Sabi ko na nga ba't makakakain na naman ako ng libre sa Setyembre. Nanalo si Vlad sa DaliText, at niloloko ko lang nung nakaraang linggo na mananalo siya at manlilibre siya. Nagkatotoo. Nabasa ko ang tula nung Sabado. Tula nga. Sabi ko na nga ba't itong una kong nakilala bilang kuwentista ay makata rin talaga. Ipinost ko na rito ang tula, kahit hindi pa siya nagrereply sa text ko kung okey lang ba o hindi.

Ang punong mangga’y tinagpas
at sinilaban ang ugat;
bunga’y nalaglag, naagnas,
namula't naging mansanas.
(Vladimeir Gonzales)
Ngayon, pinag-iisipan ko kung anong panloloko ang sunod kong bibitawan. At kung kanino.