Hindi ako nakapasok sa klase ko kaninang umaga. LBM. Hinang-hina ako nang magising ako bandang alas-sais. Tinext ko si Yol upang sabihin kay Joemar na hindi ako makararating sa klase. Kagabi, pagkagaling sa gabi ng parangal para sa mga pambansang alagad ng sining sa CCP, dumiretso kami nina Sir Marx at Doc Ibana (nag-alok siya ng sasakyan kaya hindi na namin napahindian) sa Gayuma dahil iyon na lang 'ata ang bukas na hindi fastfood/hindi pag-aari ng isang MNC. Iyon lang ang natatandaan kong huling kinain: Pinoy Pinay (PhP90) at isang order ng iced tea (PhP30). Naroon pa lang, naramdaman ko na ang pagkakarambola ng tiyan ko. Sumimple ako sa banyo ng Gayuma bago kami umalis (lagi kong ipinagpapasalamat ang mga banyong may rolyo ng tissue paper). Pagdating na pagdating ko sa dorm, nakaisa ulit ako. Sinabayan ko nang higa sa kama. Hindi pa ako nakakatulog, ayan na naman. Halos anim na beses yata akong bumangon kagabi, mabuti't malapit lang ang banyo sa kuwarto namin ni AJ. Alas-kuwatro y medya ang huli kong biyahe sa kubeta. Wala na akong lakas noon para pumunta sa ref at uminom ng tubig. Bumangon ako nang bandang alas siyete y medya. Ikinuwento kay AJ ang nangyari. Bago ako pumunta rito sa Pinoy dept (kaysa tumanga lang ako sa bahay maghapon), nakadalawa ulit ako. Nagprisinta si Jema para bumili ng gamot (Imodium) at tea; darating na siya maya-maya lang. Nakalimutan kong magpabili ng crackers. Mukhang diyeta ako ngayon. Bawal daw ang may mantika, sabi ni Ate Mel kanina nang tumawag ako sa kanya bago ako dumiretso rito sa dept. Bawal din ang gatas; iyung fresh milk pa man din sa ref ang napagbalingan ko kagabi sa tuwing matatapos akong magbanyo. Langya, nararamdaman ko na naman.