Ganito: kapag iniisip ko ang mga bagay na kailangang tapusin, saka ko naiisip kung kailangan ko ba talaga silang gawin. Matagal-tagal ko na ring kinukumbinsi ang sarili ko na masaya ako sa pagtuturo. Na masaya ako sa pagkuha ng panitikan bilang kurso. Na masaya ako sa pagsusulat. Na masaya ako. Matagal na. Bakit kaya napaabot ko ng ganito katagal?

+ + +
  1. Kailangan kong tapusin ang inihahandang panayam tungkol sa pagbasa ng maikling kuwento para sa Pinoy staff ng Heights. Sa Miyerkules na ito. Pagdating ko sa Miyerkules, at hindi nila nabasa ang mga kuwentong ipinabasa ko ("Kung Baga sa Pamumulaklak" ni Macario Pineda, "Saan Ka Patungo, Jose?" ni Rosario de Guzman-Lingat, "Ang Tikbalang" ni Tony Perez, at "Intellectual Mass Starvation" ni Vladimeir Gonzales), hindi ko alam kung anong klaseng pagwawala ang kaya kong gawin. May karapatan siguro akong mag-walk out, pero bumenta na ito sa klase ko sa Fil 14 (totoo, nakatanga silang lahat nang iwan ko) na apat lang ang nagbasa ng kuwentong tatalakayin sana namin.
  2. Kailangan kong tapusin ang pagwawasto ng long test sa tatlong Fil 14 classes. Dapat ay maibigay ko na ito bukas, pero kung hindi kakayanin, sa Huwebes man lang sana.
  3. Kailangan kong rebisahin ang sanaysay tungkol sa pag-usbong ng tulang Tagalog sa Ateneo. Para ito sa Loyola Schools Review. Wala na sana akong balak gawin (muna; sa susunod na isyu na lang sana, dahil maraming hinihinging rebisyon) pero kinausap ako kanina ni Dr. Reyes. Nahamon ang kakayahan ko. Biyernes ang ibinigay na palugit.
  4. May review para sa nalalapit kong comprehensive exams sa darating na Sabado. Kritisismong pampanitikan. Hanggang ngayon, romantisismo pa lang din ako (Wordsworth at iba pa). Marami akong kailangang habulin sa pagbabasa; inaalikabok lang ang antolohiya ni Norton sa dorm. Wala nang isang buwan ang nalalapit na compre (Setymbre 6 at 13); todo na 'to.
  5. Kailangan kong ayusin ang mga bagay na dapat gawin para sa proyekto namin ni Naya, pero saka na ang detalye ukol dito. Sa susunod na Lunes kami magkikita para rito.
  6. Siyempre, sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay kailangan kong maghanda para sa klase, para sa mga estudyanteng karamihan ay hindi naman nakapaghanda, at parang masama pa ang loob dahil kailangan nilang kumuha ng mga kurso sa Filipino. Gusto ko pa ring lawakan ang pang-unawa ko para sa marami sa kanilang burgis na hindi matanggap na Filipino ang wika nila, at na kailangan nilang pag-aralan ang wikang ito. (Kung totoo man na may estudyante akong nakatuklas ng blog na ito, hindi ko na siguro problema 'yun. Paano ko kikilalanin ang ayaw magpakilala?Kung kilala mo ako talaga, alam mo sanang hindi ako mapipigilan ng kahit sino upang gawin ang mga bagay na gusto kong gawin.)
  7. At kailangan kong maging masaya sa kabila ng lahat ng ito.