engKanto ng Kalye

Pasakalye

Pinakinggan kong muli ang album na Pasakalye ni Noel Cabangon (hindi pa rin ako nakabibili ng kanyang Medjas hanggang ngayon!) at tinugtog ang kanyang “Dito sa Kanto” (una itong kinanta ng Apo Hiking Society nang maging finalist ito dati sa Metropop). Dahil siguro kasabay kong binabasa noon ang El Folklore Filipino ni Isabelo de los Reyes (oo, nagtatrabaho talaga ako para sa thesis ko), pumasok sa isip ko ang salitang “engkanto” (sayang nga lang, Kastilang encanto at hindi ang katutubo nating mga anito ang pinagmulan). Dahil doon, rumagasa ang alaala (pasensiya, hindi pa rin ako makawala sa cliché na ito) at nakasulat ako ng kung ilang meditasyon ukol sa iba’t ibang bagay (para talaga akong naengkanto!), at hanggang ngayo’y patuloy pa ring nagsusulat sa tuwing nababagot sa mga librong kailangang basahin para sa thesis. Tinawag ko silang Serye ng engKanto. Heto ang simula.

engKanto ng Kalye

1. May engkanto ang mga kalyeng walang laman. Kaya nga halos mabaliw ang tauhang ginampanan ni Tom Cruise sa simula ng Vanilla Sky nang makita niyang halos walang gumagalaw sa kalye maliban sa kanya at sa kanyang sasakyan. O ang mga kalyeng nagsusumiksik ang mga sasakyan. “Prusisyon ng makikintab na kabaong” para kay may Ma’am Beni ang trapik dyam na ito. Minsan, may mga kalyeng makitid na makitid (kagaya halimbawa rito sa baryo namin, kung saan kapag nagkasabay ang dalawang trak, may mga gulong na kailangang lumapag sa gilid ng kalsada). At may maluwang, gaya ng South Superhighway na halos hindi ko na makilala noong pauwi ako kamakailan lang matapos ang halos limang buwan na pag-inog ng aking mundo sa mga kalye ng Katipunan at Xavierville.

2. Paborito ko ang mga tulang kalye ang lunsaran, nakikita ko man nang tuwiran o hindi ang kalye sa tula (klasiko na ang “The Road Not Taken” ni Frost, pero mas pinaisip ako ng “Bypassing Rue Descartes” ni Milosz). Kaya siguro, hindi maiwasang marami sa mga tula ko, kalye rin ang tagpuan. Pag-aabang sa Kundiman. Pasada. Alibugha. At iba pa. Nagbibiyahe man, nag-aabang ng masasakyan, o basta nakatigil o naglalakad sa tabi ng daan, ang persona. Ito siguro ang dahilan kaya pinakagusto ko ang “Habang Naghihintay sa Dyip” sa mga tula ni Yol na ipinagdiriwang ang gilid ng kalsada, nagpuputik man sa tubig-baha, bunga ng pagpaparaya sa iba, sa iniibig:

Hindi ko kailangang
magmadali at mag-alalang
mayroon sa aking naghihintay

dahil alam kong pagod ka,
at kailangan mo pang
gumising nang maaga.
At ilang buwan pa lang ang nakararaan, naengkanto rin ako sa “Pedestrian Crossing” ni Naya. Laging may gayuma ang pagtawid sa mga kalye, sa posibilidad ng mga nakasasalubong at nakaliligtaan, sa mga hindi na makakasalo sa alinmang lansangan, kahit kailan.

3. Noong nasa fourth year high school ako, nahumaling nang todo-todo ang batch namin sa mga sentimental love songs. Mais na mais pero kinakagat ng mga in-love na in-love, o bigong-bigo sa pag-ibig, o kahit ng mga kagaya ko noong frustration ang pagkanta at pagtugtog ng gitara. Nagpapasa-pasa sa klase ang cassette tapes nina Barry Manilow, David Pomeranz at ng Bread. Paborito ko noon ang “The Old Songs” pero siyempre, higit na patok ang “Somewhere Down the Road”—mas marami pa rin talagang optimistiko pagdating sa pag-ibig.

4. Bigla, gusto ko nang mabasa ang The Famished Road ni Ben Okri, kahit nakapila ang mga aklat na kailangang mapasadahan para sa introduksyon ng aking tesis. Pero dahil may resolusyon nga akong hindi muna bibili ng anumang libro (maliban kung kailangang-kailangan ko ito para sa thesis at walang kopya ang Rizal library o mga kaibigan), ikagagalak ko kung sino mang magpapahiram sa akin. Isinulat na dati ni Ernan sa blog niya ang unang talata nito dati, at hindi ko mapigilan ang sarili na ilagay muli rito, at habang walang dumarating na kopya ng libro (sa kagandahang-loob ng kahit na sino), walang masamang tahakin nang paulit-ulit ang kanyang mga salita:
"In the beginning there was river. The river became a road and the road branched out to the whole world. And because the road was once a river it was always hungry.

"In that land of beginnings spirits mingled with the unborn. We could assume numerous forms. Many of us were birds. We knew no boundaries. There was much feasting, playing, and sorrowing. We feasted much because of the beautiful terrors of eternity. We played because we were free. And we sorrowed much because there were always those amongst us who had just returned from the world of the Living. They had returned inconsolable for all the love they had left behind, all the suffering they hadn't redeemed, all they hadn't understood, and for all that they had barely begun to learn before they were drawn back to the land of origins.

"There was not one amongst us who looked forward to being born. We disliked the rigours of existence, the unfulfilled longings, the enshrined injustices of the world, the labyrinths of love, the ignorance of parents, the fact of dying, and the amazing indifference of the Living in the midst of the simple beauties of the universe. We feared the heartlessness of human beings, all of whom are born blind, few of whom ever learn to see."
5. Matagal ko nang paborito ang Beatles. Bata pa ako, tinatanghuran ko na si Tito Joven kapag nauupo siya, bitbit ang gitara at tumutugtog ng mga awitin nila. Kapag tumataas ang frustration level ko sa kahit na anong bagay, binubuksan ko ang media player sa laptop ko (may 102 kanta sila rito), itinotodo ang volume, at nagpapatugtog ng mga awitin ng Beatles, saka ko sasabayan ng pagpasok sa banyo at pagbababad ng kung ilang minuto sa ilalim ng shower. Naniniwala akong may kanta ang Beatles para sa lahat ng pagkakataon at uri ng damdamin, kaya sa kalye pa kaya wala? Kahit si Jing, hindi naiwasang isangkot ang “The Long and Winding Road” sa pagmumuni-muni ng persona sa kanyang tulang “Kabisado” na kabilang sa koleksyon niyang nanalo sa Palanca. Nang mapanood ko ang pelikula nilang A Hard Day’s Night, karamihan sa mga eksena ay paghabol sa kanila ng mga fans nila sa gilid ng kalye.

6. Noong grade school kami, pagkakatapos ng monthly tests, nagpapasiya kaming maglakad pauwi (mahigit 15 minuto ang biyahe pauwi sa baryo namin kapag nakasakay sa tricycle) nina Noel, Vermon, Jesse at Joseph. Nasa Grade 4 siguro kami noon, mga sampung taon. Upang maiwasan ang ragasa ng mga sasakyan sa M. Paulino, pumapasok kami sa eskinita bago tumawid ng Banyadero Bridge. Paglabas namin sa kabilang dulo, highway naman. Takot na takot ako noon kapag tumatawid pero hindi ko ipinapakita sa kanila. Ang nakikita ko’y ang mga naglalakihang trak at humahagibis na kotse, hindi ang mga drayber sa likod ng manibela. Pagkatawid, kami ang gumagawa ng mga sarili naming daan sa gubat sa gilid ng highway. May nagsabi kay Vermon noon na sa Farconville kami lalabas kapag tinalunton ang loob ng gubat. Sa Farconville nakatira si Joseph, puwede pa kaming maglaro sa kanila bago umuwi sa San Gregorio. Madaling makita ang mga dinadaanan ng tao: hindi tinutubuan ng damo ang lupa. Pero hindi nga iyon ang tinutunton namin, kahit medyo kinakabahan, dahil matataas ang niyog, nagkalat ang palapa, mamasa-masa ang damo (katatapos lang siguro noon ng bagyo, o malakas na ulan) at may naririnig kaming mga tumatahol na aso sa hindi kalayuan.

7. Hinuhubog tayo ng mga kalyeng nilalakad. O ito ang gusto kong isipin, kapag naaalala ang mga linggo ng gabi noong nakaraang taon na naglalakad ako sa mga kalsada sa loob at labas ng Ateneo mula sa Barangka patungo sa De La Strada upang magsimba. Sinasadya kong hindi sumakay ng tricycle (bagaman mahirap talagang makakita ng tricycle na maliligaw sa bahaging iyon kapag linggo ng gabi, walang klase, at karamihan ng mga Atenistang nagdodorm ay umuuwi sa probinsiya) upang makapag-isip-isip. Madalas, higit pa kaysa misang dinadaluhan ang naibubungang luwag ng kalooban ng mga paglalakad na ito. At oo nga pala, matagal-tagal na rin akong hindi nagsisimba.

8. Abangan, abangan. Isang kalye na naman ang ilalabas na journal. Malapit na ang paglulunsad ng bagong isyu ng Dapitan sa Disyembre. Kamakailan, tinext ako ni Gelo at tinanong kung sa tingin ko ba’y may progreso ang Panitikan ng Pilipinas sa nagdaang sampung taon. Para raw sa isyu ng Dapitan. Ito ang isinagot ko, na noong mga sandaling iyon ay damang-dama ko dahil kauuwi ko lang ng San Pablo:
Kapag narito ako sa Maynila, malapit na malapit sa iba't ibang sentro ng malikhaing pagsulat at pamantasan, at nakikita ang iba't ibang publikasyon at paligsahan para sa panitikan, nasasabi kong malayo na nga ang iniusad ng larangang ito. Pero sa tuwing umuuwi ako sa San Pablo, sa San Pablo pa nga lang (na mahigit dalawang oras lamang ang layo rito), saka ko natitiyak na marami pang kailangang tawirin ang panitikan. Ilan ang mag-uuwi nitong Dapitan sa kani-kanilang bayan?
9. Matapos naming makilahok noong 2001 sa kinikilala ng maraming EdSA II ngayon, nagsulat ako ng pagmumuni-muni para sa klase sa Pilosopiya ng Tao ni Dr. Dy. Third year ako noon. Binalikan ko ang papel na iyon at ito ang bahaging hanggang ngayon ay nakapagpapahina pa rin sa akin:
“Ano lamang ba ang mga itinatanong noon sa mga pagsusulit sa klase ko na may kinalaman dito? Kailan naganap ang People Power Revolution? Pebrero 22-25, 1986. Ayos na iyon—na para bang sa pagbibigay ng tamang petsa, hawak mo na ang kasaysayan sa iyong kamay. Maliban doon, wala nang iba pang sinabi ang mga naging guro ko sa kasaysayan—kahit noong tumuntong ako sa mataas na paaralan. Mabuti pa nga ang mga Taong Tabon daw sa Palawan na wala isa man sa amin sa klase ang personal na makapagpapatunay, pinagtuunan ng isang linggong pagtatalo. Kahit naman kapag nasa bahay ako, walang nababanggit ang lola ko at mga tiyo’t tiya ukol sa mga nangyari noong 1986. Masaya na sila nang minsang masagot ko nang tama ang hindi nasagot ng kalahok sa Battle of the Brains isang Sabadong sama-sama kaming nanonood ng TV—na ang ibig sabihin ng EDSA ay Epifanio de los Santos Avenue. Ngunit ngayong naaalala ko iyon, nahihiya ako sa sariling isipin na iyon nga lamang ang kahulugan ng EDSA.”
10. Kamakailan lang, naisulat ko ito para sa isang kaibigan na laging takot tumawid. (Naalala ko tuloy ang una kong game & watch noon na wala akong kailangang gawin kundi tumawid lang nang tumawid sa kalsada at iwasan ang mga dumarating na sasakyan. Kapag nabunggo nang tatlong beses, game over na.) Alam ko, marami pang problema sa tula. Pero hindi ko ito maupuan upang rebisahin, lalo na ngayong alam kong mas maraming kailangang ayusin sa buhay ko.
Pagtawid

May pangalan ang ganitong takot,
gaya ng mga kalyeng tinitirikan
ng poste sa bawat kanto. At totoo
ito, tulad ng paglawak ng mga lansangan
habang kumikitid itong pananalig natin
sa mga kailangang tawirin.

Maaga nating natutuhan
ang pagtingin sa kaliwa at sa kanan
bago magtungo sa kabila ng daan.
Pinalaki tayong takot masaktan
kaya't tinitiyak natin ang hagibis
ng mga paparating pa lamang
na sasakyan: silang malayo pa
marahil ang pupuntahan, o huling-
huli na siguro sa tipanan.

Ipinapaalala ng kanilang busina
ang ating mga pangamba:
kung paanong tinatawid
natin itong kalsada
ay laging may alinlangan
tayo sa ngalan ng mga daan
at ng daan-daang pangalan
at pagsasaalang-alang
kapag ganitong nasa gitna
pa lamang ay nagbeberde
na ang ilaw
para sa mga sasakyan
at kapwa tayo natitigilan.