Kanina, kanina lamang bago ako umupo ngayon dito sa harap ng computer, ipinangako ko sa sarili ko: magiging masaya ito. Maraming dapat ipagpasalamat nitong nagdaang linggo: marami pa ring hindi bumibitaw sa LIRA, napagpasiyahan kong umusad na mula sa maraming bagay na noon ko pa dapat nilimot, napalaya ko na ang sarili sa pagkabagabag sa puna ng ilang kaibigan sa isinusulat ko rito--Egay, ngiti naman!--(pero kilala mo ako, ngumingiti naman ako, hindi ba?), pagkatapos ng mahaba-haba ring panahon ay nakapagbasa muli ng tula sa harap ng ibang tao (kahit nanginginig ang kamay), nakakilala ng mga bagong maaasahan, at ngayon, ngayon nga ay muli na namang nagsusulat dito. Sadyang walang dahilan para malungkot, kahit kagabi lamang ay kapapanood ng bagong edisyon ng Cinema Paradiso at umaalingawngaw ang tinig ni Alfredo: "Don't give in to nostalgia." Tama, sabi ko sa sarili. Laging malungkot ang nakaraan dahil nabubuhay na lamang ito sa aking isipan: ni hindi ko mayakap, o mahipo man lamang; hindi ko maibahagi sa iba nang ganap--parang laging may kulang (nakikinig ka pa ba?); at hinding-hindi na nga mababalikan. Kapag ganitong nagsesentimyento'y kung bakit mabilis makaakit ang mga gasgas na't nilulumot na himutok ng marami-rami na ring romantiko. Teka lang, magiging masaya ito, sabi ko. Pero paano ba isusulat ang kaligayahan? Kailangan ko bang sabihin na nang itext ako noong isang araw ng isang kaibigan mula sa San Pablo upang ibalita na sa Agosto 24 ay isang taon nang namamatay si Edcel--isang batang-batang naging kaibigan din--ay nakaramdam ako ng kapayapaan, kagaya ng nararamdaman ko sa tuwing naglalakad sa Paseo de Reilly kapag gabi noong sa Barangka pa ako umuuwi? (Matagal na pala iyon, sana'y nakasama kita kahit isang beses man lamang sa mga paglalakad na iyon.) O kailangan ko bang sabihin na habang natutulog ako kagabi ay napanaginipan ko na naman si Inay at sa wakas, sa wakas ay namaalam siya sa akin: isang bagay na hindi niya nagawa nang bigla na lamang siyang agawin sa amin ng atake sa puso isang umaga, mahigit isang taon na ang nakararaan? O kailangan ko bang sabihin na nang makita ko ngayong umaga ang isinulat nina Carlo, EJ at iba pa sa tagboard ay parang biglang lumamig dito sa department--lamig na kagaya ng naramdaman ko sa hangin ng mga puno sa San Pablo noong nagsisimula pa lamang akong matutong magbisikleta? O kailangan ka bang tumigil na lamang sa pag-iisip: hayaan ang sarili na magsulat nang magsulat sa ngayon, kagaya ng pagpaparaya ko sa paglago ng mga bagong pagkakaibigan na nagulat na lamang ako sapagkat nariyan na pala: tumutubo, lumalago, at kagaya ng punong mangga na madalas naming adyuhin noon ng aking mga kababata, ay naglililim sa akin kung ganitong Agosto na nga pala't may parating na namang bagyo subalit kay-init ng umaga.