Ginagawa natin ito dahil pinipilit nating buuin ang sarili. O basagin ito, kung sa palagay nati'y masyado tayong buo at hindi tayo makahinga, o makapagpahinga, sa pagpapanatili ng kabuuang ito. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakatula. Noong nasa Nasugbu nitong nagdaang dalawang araw (para sa planning ng Pinoy dept para sa semestreng nagsimula na), hindi ako pinakawalan ng isang linya: "Binabaha pa rin sa bayan natin, sabi mo." Sinubukan kong isulat pag-uwi sa dorm kagabi, subalit hindi ako makausad. Nalulunod ako sa dami ng gustong isulat, at sa kakulangan ng panahon upang gawin ang lahat ng ibig gawin. Binabasa mo ba ito? Damang-dama ko ngayon: maaari nga palang bumigat ang kalooban. Kaya pala bumabagsak din ang damdamin (kagaya ng hatak ng lupa sa lahat ng may bigat). Hindi mo sana nabalitaan ang ukol dito. Mamaya, kailangan pang basahing muli ang alamat ng alitaptap para sa klase bukas. Alas-otso na. Narito pa rin ako sa dept. Hindi ko alam kung paano kita pakikiharapan. May mga pagpapasyang kailangang gawin. Para sa sarili. Kailangan kong umusad. Kailangan nating magpatuloy. Tuloy, hindi ko mahawakan kahit ang sarili.

Ginagawa ko ito hindi dahil ito na lamang ang naiwan sa akin na maaari kong likumin. Nariyan ka. Pero alam kong bago ka sa akin, sa iyo ka muna. Gusto kong kumain ng lansones ngayon. Pauwi kami kahapon nang ikinuwento ni Vlad kung paano niya inakyat minsan ang puno nito sa Laguna. "Paano mo naakyat 'yun?" Mabuti't hindi bumigay ang puno, buntonghininga ko. Buti nga raw, tapos nagkuwento siya ukol sa isang pelikula tungkol sa isang lalaki na bumalik sa nakaraan nang malaman niyang ang babaeng iniibig niya ngayon ay inibig na niya dati. Bukod doon, wala na akong maalala kundi ang barya sa bulsa ng lalaki na nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan. Kaya pala sila nagkahiwalay dati. Kaya pala. Ikaw, bakit mo ginagawa ito? Nakakatatlong bote na ako ng mineral water. 330 ml x 3. Hindi sana bumabaha sa labas. Umuulan na naman. Dinig ang hampas ng tubig sa bubong nitong Dela Costa. Puwede rin kayang maanod ang damdamin? Makata ka rin, magagawa mo ring maglubid ng buhangin. Sinubukan ko, sa Nasugbu, na magbuo ng kastilyo sa dalampasigan. Ang lumabas: mukhang anito na nakahalukipkip. Tinangka kong lagyan ng tubig sa pagitan ng kanyang mga braso. Wala, initit lang ng buhangin pababa. Umalon nang malakas, parang asidong iginupo ang anito. Gayon lang: walang pagkabasag. Walang kaingay-ingay. Basta sa pagkabig ng tubig pabalik sa dagat, wala nang nakahalukipkip sa dalampasigan. Kahit ako, tumayo na lang at iniwan ang ibang kasamang naghahanap pa ng mga kabibe't sigay.