Ang tema ng Bertigo ngayong taon: Wikang Malaya, Wikang Mapagpalaya. Mahigit 160 tula ang kinailangan naming pasadahan. Ako, si Mikael, Kapi, Jonar, Pael at Pablo. Kanya-kanyang basa muna, at saka ang ranking ng top 10. Madaling mapagpasyahan ang mga tatanggalin: hindi sila malaya. Kulong sa padron ng tugma at sukat (walang masama rito, dalawa sa nakasama sa top 10 ko ay may tugma at sukat; ang masama’y madalas na may mali sa tugmaan; hindi na ako nagbilang para sa sukat). Kulong sa madalas na pagturing na “makakatutubo” (sa marami, ang ibig sabihin: maka-Tagalog) sa wika. Kulong sa pangangaral na walang iniusad mula sa argumento ni Rizal; ginamit pa ng ilan ang bayani nang mali naman ang pakahulugan sa sinabi nito.
Matapos ang pagtatally ng top 10 naming anim, ang pinagtalunan sa dulo upang makakuha ng unang gantimpala ay dalawang tula na kapwa hindi bumanggit ng wika at malaya (sa pagkakaalala ko): ang “Ampon” (Rank 1 sa akin) at “Imported” (Rank 3 sa akin). Tungkol sa saloobin ng isang Tsino ang una, kung paanong inangkin niya ang wika ng nag-ampon sa kanyang Inang Bayan, at dito, sa lupang ito, hindi na lamang aniya siya “nakatuntong” kundi “nakatanim.” Ang ikalawa’y tungkol naman sa puna sa walang-kawawaang paggamit ng ingles sa paaralan, at ang kakatwa rito na noon pa kinilala ni Rolando S. Tinio sa mga eksperimentasyon niya sa Taglish. Nanalo ng unang gantimpala ang “Ampon” at ang "Imported," ikalawang gantimpala. Nakatutuwang sa high school pa lamang ay may mga ganito na ang sensibilidad sa pagsusulat. (Bukod sa sila lamang ang may malinaw na konsepto ng persona.)
Tama rin naman, habang “tiyak na tiyak” ang marami sa mga lahok sa kanilang posisyon at argumento, nasa gitna naman ng isang pagkalula (bertigo!) ang dalawang nanguna sa mga lahok. Paano tatayo nang tuwid sa gitna ng nakahihilong kalagayan at kalituhan: sa una, kung habang nakikita mo ang iyong katawan bilang “iba” sa karamihan (singkit ang mata, manilaw-nilaw ang balat) ay natatagpuan mo rin naman ang sariling “nauunawaan” sila, nakapagsasalita sa wika kung saan kayo nagkakaintindihan; sa ikalawa, kung habang pinangangaralan ka ukol sa pagkamakabayan sa wika ng dayuhan na ni hindi masabi nang maayos. Kapwa may pagtatangka sa pagiging subersibo ang dalawa. Kapwa may pagtatangkang palayain ang sarili, sa gitna ng iba’t ibang pagkalula. Pinalaya nila ako sa nakababagot na pagbabasa nang hapong iyon.
[Mga mga komento sa entri na ito rito.]
You are here: Home »
Wikang Malaya
Wikang Malaya
10.02.2004
Leave a comment