatanging pangyayari na nagtakda sa kanilang pagkamanunulat. Sa hindi iilang pagkakataon, narinig kong sinabi mismo ng nobelistang si Jun Cruz Reyes na maaaring hindi siya nakapagsulat kung hindi naganap ang Martial Law.

Wala kami roon. At sa isang banda, nag-uugat dito ang isang pagdanas at mukha ng pagkadismaya na makikita sa direksiyong tinatahak ngayon ng panitikan, partikular  ng nobelang Filipino. Pagkadismaya itong nagmumula sa parehong panig. Una, pagkadismaya sa amin mula sa panig ng mga henerasyong nauna sa amin, na naroon. Na para bang nabigo sila sa amin, tipikal na larawan ng magulang na may pinangarap para sa mga anak, subalit hindi iyon ang piniling landas ng mga ito. “Ang lumakad nang matulin, kung matinik ay malalim.” Subalit wala na, malaon nang nakaalis nang hindi nakikinig, walang pinapakinggan. Batay sa personal kong karanasan, ayon sa mga narinig ko’t nabasa (anong hindi na nakikinig?), para sa ilan sa kanila, kami ang mga anak na wala: mga batang manunulat na sinisipat nila ayon sa ipinagpapalagay nilang nawawala sa amin. Walang-malay, sa sarili, at sa iba. Walang kaugnayan. Walang pakialam. Walang kabuluhan. Walang pananagutan. Walang paninindigan. At ang lalong ipinagpuputok ng butsi ng mga tumitingin sa aming henerasyon batay sa kung ano ang nawawala sa amin, kumbakit wala rin kaming sinasabi sa harap ng kanilang panggagalaiti.

Pero hindi rin totoong-totoo na wala kaming sinasabi. Hindi nga lamang siguro sila ang pinipiling kausapin o harapin. Patuloy ang aktibong produksiyon ng panitikan sa hanay ng mga batang manunulat mula sa garapalang pagtatawa ni Eros Atalia sa mga “wala lang” ng kasalukuyang lipunan hanggang sa mga tula at sanaysay ng kasariang Hiligaynon at post-Ladlad ni John Iremil Teodoro, o sa matulaing rendisyon ng pasakit at luwalhati ng katawan ng babae sa nobela ng Ilonggong si Genevieve Asenjo, o sa pagnanaknak ng loob at katawan sa mismong kawalang-pasakit sa mga akda ng Bikolanong si Kristian Cordero.

Narito ang kabilang panig ng pagkadismaya: mula sa panig ng mga batang manunulat na ito. Subalit hindi tulad ng pagkadismaya ng mga nakatatanda na lumilitaw sa anyo ng kritika (ang paminsan-minsang rebyu halimbawa ni Cirilo Bautista sa kolum niyang “Breaking Signs” sa Panorama ng mga aklat o katha ng batang manunulat, o ang “bendisyon” ni Virgilio S. Almario sa ilang batang makata sa bago niyang antolohiyang Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tulang Filipino), nahuhubog bilang isang uri ng estetika at politika, hindi kritika lamang, ang pagdanas ng mga batang manunulat sa pagkadismaya.

Isang kondisyon-damdamin-asta-pagkilos na postmoderno ang pagkadismaya. Nagsisimula ito sa isang malinaw na karanasan: may pangyayaring hindi naging mabuti, hindi nagustuhan. Sumusunod dito ang isang rekognisyon: maaari sanang naiwasan ang pangyayaring iyon. Nagiging ganap ang pagkadismaya sa meta-rekognisyon: ang mismong sistema at mga may-hawak ng kapangyarihan ang tumitiyak na mangyayari ang hindi mabuti, ang hindi magugustuhan ng nakararami.

Maaaring sabihin na noon pa mang nasa Europa si Rizal at iminungkahi niya sa mga kapwa-Ilustrado ang pagsusulat ng nobela na sasalamin sa kondisyon ng Filipinas, dinanas na niya ito nang hindi ito seryosohin ng kaniyang mga kasama at nauwi siya sa pagsusulat nang mag-isa, na nagluwal nga sa Noli me Tangere. Malinaw na produkto ang nobelang iyon hindi lamang ng pagtuligsa sa kalakarang kolonyal na tumitiyak ng pagkaapi ng nakararaming mamamayan sa ating bayan, maaari ring tingnan na produkto iyon ng pagkadismaya ni Rizal sa mga kapwa niya Ilustrado na ang mismong pagpapatuloy ng buhay na kosmopolitan sa Europa ay nagsisilbi mismong panggatong sa mga pandarahas.

Nito lang Marso, paggising at pagsisimula ng araw sa kinasanayang pagche-check sa email, nabasa ko ang mensahe ng kaibigang kuwentista at nakasama sa isang workshop sa Bacolod noong 2003, si Mykel Andrada. Nawawala raw umano ang kaibigan namin at nakasama rin sa Bacolod na si VJ Rubio. Hindi nagtagal, natagpuan sa San Mateo, Rizal ang sasakyan, basag ang mga salamin. Sa Nangka, Marikina ako nakatira, isang baryo na katabi ng San Mateo. Nagpadala agad ako ng mensahe kay Mykel para alamin kung saan sa San Mateo nakita ang sasakyan ni VJ. Ilang minuto lang, tiniyak ni Jun Cruz Reyes na patay na nga si VJ. Nitong nagdaang buwan naman, isa pang manunulat mula naman sa Visayas, si Winton Lou Ynion, ang natagpuan namang pinatay sa sarili niyang tinutuluyang condo unit sa Katipunan lang. Magkabertdey kami ni Winton at nagkaklase sa ilang Ph.D. units sa UP, kung saan ko nasaksihan ang tindi ng malasakit niyang dalhin sa kamalayan ng gaya kong Tagalog ang husay ng mga manunulat na sina Magdalena Jalandoni at Ramon Muzones, at kung bakit dapat mailagay sa kanon ang Margosatubig ng huli.

Paano kakatha ng kapanatagan sa harap ng ganito katiyak na kamatayan ng mga kabataang manunulat na malaki ang pangako sa hinaharap? Politikal o kriminal ba ang kanilang kamatayan? Hate crime? Hayag na bakla sina VJ at Wynton, at anggulo iyong hindi isinasaisantabi, sapagkat kung magkagayon, lalong simptomatiko ito ng malalalim pa ring galit sa isa’t isa bunga ng mga di-pagkakaunawaang kinakatha ng kamangmangan at kahirapan at neoliberal na ideya ng karapatan at pagkakapantay-pantay, na balintunang sa harap ng mundong ginagawang globalisado’y lalong naitatampok ang karupukan at pagkadehado ng ikatlong daigdig.

Malabo pa rin hanggang sa sandaling ito ang detalye ng mga kamatayan nila, at ang kondisyong ito’y lalong nanliligalig, nag-iiwan ng pagkadismaya. Lalo pa’t wala na dapat tayo sa panahon ng batas militar. Dito gumigitaw ang suliranin sa pagpapangalan sa isang sandaling historikal, ang problema sa mga kategorya tulad ng panunupil, pananakop at karahasan, at ang kasinungalingan ng kalayaan. Muli: alam nating hindi natapos sa pagtatapos ng batas militar ang iba’t ibang mukha ng represyon at opresyon sa mga manlilikha ng isang bayan. Ang suliranin (o problema nga ba?): ano ang itatawag namin sa panahong ito? Sa amin? Post-martial law babies. Ano ang post—ano pa ang magagawa ng, sa, post, tulad ng postmodernidad, postkolonyalidad, bilang mga agresibong tugon sa kinakabitang kondisyon? Samantalang napakalinaw na karanasan ng Batas Militar para sa henerasyon nina Jun Cruz Reyes, Lualhati Bautista, Fanny Garcia, Ricky Lee at iba pa, ano naman ang maglalagom sa panunupil at pandarahas na itong patuloy na dinadanas, hindi lamang sa antas na indibidwal kundi sistemiko rin?

Hindi lamang ang literal na kamatayan ang pumapaslang sa malikhaing potensiyal ng isang bayan (bagaman hindi binabawasan noon ang pangangailangang ipagluksa ang ganitong mga kamatayan), kundi ang mismong pagpatid sa mga opsiyon ng isang buhay na malikhain sa kasalukuyan. Halos nagkokoro na ang sentimyento ng maraming kritiko ng ating kontemporanyong karanasan sa pandarahas sa buhay-intelektuwal ng kultura ng call center at caregiving sa ngayon, samantalang hindi rin naman nagwawakas ang pila ng mga aplikante, dahil pagkatapos mag-aral sa kolehiyo, kahit pa sa inaakalang mabubuti namang unibersidad ay ano nga ba ang mga inihahaing uri ng trabaho sa atin sa kasalukuyan? Ito ang kinakathang dayalogo ng globalisasyon at neoliberalismo sa kasalukuyang buhay na publiko at pribado ng marami sa aming henerasyon. Mukhang may pagpili, mukhang may pinagpapasyahan, o ipinagmamalaki mismong ang hindi pagpili, ang hindi pagpapasya ay isa rin mismong pagpapasya.

Nauwi na nga sa ganoong balintuna ng pangangatwiran ang lohika ng karaniwang kamalayan (subalit ano ba ang karaniwan? mula saang posisyon nagmumula ang pagtatalaga ng karaniwan?): mahalaga ang posisyon ko (ang aking ego!) dahil wala nang mahalaga sa akin. Subalit hindi sa ganito dapat mauwi ang lahat, at nananalig akong hindi neoromantiko iyon, hindi isang sentimyento na lamang nga ang magkaroon pa ng tiyak na pinanghahawakan sa harap ng kasalukuyan nating realidad. Na ang pagiging “pasaway,” sa isang banda, ay hindi na lamang basta di-pagsang-ayon o kawalang-interes o “pang-aaning” sa kung anuman ang namamayani’t ibig kumondisyon sa nakararami: ang ganap na pagka-“pasaway” sa  kasalukuyan ay may aktibong paglalantad ng kontraryong posisyon, na ang pang-iinis, gaya ng orihinal na implikasyon ng salita (inis, inisin) ay nakamamatay. Na ang isang pasaway ay naniniwalang sa gitna ng kabaliwang pinamamayani ng kalakaran sa ngayon, walang pinakamatinong tugon maliban sa pagpapasaway. Dialektikal ang pagiging pasaway, kung gayon: ang pasaway na dismayado’t hindi mapanatag ay hindi magpapapanatag at magdudulot ng ibayong pagkadismaya sa naghahari, sa nagtatakda ng kaayusan. Nakita na natin sa kasaysayan ang pagpapasaway ng mga Lapu-lapu at Malong, ng mga Palaris at Sakay, ng mga Bonifacio at Evangelista, ng mga binyagang tumagibang sa “inaasahang” pagpapakuhulugan sa Pasiong Mahal batay sa eskatolohiyang Katoliko (Ileto), ng mga Huk na kipkip ang Pasion ding Talapagobra samantalang inaawit ang sariling pakikibaka (Maceda), ng mga komunistang may paninindigan para sa kapakanan ng obrero (Guillermo), ng mga babaeng nananalinghaga samantalang nakikipagkrus sa kasaysayan (Santos), at ang mga patuloy sa pag-akda ng bansa nang taliwas sa opisyal na kasaysayang ibig palaganapin ng pamahalaan, mula sa labas ng sentro, upang usigin ang mismong pagtatatag ng mga sentro bilang bayan, at pagkilala sa mga taga-sentro bilang tanging taga-bayan (Lumbera).

Ito siguro ang dahilan kaya’t hindi nakapagtatakang umusad mula sa realismo ng nobelisasyon ni Rizal tungong radikalisasyon ng mga akda sa pagdating ng mga Amerikano, gaya ng makikita sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos hanggang sa mga nobela nina Amado V. Hernandez at Lazaro Francisco (bagaman ayon Guillermo, higit umanong instrumento ng pasipikasyon kaysa radikal ang mga nobela ni Franciso, na kamakailan ay kinilala bilang National Artist), kahit pa nga sa mga magasing popular, kung tutuusin, nalathala ang marami sa mga iyon.

Dito nagiging mahalaga ang daynamiko ng tinatawag kong “sandali ng pagbabasa” lalo na sa kondisyon ng karamihan sa mga nobela sa atin na de-serye. Nasa sandali ng pagbabasa ang potensiyal ng pagwasak sa inaasahan na kritikal sa anyo ng nobela, sa kabila ng mukhang programatiko, de-kahon, at kasapakat ng kapitalistang oryentasyon ng popular na magasing kinasasadlakan ng mga ito. Kapag tiningnan natin ang aktuwal na produksiyon ng nobela sa Pilipinas, makikitang wala pang sampung bahagdan sa mga nobela sa bernakular ang unang nalathala bilang isa nang aklat. Dito lalong lumalawak ang dagat sa pagitan ng popular at akademikong konsumpsiyon ng mga texto. Samantalang sinusubaybayan ng nakararaming Pilipino ang mga nobela nina Constante Casabar at Hilaria Labog sa Liwayway at Bannawag noong bago ang digmaan at nina Rosario De Guzman Lingat at Benjamin Pascual matapos ang digmaan, hindi sila naiposisyon sa kanon ng panitikan hanggang nito na lamang magkaroon ng reebalwasyon sa kanilang papel sa kasaysayang pampanitikan, salamat sa mga pag-aaral na gaya ng ginawa nina Soledad S. Reyes sa kulturang popular, at sa paglalathala bilang aklat ng nobela ng gaya nina Lingat (Kung Wala na ang Tag-araw at Ano Ngayon, Ricky?), Pascual (Lalaki sa Dilim at Babaeng Misteryosa) at Casabar (Silang Nagigising sa Madaling-araw), lalo pa’t patuloy pa rin ang pagkiling ng akademya sa aklat kaysa sa ibang lathalaing gaya ng magasin. Binigyan din ni Reyes ng mahalagang puwang sa disertasyon niyang Nobelang Tagalog, 1905-1975 ang hindi matatalikurang papel ng magasin sa produksiyong pampanitikan ng bansa.

Tinatawag kong “sandali ng pagbabasa” ang lahat ng kumukondisyon sa produksiyon ng nobelang de-seryeng patuloy na nalalathala hanggang sa kasalukuyan, pangunahin sa Liwayway, Bannawag at Bisaya. Ang panahong umuusad ang unang sandali ng pagbabasa. Dahil de-serye ang nobela na nalalathala ang bawat bahagi linggo-linggo, may mga nobelang tumatagal nang ilang taon, tulad ng humigit-kumulang sa tatlong taon na serialisasyon ng Laro sa Baga, isa sa mga pinakamahabang nobelang naserye sa Liwayway noong dekada otsenta, ni Edgardo M. Reyes. Umuusad ang nobela kasabay ng pagbabago ng panahon, nagbabago ang kaligiran, nagbabago ang kondisyon ng mambabasa.

Isa sa mga una kong personal na nasundan sa Liwayway ang Laro sa Baga. Noong una, maaaring magkatambal ang gayuma at pagkabagabag sa akda ng pitong taong gulang kong kamalayan noon. Hindi ko itatanggi ngayong hindi ko pa naiintindihan noon ang marami sa mga dilemma ni Ding, ang pangunahing tauhan, na bunga ng pakikipagrelasyon niyang seksuwal sa iba’t ibang babae, mula sa kaniyang Ninang Carmen hanggang kay Dee. Naaakit lang siguro ako noon sa mga larawan ni Jun Lofamia sa mga tauhan na laging halos hubo’t hubad na siyang bubungad sa iyo sa isang pampamilyang magasin. Alam ko na noon na hindi ko pa dapat binabasa ang binabasa ko pero walang sumasaway sa akin sa bahay. Pero ang ako na pitong taon sa pagsisimula ng nobela ay malayo na sa sampung taon na nagbabasa pa rin sa nobela sa mga huling kabanata nito. Natuli na ako noon, higit na akong naging malay sa sarili kong katawan, at ginagawa ko na rin ang mga “kalokohang” mas maagang natutuhan ni Ding sa nobela noong bata pa siya.

Subalit dahil nakaangkla sa realismo ang karamihan sa mga nobela, sinasabayan din ng realismong ito ang aktuwal na pagbabago sa realidad: pagbabago ng presyo ng mga pinamimili sa palengke, ng pamasahe sa dyip, pagtukoy ng mga detalye sa kulturang popular (nanalong team sa PBA, balita sa TV, palabas na pelikula, dumating na kalamidad) bilang agarang references ng kinakathang realidad. Siyempre pa, hindi lamang ang mambabasa at ang realidad ang nagbabago, kundi ang manunulat mismo. Sa masinop na pagbasa sa mga nobela sa Pilipinas, napakahalagang isaalang-alang ang sandali ng pagbabasa bilang pagtugaygay din sa pagbabagong sikolohikal ng may-akda sa buong panahong inaakda niya ang nobela upang tayain kung paano nito naapektuhan ang sarili niyang mga pananaw, politika at kahit ang estilo sa pagkukuwento simula sa simula hanggang sa wakas.

Siyempre, malayo na ang Edgardo Reyes ng Sa mga Kuko ng Liwanag sa Reyes ng Laro sa Baga. Samantalang dikta pa ng kritisismong panlipunang laganap sa mga akdang supling ng batas militar ang makikita sa serialisasyon ng Kuko noong dekada sitenta, higit namang personal ang krisis ng indibidwal na humaharap sa modernong mukha ng alyenasyon sa siyudad kung saan nagkubli na sa mga bagong anyo ang mga dating mukha ng pandarahas.

Samantala, ikalawang saysay ng “sandali ng pagbabasa” ang mismong espasyong pinaglalathalaan ng nobela, ang materyalidad ng magasin, na kung pananaligan ang ilang mga teoryang higit na saykoanalitikal ay maaaring nakaaapekto sa resepsiyon sa mismong akda. Ibang karanasan ang tuloy-tuloy na pagbuklat ng pahina ng isang nobela na nakaaklat. Kamakailan, lumikha rin ng malaking usapin sa sandali ng pagbabasa ang introduksiyon ng Amazon Kindle, isa sa mga itinuturing na pinakamalaking rebolusyon sa sistema ng pagbabasa nitong nagdaang mga taon. Subalit sa serialisasyon ng nobela sa magasin, binabasa ito kasalitan ng balitang pandaigdig at pambansa, balitang isports at showbiz, horoscope, jokes, puzzle, padalang liham ng mga kababayan natin mula sa ibang bansa, payong pangkalusugan, recipe, maiikling kuwento, ilang tula, teen-age love stories at kuwento ng kababalaghan na batay umano sa mga ipinadalang liham ng mambabasa, ilang artikulong pangkultura o pang-agham, nobelang komiks, tapusang komiks, print advertisement ng Pigrolac at iba pang produkto, samantalang nasa cover ang larawan ni Judy Ann Santos o iba pang artista.

Ito ang ikalawang realidad sa sandali ng pagbabasa ng de-seryeng nobela sa magasing tulad ng Liwayway: Nakikipag-agawan ito ng espasyo at atensiyon sa lahat ng iba pang textualidad na maiiimprenta sa pahina. Alin ang uunahin? Alin ang nilulusaw ng ano? Alin ang napatitingkad sa ganitong salimbayan ng mga texto? Nang pinag-aralan ko ang mga nalathalang nobela sa Liwayway sa loob ng dalawampung taon simula noong 1986 hanggang 2005, nakita kong may mga panahon kung kailan nasa mga unang pahina ang de-seryeng nobela at may mga panahon kung kailan pinapalitan ang unang pahina na iyon ng balitang kababalaghan. Kung aalalahanin ang malinaw na materyal na kondisyon ng magasin bilang isang produkto, at kung gayon ay hinuhubog sang-ayon sa ipinagpapalagay na panlasa ng konsyumer, masisipat ang isang uri ng daynamismo sa pagturing sa nobela at kuwentong kababalaghan bilang “mapagpapalit”—sa kabila ng “realismo” sa mahigit 90 porsiyento ng mga nobelang de-serye na iyon. At sa panig ng patnugutan at ng mismong tagapaglathala, gaano kahalaga ang mga nobelang ito kung ikukumpara sa lahat ng iba pang maaaring lamanin ng magasin? Bakit tatlong pahina ang karaniwang haba ng mga nobela ni Edgardo Reyes (Ang Mundong Ito ay Lupa, Babaeng Marupok… Makapangyarihan, Doon Po sa Amin), subalit isang spread lamang para sa iba pang manunulat, gaya nina Virgilio Blones at Evelyn Estrella?

Panghuli, maaaring tingnan ang “sandali ng pagbabasa” bilang siyang indicator mismo ng estetika ng natatanging anyo ng produksiyon ng karamihan sa mga nobela sa atin. Nabubuo rito ang pre-determinasyon ng nobela dahil sa ilang usapin: gaano kahaba ang buong serye (kay-ikli, kay sandali ng pagbabasa!), ilang labas? (sa Liwayway, si Reyes din ang may hawak ng rekord ng nobelang may pinakamaraming labas, ang Laro sa Baga nga, at gayundin naman ang pinakamaikling mini-nobela, ang Puto at Dinuguan, na limang isyu lang ang itinakbo ng kuwento), at sino ang nagdidikta nito, ang manunulat, ang editor, ang publisher, ang mambabasa?

Pero dahil din sa mismong materyal na kondisyon (kailangang subaybayan, kailangang kapanabikan, kailangang maalala ng mambabasa; ibig sabihin: kailangang may dahilan para patuloy na bilhin ang magasin), lumilikha ng mga istratehiyang kinasanayan (at maaaring sabihin, naikakahon) sa nobela. Halimbawa, naging karaniwan ang pambibitin ng eksena sa dulo ng bawat labas, na aakalain ng mambabasang importanteng pangyayari, na hindi naman pala ganoon kahalaga kapag nabasa na ang kasunod na labas. Sa pagsisimula naman, minsa’y may lagom o halos tuwirang pag-uulit ng huling eksena sa sinundang labas para ipaalala sa mambabasa kung saan naputol ang mga pangyayari. Nakabuti man o nakasama, malinaw na nahubog ang maraming nobela sa ganitong paraan, at nakaapekto rin sa halos isteryutipikal at de-kahong karakterisasyon (ang mga babaerong tauhan ni Pascual, halimbawa, sa Ibong Adorno at Makulit at Malikot), upang hindi na lumikha ng kumplikasyon sa pagpapaunawa sa mambabasa. Hindi ito naiiba, siyempre pa, sa kondisyon ng mga soap opera, na umaabot ng mahigit limang taon (gaya ng Mara Clara nina Judy Ann Santos at Gladys Reyes) o tinatapos na agad nang wala pang isang buwan (tulad ng Till Death Do Us Part nina Kristine Hermosa at Diether Ocampo), dahil sa usapin ng ratings at ng kakabit nitong airtime revenue mula sa sponsors.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang paglalathala ng tatlong nabanggit na magasin ng mga de-seryeng nobela at malinaw na mahalagang puwersa na kailangang isaalang-alang kung ibig maging makatarungan sa pagtatasa ng kalakaran ng nobela sa bansa, higit kung tutuusin sa mga gawad na tulad ng Palanca na dumarating lamang tuwing ikatlong taon sa wikang Filipino at Ingles lamang! Kahit ang ilang manunulat na lumikha na ng pangalan sa akademya ay pinasok din ito, gaya ng pagseserye muna ni Cirilo F. Bautista ng kaniyang Galaw ng Asoge sa Liwayway bago iyon inilathala ng UST Publishing House noong 2005.

Subalit ang sabihin na iyon lamang ang namamayani at tunguhin ng nobela sa kasalukuyan ay isa rin namang kawalang-katarungan sa aktibong produksiyon ng marami ring kabataang may pagkadismaya rin sa mismong formulaic na produksiyon ng mga texto sa Liwayway. Noong nagdaang taon, ginulat ni Ricky Lee ang marami sa paglalathala ng una niyang nobela, isa sa mga belated na pangyayari sa panitikan, lalo pa’t napagtibay na ang posisyon ni Lee sa kasaysayang ito simula pa noong panahon ng Sigwa. Kung tutuusin, kahit sa kaniyang mga kuwento at sanaysay, isa na sa mga unang nagpakilala ng istratehiyang postmoderno sa panitikan si Lee, na isinulong niya rito sa nobelang Para Kay B (O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 out of 5 sa Atin). Makikita rito ang matinding pagkadismaya mismo sa katiyakan ng mga naratibo sa mga simula at wakas nito, kaya sa dulo’y biglang tila mag-aalsa-balutan ang mga tauhan upang humingi ng rekonsiderasyon sa kanilang kuwento. Maaaring naimpluwensiyahan ang paglalarong ito ni Lee ng exposure niya mismo sa mass media, lalo na sa TV, bilang creative consultant ng ABS-CBN sa mga teleserye nito. Sinabi ni Lee na nagpahinga siya sa pagsusulat sa telebisyon nang tatlong taon at nagsulat lang siya nang nagsulat ng nobela, ang una’t totoong mahal niya. Nakatapos siya ng tatlo. Nagkaroon siya ng patikim sa ikalawang nobela, ang Aswang, na batay sa ilang pahinang nalathala na ay mukhang mas kamangha-mangha ang pagpapatawa: dahil gaya ng sinimulan ni Rabelais at Cervantes, na minana nina Umberto Eco (The Name of the Rose at Foucault’s Pendulum) at Kundera (The Joke at The Book of Laughter and Forgetting), pagtawa ang isa sa mga manipestasyon ng pagkadismaya, ang pagtawa bilang isa sa mga huling instrumento ng tao sa harap ng patuloy na pagguho ng lahat ng maaari niyang panaligan. Kaya siguro nananatiling buhay sina Pilandok, Juan Pusong at Mariang Kalabasa sa mga Boy Bastos at Inday Jokes, kung bakit mga aklat ni Bob Ong ang bestseller sa kasalukuyan, kung bakit humahataw ang hits at tadtad ng comments ang bawat entri sa Hay! Men! o inaabangan ang hagalpakan sa performatibong paglalahad ng mga texto ni Yol Jamendang sa mga kampus at bar.

Dahil nga kamakailan lamang naglabas ng nobela si Lee, bagama’t kapanahon siya nina Jun Cruz Reyes at Lualhati Bautista, mas malalim ang naipundar ng dalawang nahuli, sa isang banda, sa paghubog ng estetika ng nobela sa sensibilidad ng mga kontemporanyong manunulat. Maliban sa holy trinity ni Bautista na ‘Gapo, Dekada ’70 at Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa?, kamakailan ay naglabas din siya ng pinakabago niyang nobela, ang Desaparesidos. Ang madilim na daigdig ni Bautista (bagaman may pag-asa, may pag-asa pa rin naman) ang mamanahin pa rin ng ilan sa mga manunulat.

Si Jun Cruz Reyes naman ang kikilalaning mentor ng marami sa mga batang nobelista, sa bisa ng pang-uuyam at pagpapatawa (bagaman malungkot din, ang konsepto niya mismo ng “galak at lumbay” na humuhubog sa malikhaing predisposisyon umano ng mga Pilipinong alagad ng sining) ng mga binatilyo niyang tauhan mula sa “Utos ng Hari” hanggang Etsa-puwera. Nauna ang mga nobela ni Norman Wilwayco, ang kung paano ko inayos ang buhok ko matapos ang mahaba-haba ring paglalakbay at Gerilya bilang post-milenyum na extensiyon ng pagkadismaya ni Reyes. Bagaman iisa ang tauhan ni Wilwayco sa dalawang nobela, si Tony De Guzman, makikita ang iniusad ng politika ng batang nobelista. Sa paglalakbay, higit pang personal ang tugon ni Tony sa pambabaliw sa kaniya ng global na realidad ng paggawa (nagtatrabaho siya sa isang IT company): siya ang nagdulot ng pag-crash ng buong sistema na literal na nagpasuweldo sa kaniya noong simula, ngunit nag-alis din naman ng trabaho sa kaniya noong huli. Subalit pagdating sa Gerilya, makikitang higit nang sinisiyasat ni Wilwayco ang bisa ng kolektibong pagkilos bilang tugon sa sistemikong pandarahas. Naroon na si Tony de Guzman kasama ang iniibig niyang si Maya bilang mga kasapi ng kilusan.

Maliban kay Wilwayco, nakapaglathala rin ng mga aklat sina Zosimo Quibilan, Jr. (Pagluwas), Eros Atalia (Peksman, Mamatay Ka Man, Nagsisinungaling Ako), at T.S. Sungkit, Jr. (Batbat hi Udan) na ang nobelisasyon ay nasa mismong potensiyal ng misrekognisyon sa kanila bilang nobela. Koleksiyon ng vignette ang aklat ni Quibilan subalit humahabi sa wakas ng lahat ng isang mas malawakang bisyong nobelistiko. Samantala’y halos eseyistiko (at binansagan pa ni Jun Cruz Reyes na “mahabang dagli”) ang akda ni Atalia subalit ang mismong mala-sanaysay na istratehiya ay maaaring basahin bilang isang uri ng pagkadismaya sa mga inaasahan sa kung ano ang naghahati sa mga anyo, o kung bakit ba hindi pa rin winawasak ang kasagraduhan ng kombensiyon ng mga anyo, tulad ng paggamit naman ni Sungkit sa mga pamamaraan ng epiko sa kaniyang nobela. Sa harap ng mga ito, sinabi ni Conchitina Cruz sa isang panayam kamakailan na “koleksiyon ng sanaysay ang susunod niyang aklat ng tula.” Hindi ba’t naroon sa mga ganoong pagwasak sa inaasahang mga kategorya ang espiritu ng nobela, ng mismong nobelisasyon? Subalit simula pa nga lamang ang mga ito, marami pang kailangang patunguhan ang pagkadismaya, hanggang sa mismong problematisasyon ng ikatlong daigdig bilang kategorya’t paglalagom ng realidad natin na lubhang imperyalistiko pa rin ang tanaw (mula sa labas, ng tagalabas).

Mabuti’t marami-rami pa ring proyektong naghihintay pa ng paglalathala sa kasalukuyan na malalaki ang pangako na magpapatuloy sa hindi pagpapanatag hindi lamang sa kalakaran ng produksiyon ng nobela sa bansa, kundi mismong sa kalagayang intelektuwal ng bansa. Katatapos ni Allan Derain sa kaniyang M.A. Tesis na isa ring nobela, ang ang banal na aklat ng mga kumag. Tinatapos ni Alvin B. Yapan ang rebisyon ng ikalawa niyang nobela, ang kasunod ng Ang Sandali ng mga Mata na nalathala noong 2006, ang Sambahin ang Katawan. Naghihintay naman ng publikasyon ang mga nobela nina Mes De Guzman (Dyanggo Rancho), German Gervacio (Hari Manawari) at Genevieve Asenjo (Ang Lumbay ng Dila). Sa darating na taon ay isasalang sa palihan ng Naratibo ang nobela ng mandudulang si Rogelio Braga, isang Muslim na naninirahan at nagtatrabaho na ngayon sa Cebu.

Nitong nagdaang Pebrero, nagbigay ako ng panayam ukol sa relasyon ng nobela at tula, sa pagdiriwang ng Pinoypoets ng kanilang ikalimang taon. Doon ko inilatag ang personal kong kondisyon ng pagsusulat ng nobela (Walong Diwata ng Pagkahulog) bilang manunulat na nauna nang nakapagpalathala ng aklat ng tula (Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay). Sa huli, ito sa palagay ko ang kondisyong humuhubog sa personal kong pagmamalay sa estetika at pakikitalad sa harap ng produksiyon ng nobela, hindi na lamang dito sa Pilipinas, kundi maging sa daigdig, lalo pa’t napakabilis na ng pagsasalin ng mga akda mula sa ibang wika patungo sa Ingles, at ang paglalathala sa mga ito at ang pagdating ng kopya sa Pilipinas, sa pamamagitan man ng Amazon o Fully Booked o Booksale. Nananatiling posturang gitnang-uri ang ganitong pagdanas ng konsumpsiyong intelektuwal ng produksiyon mula sa ibang bayan, subalit isang realidad na hindi basta-basta maitatatwa at maaaring pagpikitan ng mata. Sa panayam, na dinaluhan ng mga indibidwal, karamiha’y kabataan ding manunulat, na may sari-sarili nilang pakikiharap sa hamon ng pagkatha sa kasalukuyan, sinimulan kong pagmunian kung paanong niloloob ng nobela ang tula, at napakahalaga ng ganitong asersiyon bilang pundasyon ng magkasabay na pagkilala at di-pagtanggap sa hating ibinibigay sa mga produksiyong textual.

Binuksan ko roon ang tanong: Kailangan bang pumili ng anyo? Nakikita ko ang sarili ko, halimbawa, na pipiliing pumili sa pagitan ng tula at nobela sa hinaharap, sa simpleng dahilan sa bawat araw ay dumarami nang dumarami ang ibig kong isulat (kailangang tumugon; kailangang magpasimula) at kasabay noon ay hindi naman humahaba ang buhay ko para gawin ang mga iyon. Kahit sa nobela ko’y sinabi ng pangunahing tauhan na si Daniel na ayaw niyang tumula, na hindi siya magiging makata, ibig kong ipakita na sa daigdig na ito, may mga taong patuloy na naiisip ang tula, nananaginip ng pagtula, na may tula nga, na opsyon ang pagmamakata. Na sa isang bayan na pinipilihan ang rasyon ng bigas, rasyon ng tubig, pagtaya sa lotto, may nangangarap pa rin ng sining, ng tula. Na hindi kontraryong realidad ang mga iyon.

Subalit nobela ang pipiliin kong isulat, kung sakali, dahil sa daigdig natin ng prosa, lalong nagiging mahalaga ang nobela sapagkat sa kinathang daigdig na ito ng tuluyan, na mas hindi pangingimiang pasukin ng karaniwang mambabasa, iyong mga wala nang panahon dahil pipiliing manood ng In My Life o Kimmy Dora, sa sinehan o pirated dvd, kaysa bumili o magpaphotocopy ng mga nobela namin, naipaaalala ang pangangailangan ng tula, kung bakit kasintanda halos ng sibilisasyon ng tao ang pagtula. Na kung ang nobela ay isang pagsisiyasat sa kondisyon ng pagiging tao, malaking bahagi nito ay isang pagsisiyasat sa relasyon ng tao sa tunog, sa larawan, sa salita, sa signifikasyon ng mga bagay, ng kaniyang daigdig, sa kaniyang sining, sa tula. Walang anyong pampanitikan na pumapatay sa isa pang anyo. Mayroon lamang umaalala sa dati, hindi nakalilimot, niloloob. Niloloob ng nobela ang tula upang kilalanin mula rito ang sarili niyang pagkahumaling sa salita, at pagnanasang magsalita tungkol sa daigdig, makipag-usap sa daigdig. Upang ipaalala sa mundo na sa loob ng nobela, sa ating bayan, sa ating daigdig, may linya, may saknong, may tula, patuloy na may mga pinipiling magmakata: may hindi basta-basta nilulunod ng tuluyan, may hindi basta-basta nalulunod nang tuluyan.

Naroon ang ubod ng sarili kong pagkadismaya at pagwasak. Sino nga ba ang may pakialam pa sa lahat ng ito, sa lahat ng inurirat ko’t inilatag para sa kasiyahan ng akademya, dahil sa akademisasyon ng panitikan, at ng pagkatha, at ng pagiging malikhain? Dahil wala, nasa gilid na lamang ang panitikan ng interes ng nakararami na nalululong sa bisyo ng telebisyon at internet at iba pang adiksiyon, o kubkob pa rin ng trabahong pinapatay na rin ang diwa upang makapag-isip pa o makaharap sa mga bagay na magtutulak sa atin para mag-isip pa nga. Patuloy ang aking pagkadismaya, at pagkadismaya ng iba pang kahenerasyon ko (nawa) na patuloy na tatangayin sa kawalang-kapanatagan ang kasaysayan na ito ng ating panitikan at bayang kumbakit kaydaling inibig at pinag-ukulan natin ng pagtingin.

*This is a longer version of the paper I read at the PEN National Conference held last December 5, 2009 in CCP. An earlier version of this was also my Ph.D. comprehensive exam response to the questions given by Dr. Teresita G. Maceda of UP Diliman last September 23, 2009.