It's the end of October and every
sad pumpkin in the world wears a grin.
--Silvia Curbelo
Pasado alas-nuwebe ng gabi nang magtext si Naya; nasa loob pa ako ng sinehan sa Megamall at pinapanood ang mga huling eksena ng Underworld. Imbes na bumalik sa dorm pagkatapos naming (ako, QT, Morny) dalawin sa Medical City si Kalon (nanganak na siya: babae: Keya Aisha-- a-yi-sha, hindi ay-sha, sabi ng nanay), nagpasya akong manood ng sine. Sulit naman: laging may kamangha-mangha rito sa pagpasok sa mundo ng mga wala-sa-realidad (o nasa-ibang-realidad?) gaya ng mga bampira at taong-lobo. Naiisip ko tuloy: ano'ng katapat na kasaysayan ng ating mga manananggal-kapre-tikbalang-atbp. na ilang dantaon na rin sa ating kamalayan. Nasaan na sila ngayon? Anong sigalot mayroon sa pagitan ng kanilang mga uri?

2. Pagdating sa Megamall kanina, hinanap ko agad sa Tower Records ang Either/Or album ni Elliott Smith (na nabasa ko sa blog ni Ramon kahapon). Wala. Mabuti na rin; kung meron, malamang ay binili ko. Ang nakita ko: may bago nang album si John Mayer (na gaya ni Smith ay ipinakilala rin sa akin ni AJ, mag-iisang taon na ang nakararaan, noong bagong-lipat pa lang ako sa dati naming dorm sa Barangka)--Heavier Things. Sampung kanta. Pinakinggan ko ang unang lima. Pigil na pigil ako sa pagbili. PhP450 rin iyon; isa pa, malamang ay magkakaroon naman ng kopya si AJ.

3. Kailangan ko na palang magtipid, at mag-ipon: magdadalawang taon na akong nagtuturo at libro ang dumarami sa akin. Walang ipon. Resolusyon: iiwasan ko nang bumili ng libro (kahit sa Booksale!), DVD (kahit pirated; kunsabagay, pirated lang naman talaga ang kaya kong bilhin), at manood ng sine (maliban kung Matrix Revolutions ito, o Return of the King, o libre/mura dahil kasali sa kung anumang filmfest mula sa ibang bansa). Pakunsuwelo: marami pa naman akong nakapilang libro na gusto ko rin namang mabasa (pero hindi ko magawa ngayon dahil sinisimulan ko nang halukayin ang Rizal Library para sa mga libro na makatutulong sa aking MA thesis), at pelikulang puwedeng panoorin (kopya ko man o hiram sa iba; sa ngayon, nakapila ang episodes ng season 1 ng CSI; isang episode bawat gabi bago matulog--episode 12 na ako mamaya).

4. Mula pa rin kay Naya, at kailangan ko na silang tanggalin sa inbox ko na napupuno na ng text niya:
  • "Still, love is the impulse from which poetry springs. Even dark poems. Especially dark poems. To know the worst and write in spite of that, that must be love. To celebrate what's on the other side of the darkness. Truly great poetry has always sprung from love-in-spite-of, like love for a deeply flawed person." --Mueller (20-Oct-2003/12:09:07)
  • "Some people turn sad awfully young," he said. "No medical reason, it seems, but they seem almost to be born that way. they bruise easier, tire faster, cry quicker, remember longer and, as I say, get sadder younger than anyone else in the world. I know, for I'm one of them." --Ray Bradbury, Dandelion Wine (17-Oct-2003/13:16:08)
5. Nang mabasa ko ang testimonial ni Naya (sa friendster; oo, nahumaling na rin ako rito, sa pag-asang sa pagkawing-kawing ng mga ugnayang di-inaasahan ay matagpuang muli ang isang kaibigan mula sa isang dekada na pala ang nakalipas), gusto kong sabihin sa kanya: bakit lagi mong ipinagpapalagay na mauuna ka sa akin? Hindi natin masasabi, pero kung mauna ako, kailangan mong maghanap ng ibang mag-iingat sa iyong mga alaala, kung saka-sakali. Gayunpaman, pipilitin kong mabuhay--para sa kanila, at sa mga pagkakaibigang nasusugatan lamang, subalit hindi namamatay sa alaala.