Nung isang gabi nga, pumunta kaming CCP, sakay ng bus ng Ateneo, para manood ng Gabi ng Parangal para sa mga bagong national artists. Siyempre, hinikayat/hinakot kami roon ng Ateneo para suportahan si Badong Bernal. Nakita ko rin doon si Sir Rio at binati na rin. Noon ko lang nakita nang personal si Eddie Romero at si Alejandro Roces. Hindi ko alam kung matatawa talaga ako. Alam ko, marami-rami nang kolumnista ang pumuna rito sa anila'y "dagdag-bawas" sa listahan ng NA ngayon (o si Sir Rio nga ba mismo ang nagbanggit nito sa kanyang acceptance speech?). Hindi ko pa rin mapaniwalaan na maaaring maging pambansang alagad ng sining para sa panitikan dahil lamang sa dalawang (tama, 2!) koleksiyon ng maikling kuwento. Halos marindi ako sa ilang beses na pag-uulit ng "My Brother's Peculiar Chicken" (na nasa English textbook namin noong Grade 4, kung hindi ako nagkakamali) at "Of Cocks and Kites", dahil wala nang ibang akdang mabanggit. Tuloy, kahit ang paggigerilya noong digmaan ay inilagay na rin sa video para punuan ang rolyo ng film na kailangang ubusin para kay Roces. Nakaitim si Roces (at ang sa palagay ko'y "hakot" niya--na sa kasamaang-palad, ang karamihan ay nakaupo sa unahan namin), ano kaya ang ipinagluluksa niya? Alam kaya niya na maaaring maraming iba pang nagluluksa (gaya ko) na tumatawa na lamang (kagaya ng kinaugalian ng mga Pinoy sa lamayan) sa ganoon ka-komikong sitwasyon? Hindi ko kilala si Roces bilang tao; maaaring mabuti siyang tao. Pero hindi medalya para sa Best in Conduct (na noong nasa grade school ako ay ibinibigay sa mga estudyanteng hindi nagsalita sa buong taon) ang pagiging NA. Hindi ko pa rin maintindihan kung saan nanggaling ang ikinabit na sa kanyang pangalan na pagiging "best comic writer in the Philippines." Tama, comic nga talaga siya. Siguro, nadismaya lang talaga ako. Naisip ko lang, anong inspirasyon ang ibinibigay nito para sa mga kasalukuyang manunulat?

Isa pang nakakainis (grabe, nawala lang ang LBM ko, ganadung-ganado na akong mambira), ang hindi mahusay na pagsasalita sa Filipino ng mga opisyal pa man din ng NCCA at CCP. Gusto kong manliit, at mahiya para sa kanila. Ilang beses na binasa (binabasa na nga lamang!) ni Mrs. Patag ang disenyo bilang "disensho." Disensho s'ya nang disensho (ukol ito sa pagkilala para sa kontribusyon ni Badong sa teatro), parang lasing. O baka naman napagkatuwaan siya ng kanyang writer at 'yun talaga ang isinulat? Bulol. Hindi na siguro nakapagtataka kung marami akong mga estudyanteng baluktot ang dila pagdating sa wikang Filipino kung ang mismong mga tagapagpalaganap dapat nito ay palpak ang paggamit. Hay, kaya siguro ako nagtae pauwi, nahawahan ako ng pagkakalat nila.