engKanto ng Panaginip

Okey, uminom na naman ako kagabi, pero dahil ayoko na ulit magsulat (sa ngayon) ng blog entry na "walang clincher, walang insight, walang point," sa madaling sabi, 'yung entry na, um, wala lang, e hindi na ako magbabalita ng mga nangyari kagabi: tutal e supporting role lang naman ako sa lahat ng kuwento kagabi. Kaya malamang, may mga magsusulat tungkol dun ngayon, bukas, o mamaya lang, alinman kina: Jeline (na birthday celebrant kahapon, at may bago na palang blog e kagabi ko lang nalaman), Mikael (na magkakablog na rin kung sa wakas e hindi na muna niya poproblemahin ang template), o Naya (na masipag magsulat ngayon sa blog at wala akong ideya kung bakit). Kaya heto:

engKanto ng Panaginip

"The best time for me to write is when other people are asleep. I am not needed in their dreams." --Elizabeth Jolley, "Dipt Me In Ink"
Nitong mga nagdaang gabi, hindi ko na naman naaalala ang mga panaginip ko. Kapag bumabangon tuloy ako, parang may kulang. Lagi'y parang may mahalagang pangungusap na hindi nasabi, sa isang kaibigan halimbawa ("Hindi dahil hindi na ako nagsasalita ay wala na akong sinasabi."), o sa taong iniibig ("Sinabi ko na ang lahat ng makakaya, hayaan mong kayanin ko naman ang lahat ng mga sinabi."). Oo nga pala, maaaring iisang tao lang sila.

Hindi ko madalas maalala ang panaginip ko. Kaya siguro mas marami akong tula tungkol sa mga pagkakataon na hindi ako makatulog ("Penomenolohiya ng Takot," halimbawa) kaysa sa mga posibleng laman ng panaginip.

Sa pinakabagong isyu ng Heights, naroon ang kuwento kong "Project: EYOD" (na sa kasamaang palad e naging biktima ng maling formatting: malabo na nga ang kuwento, lalo pang gumulo, dahil nakaligtaang i-italicize ang mga bahaging dapat e iset in italics). Malinaw sa akin nang isinusulat ko ito na masyado ang pagkamangha ko sa mundo ng panaginip. Naisip ko: kung ibang mundo ang panaginip, kung nananaginip tayo ng ibang mundo, sino ang nananaginip sa mundo natin?

Noong bata ako, kinukulit ako nitong panaginip tungkol sa isang buwitre na kumakain sa laman ko. Ang totoo, pinagmunihan ko na ito sa isang papel para sa klase ko noon sa Developmental Psychology upang unawain kung bakit ako binubulabog ng ganitong uri ng panaginip. Magtatago na ba ako ng dream journal? Handa ba akong gumising nang madaling-araw, anumang oras, para lamang itala ang mga panaginip ko? Para saan? Para kanino? Kung hindi ko ba sila itala, hindi ko na ba sila maaangkin? Hindi na ba sila akin?

Naalala ko siguro itong panaginip dahil binanggit ni Naya sa pinakahuli niyang blog entry ang Sandman series. Nasubaybayan ko rin iyon kahit ang mga offshoot nitong The Dreaming, Books of Magic at Hunter. Gusto kong mabasa ulit ang mga ito. Matagal-tagal na noong huli kong mabasa ang mga ito. Nasa Cervini pa ako, kasama pa sa kuwarto si Jeremy, na hindi pa rin alam hanggang ngayon na hindi naman talaga siya nagsasayaw sa pagtulog.

Sa klase ni Ma'am Beni may isang taon na mula ngayon, pinagsulat niya kami ng isang tula tungkol sa ipis. Kahit ano raw. Eto ang nasulat ko.
Panaginip

Isang sipi sa magdamag:
nginangatngat ng ipis
pitong pisi ng pangarap
na sala-salabid sa isip.