May galos na naman ako. Isa sa kanang siko, isa sa gilid ng kaliwang braso, malapit din sa kaliwang siko. Sayang, nauna ang thesis proposal defense ko kaysa sa pagkakagalos na ito. Mas marami sana akong kinailangang pangatuwiranan.

Ngayon, gusto ko nang bumalik sa San Pablo: apat na araw pa lang ako rito sa QC, pakiramdam ko, namayat na agad ako. Nung Martes, masikip sa akin ang pantalong suot ko ngayon (na suot ko na sa loob ng apat na araw), pero kaninang umaga, mukhang kailangan kong magbelt. Isusuot ko na sana ang kaisa-isa kong belt nang maalala kong maluwag nga pala ito sa akin kaya hindi ko na ginagamit. Muntik ko na tuloy gamitin ang pantalong binili ko nung Lunes, pero mahaba nga pala iyon sa akin at kailangan ko pang paputulan sa San Pablo (hindi na ako magtutupi ng laylayan, sabi ko sa sarili, kung ayaw kong masira agad ang pantalon). Kaya ngayon, maya't maya ang pagtataas ko sa beywang ng pantalon kapag naglalakad ako (na hindi ko masyadong ginagawa kaya narito lang ako sa loob ng cubicle at nakaupo at nakapagsulat tuloy ng entry ngayon).

Kagabi, napanaginipan ko, nagkaroon daw kami ng high school reunion. Pero iyung edad namin, pakiramdam ko, nasa second year college pa lang kami. Sa bakuran daw namin ginanap. Gabi na nang dumating ako, naroon na sina Janus, Sherwin at Mark. May dala si Janus na alak na nasa berdeng lalagyan. Lasing na si Ronchie dahil marami na silang ipinainom dito. Sabi ni Janus pagdating ko: "O, tingnan nga natin kung kaya ni Egay 'to." At tinagayan ako ng isang buong baso. Kulay kapeng may gatas. Inamoy ko. Amoy kapeng may gatas. Paano nalasing si Ronchie dito? Baka naman niloloko lang ako ng paningin at pang-amoy ko. Ininom ko. Straight. Wala, lasang kapeng may gatas. Niloloko ba ako ng mga ito? Pero nag-iba na ang frame ng panaginip ko. Dumating daw si Anwar, may dalang dalawang malaking travelling bag at isang malaki ring backpack. Galing Lucena, sa amin na siya dumiretso, naisip ko. Noong tinawanan niya ako, noon ko lang naalala na noon nga lang pala kami ulit nagkita. Napalakas tuloy ang boses ko: "Kumusta?" Pero bago siya sumagot, nag-iba na naman ang frame. Ngayon, nagtotong its na kami. Nung magtatapon na ako ng baraha, saka ko lang nakita na katabi ko pala si PM, nakapulang T-shirt. Ngumiti lang siya, pero iyung ngiti na mukhang dadamputin niya ang tapon ko. Ngumiti lang din ako, pero iyung ngiti na mukhang paanod lang 'yung tapon ko. Ramdam na ramdam ko: tong its ako pagbalik sa akin ng ikot. Pero hindi ako nakatong its dahil nag-iba na naman ang frame. Ngayon, nagshu-shoot kami ng kung ano. Ako ang direktor, gaya noong nasa fourth year kami na pinaghahandaan namin ang pagpapalabas ng dulang El Filibusterismo para sa buong school. Pero ngayon, mukhang teleserye ang ginagawa namin. Pero nagtatawanan kami dahil marami sa amin, nakasuot-payaso. Natatandaan ko lang, sinabi ko: "Kailangan natin ito." At pakiramdam ko, naintindihan nila ang ibig kong sabihin. Ako lang, nang magising na ako, sa tingin ko, ang hindi nakaunawa.