Ngayon lang ulit. Isang buwan na pala.

Sabi ko, hayan, hindi na kita susulatang muli. Sa sarili ko siyempre sinabi, habang iniisip kita. O habang ayaw mong umalis sa isip ko kahit ayaw na kitang isipin (oo, korni). Ganito na lang lagi: mangangako ako sa sarili (at kakasangkapanin kita: sa ‘yo ko talaga gustong sabihin ito) pero hindi ko naman magawang mapanindigan. Hindi na kita susulatang muli. Tangina (hindi pa rin ako sanay magmura: paano ba dapat—tangna, tangina, putangina, putsa, puta?). Tumigil na ako sa pagsusulat sa blog dahil minarapat kong magsulat sa ‘yo, sa ‘yo na lang. Dahil ang totoo’y ikaw naman talaga ang gusto kong magbasa ng lahat ng ito. Pero natatanggap mo ba? Oo, sinasabi mo, nabasa mo. Nababasa mo. At ‘yun. ‘Yun na. Noong una’y sumasagot ka pa. O akala ko lamang ba’y ako nga ang kinakausap mo? Hindi ko naman talaga alam kung saan patungo ito. Basta ang alam ko, hindi na kita susulatang muli. Hindi para sa iyo ito. Hindi ikaw ang kausap ko. Huwag, huwag kang makinig. At ganito: tatayo ako rito’t iinom ng tubig. Lalagukin ko lahat ng makakaya at saka ako lalabas. Haharapin ang ambon sa labas. Makikita kita (oo, maaaring makita kita) at tatanungin mo ako kung kumusta na, kumusta na, at oo, okey lang ang isasagot ko. Okey lang. At babalik ako dito at isusulat ang liham ko sa iyo.