Marami-rami na sila. Sabi ko na nga ba. Kalungkutan. Nabasa ko na ito sa e-mail ni Rhandee sa e-group ng LIRA ilang araw na ang nakararaan. Ngayon, ito pa rin ang bumungad sa akin nang dalawin ko ang Poetry website ng about.com: "Are despair and suicide the special province of poets? This week, hearing the news of Reetika Vazirani's death by apparent suicide (and the killing of her young son Jehan Vazirani Komunyakaa), we cannot help but ponder the connections." Huwag mo akong iiwan. May bagyo ngayon. Harurot. Natatawa pa rin ako na mahigit isang buwan na ang nakaraan, bagyo ang pangalan kong sinalanta ang aking apelyido. Kahanay na ngayon ng Egay ang Harurot. Ang tindi ng ulan: naputol ang malaki-laki ring sanga ng puno sa quad kanina, nakahapay ang ilang puno sa labas ng dela costa, muntik na naman akong masiraan ng payong sa lakas ng hangin: napilitang magpatigil ng klase ang Ateneo simula alas-dos kaninang hapon. Sobra na ito. Nilalamig ka ba? Tinatapos ko ang long test ng mga estudyante ko para sa Fil 11 habang eto, padalaw-dalaw nga sa iba't ibang sites sa internet. Matagal na rin tayong di nagkikita. Kita mo, matatapos ko rin ang lahat ng kailangang gawin. Hindi kailangang magmadali. Pero maya-maya lang, Agosto na. Isang buwan na lang at compre na, handa na ba ako talaga?