3. Nakita ko kaninang umaga sina Olive at Chris; galing sa jogging. Tuloy talaga sila sa Mindoro sa Huwebes. Hindi ko masabi na hindi ako makasasama sa maraming dahilan. Sinabi ko na lang ang pinakaobvious: magto-Todos los Santos na at kailangan kong umuwi nang mas maaga sa 31 dahil siguradong matraffic na sa Biyernes.

May mga araw at gabing gumigising at natutulog pa rin akong iniisip na buhay pa si Inay--nasa San Pablo lamang, at daratnan ko anumang oras na umuwi ako. Kaya siguro takot din akong umuwi. Noong 16, dalawang taon na pala. Umulan nang malakas bandang alas-tres ng hapon. Nung isang taon, magkakasama kami nina lolo sa bahay, babang-luksa. Ito ang unang taon na kinailangan kong harapin ang araw ng kanyang kamatayan nang mag-isa. At ginawa ko. Alam kong kailangan kong kayanin itong una--sa una lang naman laging mahirap ang lahat. Makasasanayan ko rin. Pero sa isang banda, natatakot akong kasanayan ang katotohanan ng kanyang kamatayan. Wala akong ginawang ritwal bilang pag-alala. Bumaba ako mula sa Pinoy dept., dala lamang ang payong ko. Naglakad hanggang KFC. Sumakay ng tricycle. Nagpahatid sa kanto ng Aurora. Nagbiyahe sa dyip hanggang Cubao. Malakas pa rin ang hampas ng ulan. May bagyo siguro noon pero hindi ko nabalitaan. Pumunta ako sa National Bookstore. Binili sa 4th floor ang Annie John ni Jamaica Kincaid. PhP75 lang. At pagkatapos, gusto kong isipin na wala na akong ginawa pagkatapos. Ito ang una kong ihihingi ng tawad sa puntod ni Inay sa Sabado.