Paano mo binibitiwan ang pagkakaibigan? Damang-dama ko ito: ang pagbagsak ng mga mangga sa lupa, kapag Mayo pa lamang ay biglang uulan nang kaylakas at hindi magkamayaw ang mga sanga kung saan babaling sa wasiwas ng hangin; kung minsan naman, Hulyo na't kay init ay bigla akong magugulat sa pagkahulog ng isang bungang bulok na sa pagkahinog, nakaligtaang pitasin nang nagdaang tag-araw. Noon, doon, sa mga sandaling iyon, natutuklasan ko (paulit-ulit, dahil agad ko ring nalilimutan pagkatapos): gayon lamang pala ang lahat. Puno dapat ng panghihinayang: sayang, hilaw na hilaw pa. O sayang, inuuod na. Pero lagi, tinatalikuran lang, iniiwan sa lupa at nagpapatuloy sa anumang ginagawa nang pilit kinukumbinsi ang sarili na balewala lang iyon. Ngunit wala, wala nga, walang naiiwan nang ganap. Laging may naiiwan: dito, sa pinakasulok ng takot, laging may pangamba na baka wala nang mamunga kailanman, o na baka ito na ang huling tag-araw. Kaya naman, laging napapagpasyahan na kailangan kong makahanap ng ligaya sa baha, at sa kakayahan nitong mang-anod at tumangay ng kung anu-anong itinapon na ng iba.

Magagawa ko ring tawanan ang lahat ng ito balang-araw, huwag kang mag-alala. Pag nagkagayon, alalahanin mo ang araw na ito.