Nitong nagdaang limang araw, tatlong beses akong nakipag-inuman at madaling-araw na rin akong nakakatulog dahil sa kalasingan.

Martes ng madaling-araw, sa dorm sa Xavierville. Si Dennis: "Egay, inom tayo." May isang bote pa ng Gilbey's at Fundador sa kuwarto namin ni AJ. May natira pa rin silang Ginebra dati. "Walang chaser, at mahilig kang magyaya e tinutulugan mo ako." Pero si Dennis, hindi ko matanggihan, lalo pa't alam ko na mayroon ding "gumugulo" sa isip niya noong mga panahong iyon. "Timpla ka, kahit 'yung iced tea dun sa mesa." Basta ako, walang pasok, lagi kong sinasabi sa kanila. 3/4 pa ng GSM cuatro cantos, halos napuno rin 'yung pitsel nang matimplahan ko ng iced tea. "O, tagay mo." Pasado alas-tres na yata nang matulog kami ni Dennis nun. Una kaming sinukuan nina Ted at Ruel, alas siyete y medya yata ang pasok nila kinabukasan. Mamaya-maya, nagpaalam na rin para bumaba sa kuwarto nila sina Abeng at Len. Noon lang ulit kami nakapagkuwentuhan ni Dennis nang gano'n: seryoso. Maya-maya, tulog na siya sa sofa. Buti't ubos na 'yung gin. Pinatay ko lang ang ilaw sa sala at pumasok na rin ako sa kuwarto. Nagising ako nang alas-otso ng umaga.

Martes ng gabi, mula sa QC pauwing San Pablo. Imbes na dumiretso sa bahay, inihabilin ko ang mga gamit ko kina Kuya Budz at dumiretso ako kina Giewelle. Nagtext siya habang nasa bus ako: "Pasyal tayo sa plaza." Magfifiesta sa San Pablo noon at gabi-gabi'y may street party at beer fest (mula Jan. 7 -15) sa kahabaan ng Rizal Avenue habang may iba't ibang tumutugtog at performers. Dumating si Carlo Aquino at Salbakuta (yes, stupid!) noong gabing iyon, pero wala akong pakialam sa kanila. Nakita ko ang mga kaklase ko noong high school--sina Adino, Geof at Jeff. Panoorin ko raw ang Bridal Shower (napanood ko na kanina, sa wakas) dahil nandoon 'yung kaklase namin, si Senen (siya 'yung ka-eyeball dapat ni Cherry Pie mula sa internet; medyo tumaba nga si loko). Nakita ko si Paul, ipinaalala na magpapainom siya sa mismong araw ng fiesta dahil birthday din niya nun (natuloy ang inuman, mamaya 'yung detalye, pero hindi siya dumating: tama si Kuya Budz, sa 10 sinabi niya, 16 ang hindi totoo). Siyempre, nakita ko sina Mharra (may chaperon, ang bunso niyang kapatid, si Lottie) at sina Adonis at Aaron. Pero ang inupuan namin e ang mesa kasama si Genesis at ang mga pinsan nito at kaibigan ng pinsan nito (ang isa e sa Liceo din grumadweyt, mas bata sa akin ng 2 taon). Kuwentuhan, inuman, parang matatagal nang magkakakilala. Pasado alas-dose, inihatid ko si Giewelle sa kanila. Kuwentuhan ulit, inuman pa rin, hanggang sa mapansin naming kumokonti na ang tao mga bandang alas-tres. Dahil 'yung isa, si Eds, e taga-Calamba, ipinasyal muna namin. Naglakad-lakad kami hanggang makarating kami sa Sampalok Lake. Doon kami nagpatuloy ng kuwentuhan. Mga bandang alas-kuwatro y medya, nagkayayaang magmami. Ansarap. Noon lang talaga ulit ako nakakain ng mami sa San Pablo. Pagkatapos, isinakay namin sina Eds at Ryan sa biyaheng Calamba-Crossing. Inihatid namin sa may 7-11 sina Genesis, Jeje at Jaybee. Tapos inihatid ko sa sakayan nila si Henry. Naglakad ako pabalik kina Kuya Budz at sarado pa rin. Alas-sais, sarado pa rin. Nagpasya akong balikan na lang kinahapunan ang mga gamit ko. Umuwi na ako. Gising na si Lolo. Diretso ako sa kuwarto. Nagising ako nang ala-una ng hapon.

Huwebes, fiesta sa San Pablo. Nagkita-kita kami nina Genesis, Johnny, Aldwin, at Jimson para makipamiyesta kina PeeGee. Nakita namin doon sina Julius, Nino at Jomarck. Pagkatapos, dumiretso kami kina Giewelle. Mag-aalas sais na ng gabi nang pumunta kami kina Kuya Budz. Naroon na sina Rommel at DJ, nakakatig-dalawang Red Horse na nga. Maya-maya, binuksan na ni Kuya Budz ang Alfonso. Hindi pa rin ako umiinom. Hintayin ko na si PM, sabi ko sa kanila. Pasko 2002 pa nang huli kaming magkita ni PM, inuman din noon, at 'yun ang huli kong naaalala na nagsuka ako dahil sa pag-inom, at siyempre, si PM ang nag-asikaso sa akin. Bandang alas-otso dumating si PM. Nagsimula na ring dumating ang iba. Si Michelle, dumaan din. Pasado alas-diyes nang dumating sina Mharra, Adonis at Patik mula sa UPLB (may exam daw si Mharra hanggang 9pm kaya hinintay nila). May report pa raw si Tano kaya hindi nila kasama. Inihatid namin ni Adonis si Mharra bandang alas onse. Nakita namin sina Vianney at Veno sa daan. Pagbalik namin, naroon pa rin sina Ryan, Giewelle, Patik, Adonis at PM. Tulog na si Rommel sa isang sofa. Maya-maya sumunod na si DJ. Kuwentuhan pa rin. National at local politics. Tungkol sa JHNS. Lovelife ng mga tao. Asaran. Hindi ko na alam kung nakakailang Red Horse na ako. Maya-maya, nangangawala na rin ang mga tao. Kanya-kanyang diskarte na ng tulog. Hanggang sa kami na lang ni PM, noon lang ulit kami nakapagkuwentuhan. Si PM na anim na taon ang nakakaraan e kasama ko sa halos lahat ng gimik. Napag-usapan namin 'yung isang PM na may asawa't anak na ngayon. Kapag kami-kami na lang talaga, alam namin na puwedeng hindi kami magbiruan kapag barkada na namin ang pinag-usapan. Nagsimula na siyang magligpit habang nakaupo lang ako. Naiisip ko, lasing na ako. At kailan kaya kami magkikita-kitang magkakabarkada na hindi kinakailangang mag-inuman. Pero antok na antok na ako noon. Hindi ko na sinabi. "Happy Birthday na lang." Birthday ni PM sa susunod na Huwebes, January 22, at alam ko na imposibleng magkita kami (may trabaho siya at malamang, nasa QC ako noon). Nahiga sa sofa si PM. Humiga ako sa sahig sa pagitan nina Kuya Budz at Adonis. Nagising kami nang bandang alas-sais (wala na si PM, umalis siya bago mag-alas singko at nagtext na lang sa akin, ansarap daw ng tulog ko kaya hindi na niya ako ginising), nagkape at pandesal muna, at saka ako umuwi sa amin para ipagpatuloy ang pagtulog. Nagising ako nang alas-dose ng tanghali.

Tsk, may thesis nga pala akong dapat na pinagkakaabalahan.