Robitussin

Sa wakas, bumili na ako ng Robitussin. Mag-iisang linggo na ang ubo ko. Kahapon, sa klase ng Fil 14, nagbubugtungan kami. Pinahulaan ko ang ilang bugtong ni German V. Gervacio na nasa thesis n'ya. Pero dahil nga dito sa ubo, inatake ako ng kahol sa gitna ng pagpapahula ng bugtong. Sabi ng isang estudyante, "TB sir, TB!"

Tawanan ang buong klase. Gusto ko sanang makitawa pero patuloy pa rin ako sa pag-ubo.

"120 ml. Mga gaano katagal bago 'to maubos, miss?" Sa Mercury Drug katabi ng Mini-Stop malapit sa kanto ng Aurora ako bumili, pasado alas-otso ng gabi, at sa pagmamadali ay naiwan ko ang susi ng kuwarto sa loob.

"Mga apat na araw."

"Gagaling ba talaga ang ubo ko dito?"

"Oo."

"Garantisado, miss?"

Ngumiti lang 'yung babae. "Basta."

Sa kati ng lalamunan ko, mukhang kailangan ko ng mas magandang sagot kaysa basta. "Basta?"

"Oo, basta. Okey 'to. Dry cough?"

"Oo, ansakit na nga e."

"Okey 'to."

"Okey."

Okey. Hintayin natin ang apat na araw.