Suwerte

Gusto kong maawa sa masusuwerte kong estudyante, na dahil binigyan ng komportableng buhay, hindi napapahalagahan ang pag-aaral. Ang mahirap kasi, nakikita nila ang pag-aaral bilang paghahanda lamang sa pagkakaroon ng trabaho matapos ang kolehiyo. E kung sigurado na nga namang may puwesto sila sa kompanya ng kani-kanilang pamilya, para saan pa ang pagseseryoso? Nagiging status symbol na lang kung gayon ang diploma ng Ateneo.

Kahapon, nagkita kami ni Olive dahil sumunod ako sa kanila ni Chris sa U.P. upang gawin ang matagal-tagal na rin naming hindi nagagawa: kumain ng isaw (paborito ko pa rin ang bituka ng baboy at bulaklak) sa kanto malapit sa Ilang-ilang. Wala na si Chris pagdating namin doon (kasama ko sina Joseph at Jema na fishballs ang pinuntirya) dahil may pasok pala sa MA nito. Nagkakuwentuhan nga kami ni Olive. Nagtuturo na ngayon siya ng grade schoolers sa Xavier. Hindi ko naiwasang itanong sa kanya kung nami-miss niya ang mga estudyante niya sa Mindoro, kung saan nagturo siya sa loob ng isang taon, bilang bahagi ng programa ng JVP. Napunta nga ang pag-uusap sa pagkukumpara ng attitude ng mga estudyante niya ngayon sa mga estudyante niya dati (na nakilala ko rin dahil dinalaw siya namin ni Chris doon noong Pebrero). Hinuhubog talaga ang pagkatao ng mga karanasan, sabi ko sa kanya. Ang mga mag-aaral niya sa Mindoro, parang ang dami nang pinagdaanan sa buhay. Marami nang alam gawin. Gustong mag-aral, pero kailangang lumiban paminsan-minsan dahil sa pagtulong sa magulang. Samantalang dito, kahit ang mga estudyante ko ay panay ang hiling na magkaroon kami ng freecut (ano sila, sinusuwerte?).

Ayokong isipin na romantisasyon na naman ito ng kahirapan. Nakita ko sila. Nakilala ko sila. Hindi perpekto ang mga tao sa Mindoro. May mga sarili silang kahinaan. Laganap din ang tsismis sa probinsiya (ito lang siguro ang libangan na tinutuhog ang lahat ng uri sa lipunan). Nagkakainggitan ang ilang magkakapit-bahay. Pero matatag sila. Nagagawa pa rin nilang tumawa. Totoo ito. Wala ang angst ng mga taga-lungsod.

Minalas lang talaga siguro ako sa ilang mga estudyante ngayon. Noong nakaraang taon naman, maraming may malasakit sa ginagawa nila--kahit para sa sarili lang nila mismo. Kailan kaya muling makikita ang pagkatuto bilang kaganapan-na-sa-kanyang-sarili at hindi instrumento lamang sa ibang bagay, gaya ng pagpapayaman, o pagiging popular?