2. Ngayon lamang yata ang undas sa alaala ko na hindi umulan, o umambon man lang. Hindi rin mainit na mainit--tamang-tama lang para hindi na namin kailanganing maglagay ng habong. Maliban dito, wala namang nagbago: andami pa ring nagbago. Totoo, wala ka nang madaanang walang puntod, kung saan may espasyo, sinisiksikan ng patay. Kulang na lang siguro'y ilibing nang patayo ang mga kabaong. Bago ako nakarating sa puntod ni Inay, katakut-takot na "makikiraan po" ang kailangan kong sabihin at may kung ilan ding nitso ang kinailangan kong yapakan. Nandoon na si Tita Ayen, Lola Mama, Lola Ate at Undan. Maya-maya, sunud-sunod nang dumating ang iba pa. Si Tito Athan. Si Uncle Jeff. Ang pamilya nina Lola Belen. Ang pamilya nina Lola Nene. Hindi ko naiwasang isipin na ilang taon lang ang nakararaan, kasama si Inay sa mga nakikiumpok at nakikipagkuwentuhan (bumabangka) sa mga kamag-anak. Umupo ako sa tuktok ng lapida ng kung sino sa gilid ng nitso ni Inay. Mas nakita ko ang paghangos ng mga tao mula sa iba't ibang dako--galing/papunta sa kung saan-saan: sa peryahan, o sasakay siguro sa ferris wheel iyung dalawang dalagita na anlawak ng pagkakangiti kahit tumatagaktak ang pawis; may isang binatilyong patalun-talon sa ibabaw ng mga nitso, may dalang dalawang bote ng 1.5 litro ng coke; may mga nagtitinda ng chicharon, itlog ng pugo, balut, at kung anu-ano pa; panay ang paypay ng diyaryo, karton, ng mga nakaupo sa kung saan nakahanap ng magandang puwesto.

Nangangalay na ang kanang binti ko sa pagkakaupo. Noon ko naisip: kapag nakaluwag ako sa pera, ipapalipat ko sa memorial si Inay--kung saan hindi masikip, hindi maingay, hindi mainit. Pero naisip ko rin agad, malamang ay hindi pumayag sina Tita Ayen. Sa mga panahong gaya nito na nga lamang kami nagkakatipun-tipong magkakamag-anak, nagkakakuwentuhan hanggang gabi. Malamang, hindi nga sila pumayag.

Gabi na nang dumating sina Tito Joven. Sila ang namiss ko: ang mga kakulitan ng mga pinsan ko--sina Kevin, Eth, Aiel at Karen. Sumabay na kami ni Tita Ayen sa kanila pag-uwi. Hero raw sa basketball game nila kamakailan lang si Kevin, at nahuhumaling talaga sa pagdodrowing. Mag-aaral daw ng gitara sa susunod na buwan. Grade 5 na si Kevin; sinabi ko kay Tito Joven na subukang i-apply sa isang taon sa Philippine High School for the Arts--major in visual arts, minor in music. Okey 'yun, frustration ko pareho. Si Eth naman, mas mga hilig ko ang nasusuungan--pagsusulat. Lagi raw nananalo sa essay writing contests; first kamakailan lang. At nananaba rin; wala raw kainang inuurungan. Si Aiel (ang pinakapaborito ko, ang kapag makikita ako kahit hanggang ngayon e nakangiti agad at tinatawag pa rin akong bespren; hindi siya pumayag na hindi ako katabi sa kotse pag-uwi), grade 3 na pala at nag-aaral ng violin, kaya raw niya ang tugtog ng Cedie, at may performance pa sa school kinabukasan. Nagba-ballet lessons naman si Karen (grade 1) kaya kamakailan lang e kinailangan siyang samahan ni Tito Joven para manood ng Darna sa CCP. Lumalaki na silang lahat pero nang makita ko sila, hindi ko naisip na malaki na nga pala sila--niyakap ko pa rin sila't hinalikan at hiningian ng halik. Tuwang-tuwa naman sila. Saka ko lang naisip, ngayon lang, na nung ako ang nasa grade 3, grade 5, nahihiya na ako kapag hinahalikan ako ni Tito Joven sa pisngi o siya ang nagpapahalik sa akin. Sa mga pagkakataong ganoon, kailangan kong magpanggap na bata pa ako talaga. Natatawa ako ngayon kapag naiisip na bata pa ako'y nagpapanggap na akong bata. Gusto kong bumalik sa panahong iyon--na magpanggap man ako'y kapani-paniwala.

Puwede pala iyon: naiinggit ako kina Aiel sa kanilang pagiging bata ay lalo ko silang minamahal. Tuwang-tuwa nilang ikinuwento sa biyahe ang mga kilala nilang wrestlers at kung paano namatay si Ultimate Warrior sa laban nila ni Hulk Hogan. Masuwerteng mga bata. Matagal-tagal pa siguro bago maging totoo sa kanila ang kamatayan.