Maraming hindi sana nangyari. Pero dahil gusto kong paniwalaan na ang pinakawalang-silbing emosyon ay panghihinayang, gusto ko na silang kalimutan. Upang mas mapahalagahan ang mga bagay na naganap na dapat ipagpasalamat.

Ubod. Matutuloy na rin, sa wakas. Naeengganyo akong magrebisa ng mga tula, kahit nga dapat ay ang mga papel ng estudyante ko ang iwinawasto ko ngayon.

October medal. Oktubre na nga pala kahapon. Nagmisa sa Gesu, hindi ko alam (masyado akong maraming iniisip), at hindi ko rin alam kung sisimba ba ako kung naalala ko. Nagsimba sina Dennis; pagbalik niya sa dorm, ibinigay niya sa akin ang isang medal mula sa misa. Okey rin kapag ganitong may mga nakaaalala lalo na kapag nakalilimot ang iba.

Naya. Birthday na ni Naya sa Biyernes. Magkasama kami kagabi. Pero pareho kaming pagod para makapagkuwentuhan talaga. Pero magkasama kami, at sa maraming pagkakataon, sapat na iyon.

Amelie. Kagabi ko lang napanood ang Amelie. Gusto ko nga kasing pasayahin ang sarili. Salamat, madali akong nakatulog pagkatapos.

Vlad. Para sa napakahabang Martes. At sa maraming bagay.

Make-up classes. Pitong oras at kalahati ang klase ko ngayong araw na ito. Nakakatatlo na ako. Mabuti, nakikisama ang mga estudyante ko. Masaya naman ang mga naunang klase kanina. Mabuti't nakangiti nilang haharapin ang hell week sa susunod na linggo.

Philip. Tumawag si Philip kagabi, ipinapaalala ang pagpunta ko sa seminaryo sa Sabado para dalawin siya. Investiture ng mga bagong seminarista. Kaya hindi ako makakadalo ng LIRA, sinabi ko na kay Ronald.

At malapit nang matapos ang semestre. Kailangan ko ito, kailangan kong magpahinga sa maraming bagay.

Kahit, oo, nanghihinayang pa rin ako sa kanila.