"We're all wounded--we carry our wound around with us throughout life and eventually they kill us. Things happen that leave a mark in space, in time, in us." --Six Feet Under, episode 2
Hindi ko pa rin maiwasan na mag-isip kung ano ang mga nagbago at hindi nagbago sa tuwing umuuwi ako rito sa San Pablo. Nakatulog ako sa bus habang pauwi nung isang gabi. Nang magising ako, akala ko'y nakalampas na naman ako. Hindi ko nakilala ang mga puno sa gilid ng highway. Minsan na akong nakalampas sa dapat kong babaan dati, maghahatinggabi pa naman noon at hindi ko alam kung may dadaan pang sasakyan pabalik. Mabuti't hindi naman pala ako lumampas. Wala pa nga kami sa Sto. Tomas. Hindi ko alam kung bakit tumagal nang ganoon ang biyahe. Mag-aalas-otso na noon. Halos dalawang oras na simula nang makaalis kami sa terminal ng bus sa Kamias. Pagdating ko sa San Pablo, hindi na pala pumapasok sa loob ng bayan ang bus, kahit gabi na. Bumaba ako sa tapat ng Medical Center at umarkila ng tricycle hanggang sa amin. Malayo pa ako sa gate, tumatahol na naman ang mga aso. Hindi nga nila ako makikilala; hindi ko na rin sila kilala. Tuwing umuuwi ako'y nadaragdagan sila. Kunsabagay, humigit-kumulang limang buwan din pala akong nawala.

Wala sana akong balak pumunta sa bayan, kung hindi nga lang naubusan ako ng pera at kailangan kong mag-withdraw para mabayaran ang kandila para kay Inay. Nag-check din ako ng email atbp. Pagkatapos, bumili ako ng internet card para rito sa bahay na ako mag-iinternet. Nitro. Sobrang bagal; kinailangan kong tigilan kung ayaw kong maunang maubos ang pasensya ko kaysa sa credit. Kung bakit naman kasi ito na lang ang card na puwede para sa PT&T.

Imposible talagang pumunta ako sa bayan nang wala akong makikitang kakilala. Nagkasalubong kami ni Johnny. Tuwang-tuwa. Masaya rina ko dahil siya ang kauna-unahang JHNamer na nakita ko. Sayang daw at nakaalis na si Christian, hindi na kami nagpang-abot. Pag-uwi ko sa bahay, tumawag si Kuya Budz (naitawag agad sa kanya ni Johnny na nagkita kami)--nasa kanila rin daw si Macoy at nagyayaya ng inuman. Gustuhin ko man, hindi ako puwede. Walang tao rito sa bahay at kahit wala namang sinasabi sa akin na bantayan itong bahay, naramdaman ko na hindi ako dapat umalis. Kinuha ko na lang ang numero sa bahay ni Aaron. Tinawagan ko: naliligo. Nalimutan ko nang tumawag ulit. Birthday n'ya kahapon. Birthday naman ni Tom ngayon, at nabati ko na siya kanina pang umaga. Noong isang gabi, nagpa-miss call si Adonis. Bigla, namimiss ko silang lahat. Akalain mong limang taon lang ang nakararaan, nasa first year high school sila at first year college kami nina Jeff, Anwar, PM, Dennis, Erick--at parang napakaganda ng mundo at napakalawak ng posibilidad at napakarami ng maaaring gawin, kahit na may kinakaharap kaming mga problema sa loob at labas ng JHNS, sa sari-sarili naming mga pamilya, sa amin mismong mga pagkakaibigan. Naisip ko noon: handa akong mamatay para sa kahit sino sa kanila. Katatawag lang ni Phillip kanina at kauuwi rin lang daw niya ng San Pablo kaninang umaga. Bago niya ibinaba ang telepono, sinabi niyang ipinagdarasal niya akong lagi. Hindi ko masabi sa kanya, siya na mananatiling batang kapatid para sa akin kahit ngayong seminarista na siya, hindi ko masabi na matagal-tagal na rin akong hindi nagdarasal, sumisimba. Wala nang natirang ritwal dito sa aking pananalig. Ang sinabi ko lang: salamat. At kaygaan na ng loob ko. Handa akong mamatay para sa kahit sino sa kanila. Gusto kong matawa ngayon sa romantisismo ko noon. Pero alam ko noong mga panahong iyon, kung may gagawa man noon para sa akin, sa kanila rin magmumula. Sila ang unang nagturo sa akin na magmahal--sa hindi man lang kaanu-ano--bata at inosenteng pagmamahal. Masyado siguro akong napalayo sa kanila nitong nagdaang dalawang taon kaya marami akong nalimutan tungkol sa pagmamahal na iyon.

Hindi ako luluwas ng Maynila nang hindi ko nakikita, kahit sa malayo, ang ilang kaibigan.

3. Para kina Naya at Yol: 20 taon mula ngayon. O mula nung gabing uminom tayong tatlo. Hindi ko nalilimutan. Hindi ko malilimutan. Pero hindi ngayon. Hindi pa. Pasensiya na.