Ipinangako ko kahapon sa sarili ko: paninindigan ko ito. Humaharap ako sa araw-araw na pagbabago at nakalilimutan kong may mga nananatili--gaya nito, itong pagnanasa na magbasa lang at magsulat maghapon.

Pinapatugtog ko ngayon ang XO ni Elliott Smith. Nagpakamatay pala siya: sinaksak ang sarili sa dibdib (nang ilang ulit!) na para bang kinikilala na naroon--nasa puso--ang sentro ng buhay. Na ang mabuhay ay dumama. Na ang sinukuan niya, sa bandang huli, ay ang pagdama.

Marami na sila: mga manlilikha sa iba't ibang larangan na ipakikilala sa atin na may nananatiling ganda rito sa mundo, kahit sa lungkot ng mundo, sa mundo ng lungkot, sa pamamagitan ng kanilang mga obra. At pagkatapos, pagkatapos ay ganito nga: babawian ng buhay ang sarili--na para bang pagkatapos ng lahat, ng tumutugtog ngayong "Bled White" ni Smith halimbawa, ay kanila pa rin lamang ang kanilang sarili.

Lungkot kaya? Pero hindi ba't kaya natin tinatapos o iniiwan na ang isang bagay--ang isang kuwentong isinusulat, halimbawa--ay sapagkat kuntento na tayo? Kuntento na kaya si Smith--silang lahat na tumapos at iniwan na ang lahat?

Mamaya siguro, gagawa ako ng e-mail para kay AJ (wala na siya rito sa dorm; hindi ko man lang nakumusta ang concert ng ACGC kagabi). Siya ang nagpakilala sa akin kay Smith; hindi ko alam kung alam na niyang nagpakamatay ito. O baka hindi na rin. Para saan ba ang pagbabahagi ng kamatayan ng iba? Kataas-taasan, ang masasabi ko lang:

aj:
alam mo bang namatay na noong isang araw si elliott smith?
nagpakamatay siya. sayang.
:egay
Sayang. Ganoon lang: sa lahat ng wala tayong nagawa o wala nang magagawa: sayang. Sayang lang.

Iiwan kong tumutugtog si Elliott Smith ngayong magdamag at kukumbinsihin ang sarili na wala, walang sayang, lalo na kung pinagpasyahan nang taimtim ang lahat, kahit ang pagpapatiwakal. May lungkot lamang--at hindi laging may panghihinayang sa bawat lungkot.