Sa wakas, natuloy na rin kagabi ang Palanca blowout ko sa mga kasama sa dorm. Sampu kaming naunang dumating sa 70’s Bistro. Sina Ted, Len, Ruel, Abeng, Gian, Kevin, Nina, Aina, Bugs, at ako. Maya-maya, sumunod na si AJ. Huling dumating sina Dennis at Wamar. Dahil Miyerkules ng gabi, si Noel Cabangon ang magtatanghal. Pagpasok namin, pasado-alas-nuwebe pa lang ng gabi, hindi pa nagsisimula ang unang set. Nakaupo si Noel malapit sa mesa na uupuan namin. Nilapitan ko siya at natuwa ako’t naalala pa niya ako—at binati pa, alam niyang nanalo ako sa Palanca. Buo na ang gabi ko, mga simpleng pagbati mula sa hinahangaan ang isa sa madaling makapagpagaan ng loob.
Nang simulan ang unang set, pormal niya akong binati sa harap ng lahat ng tao. Tuwang-tuwa siyempre ang mga kasama ko. Tinanong ako nina Kevin kung alam ko raw ba na nanalo rin si Noel sa Awit Awards. Hindi ko alam. Nahiya na akong batiin. Sunud-sunod ang pagtugtog ng mga kanta. Magkasunod niyang tinugtog ang dalawa sa ini-request ko: ang “Return to Pooh Corner” ni Kenny Loggins at ang kanyang “Lea.” Winakasan niya ang unang set sa kanyang “Kanlungan.”
Nang simulan ang ikalawang set, inanyayahan niya ako sa unahan upang magbasa ng tula. Wala akong dalang tula (kahit kagagaling ko lang sa Aria at nagbasa ako roon ng dalawang tula: "Pagal ng mga Manananggal" at "Mga Hapon ng Sipay"). Nagkahiyaan na. Ipinagtutulakan na rin ako ng mga kasama ko, bukod sa nakaanim na beer na ako noon. Dalawa lang naman sa mga tula ko ang memoryado ko talaga: “Pasada” at “Sa Ating Mga Palad.” Binigkas ko ang huli, habang sinasaliwan ng musika ni Noel. Sulit na sulit ang nagastos ko nang gabing iyon.
You are here: Home »
70's Bistro
70's Bistro
9.23.2004
Leave a comment