Pagkatapos ng klase ko noong Sabado, dumiretso ako sa garahe ng Prince David para katagpuin sina Mike (Pante, punong patnugot ng Matanglawin at naging mag-aaral ko noong unang semestre ko ng pagtuturo). Naimbitahan akong maging hurado para sa kanilang Bertigo. Taunang patimpalak ito ng Matanglawin para sa Tula at Sanaysay para sa mga mag-aaral sa mataas na paaralan.
Noong 2001 inilunsad ang Bertigo. Sumali ako para sa Tula, hindi ko alam na para sa high school lang pala ang patimpalak. Noon ko nasulat ang “Pag-aabang sa Kundiman,” tugon-pagmumuni ko noon sa tema nilang “Sawa ka na bang maging Pinoy?” Binigyan naman nila ako ng pampalubag-loob na karangalang banggit.
Mahaba-haba pa ang naging kuwento ng tulang iyon, kahit matapos nilang ilathala sa isang isyu ng Matanglawin. Nang gawaran ako para sa Dean’s Awards for the Arts noong 2002, iyon ang iminungkahi ni Ma’am Beni na basahin ko. Nakilala ako ni Padre Roque Ferriols dahil doon. Lumaki pala siya sa Kundiman. Tuwing makikita niya ako kapag nilalapitan ko siya upang magmano, ang lagi niyang sinasabi, “Ikaw ang makata, hindi ba?” Tatlong beses nang nangyari ang ganoong paniniyak at lagi’y may pag-aalangan ang sagot ko. Mahirap angkinin ang isang karangalan. Mahirap ding paangkin sa gayong pananagutan. Pero ayokong biguin si Padre. Lagi’y “opo” ang ipinagpapalagay kong pinakamainam na sagot.
Nang sumali ako noong 2002 sa Palanca para sa tula, ginamit kong pambungad na tula at pamagat ng koleksyon ang “Pag-aabang sa Kundiman.” Nanalo ng ikalawang gantimpala, sunod sa “Estalon at Iba Pang Simoy ng Bait” ni Roberto T. Añonuevo na mas kilala bilang “pinakabatang hall of famer ng Palanca.” Inilathala ulit ng Heights ang tula. Nang mag-imbita ang NCCA para sa kanilang Ubod: New Writers Series noong 2003 para sa paglalathala ng chapbook ng mga batang manunulat, nagpasa ako ng 30 tula at ginamit kong pamagat ng koleksyon ang “Pag-aabang sa Kundiman.” Sa awa ng Diyos, hindi pa rin lumalabas ang Ubod. Ubod ng tagal, ito na ang naging biruan naming magkakaibigan na pare-parehong nakasama sa 40 pinili ng NCCA.
Ngayon, nirerebisa ko na naman ang tula. Ang totoo, binabago ko ang disenyo ng buong koleksyon. O mas tama sigurong sabihin na mas nililinaw ko na ngayon kung ano ba talaga ang disenyong binabalak ko sa koleksyon. Nagsimula ang lahat sa Bertigo.
Oxford American Dictionary:
ver•ti•go (vur-tĭ-goh) n. (pl. ver•ti•goes) a sensation of dizziness and a feeling of losing one’s balance.
UP Diksiyonaryong Filipino:
vér•ti•gó png Med [Ing] : kondisyong may kasamang pagkahilo o pagkalula.
Walang lahok na “bertigo” sa UP Diksiyonaryong Filipino.