"The witness who writes out of extremity writes his or her wound, as if such writing were making an incision. The self is fragmented and the vessel of self breaks into shards ... At the site of the wound, language breaks, interrogates itself, becomes tentative, kaleidoscopic." --Carolyn Forche
Text ni Naya kagabi 'yung quote sa itaas. Nitong mga nagdaang linggo, matindi ang pagkahumaling ko sa sugat. Ang totoo, kahit sa comps ko pa lang (na hindi pa rin lumalabas ang resulta hanggang sa ngayon), isinangkot ko na ito. Ito ang bagay na gusto kong tutukan sa paggawa ng tesis sa susunod na semestre. Naaalala ko noong bata pa ako, madalas akong masugatan dahil sa paglalaro. Pero madalas, mapapansin ko na lang ito pag nakauwi na ako. At si Tita Ayen pa ang madalas na unang makakita. "Napaano 'yan?" sasabihin niya. Itatanong ko agad: "Alin?" At saka ko lang makikita na may mahaba na palang daloy ng dugo sa kaliwang binti ko, nasabit siguro sa alambre sa pagtawid-tawid namin sa bakuran nina Na Lina sa pagtataguan. Kapag nakita ko na 'yung hiwa, saka ko lang mararamdaman ang sakit. Noon pa lang, alam ko na: hindi nakasasakit ang sugat na hindi natin nalalaman. Kaya imbes na matakot maglaro, lalo akong nahumaling sa sikyo, tumbang-preso, patintero, lahat ng maaaring magnakaw ng atensiyon ko para malimutang nagnanaknak pa ang sugat ko sa tuhod dahil sa pagkahulog sa bike nang minsang pangahasan kong iangkas sa unahan si Ate Girlie na mas malaki at mas mabigat kaysa sa akin. Problema kapag tag-ulan at hindi ako pinayagang maligo sa ulan dahil may sipon ako o ubo o lagnat o kumbinasyon ng alinman sa tatlo: napipilitan akong harapin ang iba't ibang sugat sa katawan. Napupuna kong naglalangib na pala ang sa ilalim ng kanan kong siko na napakayod sa gaspang ng kalsada nang nadapa ako sa paghabol kay Ambet. At kukutkutin ko nang kukutkutin hanggang sa matanggal ko ang langib, at makitang sariwa pa sa ilalim. Magdudugo nang kaunti pero agad kong tatabunan ng dinurog na penicillin. Noong mas bata pa ako, kapag sa kamay ako nasusugatan, halimbawa'y biglang nagdugo ang kanan kong hintuturo dahil nahiwa sa pagbubuklat ng pahina ng isang libro, sinisipsip ko iyon at iniisip na magiging aswang ako balang araw.

Ngayon, hinahanap ko iyong mga sugat sa katawan. Hindi ko inakala noon na mayroon palang maaaring makasakit kahit hindi pa man dumarating. "Lagi ka kasing nag-iisip," laging sinasabi ng isang kaibigan. Hindi, hindi naman. Nagkataon lang na madalas umulan nitong mga nagdaang araw at hindi ko magawang maghubad at maligo sa labas, sa ilalim ng ulan, kahit ngayong ipinagmamalaki kong hindi ako dinadapuan ng sakit: walang lagnat, walang ubo, wala kahit kaunting sipon man lang.