Araw ng mga kaluluwa kahapon at hindi ko na nagawang bumalik sa sementeryo. Narito lang ako sa bahay--nagbasa at nakinig ng musika maghapon. Tumawag si Ryan bandang alas-otso ng gabi. Tumaba raw siya, siya na ang nagsabi; ako rin yata, sabi ko. Sayang at paluwas na uit siya bukas, malamang ay matagal-tagal pa ulit bago kami magkita. Akala ko nung una, si Kuya Ivan. Ayaw kasing magpakilala. Nakatutuwang nagawa ko pa rin siyang makilala kahit sa boses man lang sa telepono. Isa si Ryan sa mga nasa unang batch ng JHNamers, isa sa 40 batang pinag-rectoran ko noon. Araw ng mga kaluluwa, at nalimutan kong sa 40 iyon, nauna na nga palang namaalam si Edcel. Ang naging kontrobersyal na si Edcel dahil pinagtalunan pa noon nina Kuya Buddy at Kuya Ivan kung dapat bang tanggapin sa org sa kabila ng pagsali siya ng fraternity dati. Si Edcel na batang-bata pa'y napakagaling nang maggitara at binubusog sa harana ang mga pagpupuyat namin para sa mga vigil noon. Si Edcel na sa kabila ng pagiging matapang sa lahat ng bagay (kahit sa magulang at sa kuya; kapag pinaniwalaan niya ang isang bagay, kakapit siya rito nang mahigpit at walang makapipigil sa kanya) ay may natatagong lambing. Si Edcel na hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapaniwalaang nalulong sa masamang bisyo--noong mga panahong pinakakailangan niya kami at wala kami roon. Ikinalulungkot ko pa rin ngayon na wala ako nang gabing mabunggo ang motorsiklong minamaneho niya. Na hindi ko man lang nagawang umuwi para sa libing niya. At nakalimutan ko pang dalawin ang puntod niya nitong undas. Wala na nga pala si Edcel. Naaalala ko, magkasabay kaming naglalakad noon pauwi dahil nanood kami ng dula sa St. Peter's Seminary. Gabi na, at nagkataong naroon din siya; hindi namin talaga siya kasama; matagal na siyang nanamlay sa JHNS noon. Magkasabay lang kaming naglalakad, nasa unahan namin ang ibang bagong mga miyembro. Matagal bago ako nakapagtanong: Kumusta? Ngumiti lang siya, iyung ngiting-Edcel, iyung ngiting nakaloloko, iyung ngiti niyang hindi mo malaman kung nagpapapungay ba siya ng mata o high na naman. Saka niya sinabi, buong-buo: Masaya ako, kuya Egay. Tumango lang ako at saka namin pinag-usapan ang iba't iba pang bagay. Ang mga kaklase niya noon na kasama sa 39 na iba pang naiwan (pero nasa kung saan-saan na rin siguro ngayon). Si Pio, na hindi ko malimutang pinipitik-pitik pa ang tenga ko sa gabi ng pagtatapos ng Days nila noong 1998 at pinipilit ako, kinukulit, "babalik ka sa sportsfest natin ha, kuya Egay, ha?"; ang pinakachickboy sa lahat na isa sa dalawang una sanang magku-quit sa org kung hindi ko sinadya isang araw sa school nila at kinausap nang masinsinan at sinabihang masyado akong nalungkot nang ibalita sa akin ni Kuya Budz na nagsauli sila ni R-jay ng pin ng JHNS. Si R-jay, ang pinakamasipag sa kanila na iang beses na sumulat sa akin pagkatapos ng Days nila para lang mangumusta at sabihing natutuwa siya sa pagiging magkapatid namin (wala siyang kuya, puro babae ang nakatatanda niyang kapatid). Si One, na sa kabila ng kakulitan ay siyang pinakaseryoso sa kanilang lahat at pinakamalalim mag-isip tungkol sa buhay, ayaw man niyang paniwalaan. Nasaan na nga ba sila? Sina JR, Nikki, Jason, John-john, Davy? Si Edu, nakita ko nga paa si Edu nang papunta ako sa sementeryo nung isang araw. Kapag nakikita ko sila, laging ayaw ko nang umalis sa San Pablo. Ayaw ko nang tumanda; kung sana'y makababalik ako sa mga taong iyon na masyadong masaya ang buhay. Nagkacaroling kapag Pasko. Nagkukuwentuhan lang tuwing hapon hanggang gabi. Kapag may pasok ay inaabangan nila sa clubhouse ang pag-uwi ko mula sa Maynila at nag-uunahan sa pagbibitbit ng bag ko. O kung sembreak naman kami at sila ang may pasok, ako ang naghihintay sa kanila. Lagi ngang ang masaya ay ang noon. Nalimutan ko si Edcel, araw ng mga kaluluwa, at nalimutan ko rin na may 39 na iba pa nga palang kaluluwa na buhay, at itinuring ko lahat bilang mga tunay na kapatid. Hindi ko pa rin malilimutan na ang isa sa pinakamasaya kong gabi ay nang malaman kong nang ininterbyu silang 40 ni Kuya Budz, halos dalawang taon lang matapos ang Days nila, at tanungin sila kung may favoritism ba sa amin, kung sino ba ang paborito ko, halos lahat sila'y nagsabi na siya ang paborito ko. Maibalik ko sana iyon. Magawa ko sanang maipadamang muli sa lahat ng mahahalaga sa akin, sa bawat isa sa kanila, na para bang siya, siya nga ang pinakaespesyal. Nang ikinuwento ko sa kanila na halos lahat sila'y nagsabi na siya ang paborito ko, natawa sila. Iyun lang, walang selos, walang inggit. Napakadalisay ng pag-ibig ng mga bata--at kahit ilang taon siguro ang lumipas, bata silang mananatili sa isip ko. Sa dulo ng lahat ng ito, isa sila sa mga ibig kong manatili. Sila.