1. Nobelang komiks ni Rex Guerrero at iginuhit ni Karl Comendador at RV Villanueva ang Devi-Liza. Naiserye ito sa Liwayway mula Oktubre 2, 1989 hanggang Pebrero 1, 1993 sa loob ng 174 na labas. Narito ang unang labas ng nobela (i-click ang larawan upang mapalaki’t nang mabasa):
2. Nagsimula sa isang unibersidad sa California ang nobela, kung saan nag-aaral si Devi Ledesma na hinikayat sumali sa isang kultong Satanista, ang Black Satan Group. Pinamumunuan ang kulto ni Master George Smith na limandaang taon na umanong nabubuhay sa mundo at kayang “gawing araw ang gabi at gabi ang araw.” Gayon pa man, hindi nalinang ang sityong akademiko bilang lunsaran ng kuwento’t kasamaan. Naging insidente lamang ito ng naratibo kung paanong hindi rin naging kritikal sa kuwento ang pagiging mag-aaral ni Devi o ang kung ano mang kurso ang kinukuha niya.
Naiwan sa Filipinas ang ina at nakababatang kapatid ni Devi, sina Donya Concha at Liza. Pinag-aral ng matanda si Devi sa EU dahil natatakot itong mapalapit ang anak sa mga kamag-anak ng yumaong asawang si Miguel. Bago kasi namatay, ipinasa ni Miguel sa panganay na anak ang kapangyarihan ng pagiging aswang.
Samantala, ibig ni George na gawing reyna si Devi, subalit ayaw pasakop ni Devi hangga't hindi napapatunayan ni George na mas malakas ito kaysa sa “kapangyarihang minana niya sa mga ninuno.” Nauna nang ideklara ni Devi na, “Kaming mga Pilipino ay hindi basta natatakot,” nang magpasya siyang umuwi sa Filipinas sa araw mismo ng initiation niya sa kulto dahil sa pag-aalala sa karamdaman ng ina. Nag-crash landing ang eroplanong sinasakyan niya at “naisip niya kung tinakot siya ni Smith o tinulungan siya ng kapangyarihan ng kaniyang ama.”
3. Dahil sa mga tagpuan sa Estados Unidos (bunga marahil ng pagkaligta ay naging New York sa halip na California ang tinutuluyan ni Devi nang bumalik siya sa EU para tapusin ang huling semestre ng pag-aaral), may malaking pag-aalangan si Guerrero sa paggamit ng wika. Sa ikaapat na labas, idineklarang “isasa-Tagalog” ang wika ng mga tauhang dayuhan. Pero paglaon ay bumabalik siya sa paggamit ng purong Ingles kapag di mahalagang tauhan (hal., taong-bayan) mula sa EU ang nagsasalita, subalit nagta-Taglish o Filipino kapag mahalagang tauhang banyaga, tulad ni Henry, ang Amerikanong kasapi ng kulto na nagmahal at tumulong kay Devi upang makatakas sa EU pabalik ng Filipinas. Sinundan pa ni Henry si Devi sa Filipinas upang matiyak na ligtas ito sa mga kasapi ng kulto matapos paslangin si George Smith.
4. Pag-uwi sa Filipinas natiyak ni Devi na isa nga siyang aswang. Parang napapaso siya sa loob ng simbahan at nakararamdam siya ng uhaw para sa dugo ng tao. Upang makapanila ng biktima at makatakas sa iba’t ibang pagkakataon ay nag-anyong iba’t ibang hayop si Devi: pusa, ibon, alamid, kuneho, kabayo, daga, cobra, paniki, baboy, musang, ahas, baboy-damo, palaka, at kuwago. (Subalit kagaya ng maraming naratibo ng transpormasyong sobrenatural, hindi naipaliliwanag kung paano biglang nakakakuha ng damit si Devi pag bumabalik siya mula sa pagiging hayop patungo sa pagiging tao.)
Dahil sa mga pagpaslang ay tinangkang ikulong nina Donya Concha at Liza si Devi, sinisikap ipaliwanag dito na ang ama nila’y “walang pinerwisyo hanggang kamatayan.” Hindi iyon matanggap ni Devi at ginamit si Marco, ang pamangkin ng katiwala nila, na umiibig kay Devi at tulad ni Henry ay tinanggap ang dalaga sa kabila ng pagiging aswang nito.(Hindi rin napaunlad ang komplikasyon ng nararamdaman ni Devi para kina Marco at Henry na "pareho niyang iniibig.")
Sa ika-86 na labas ng nobela, may mahalagang transpormasyon si Devi dahil sa halip na mag-anyong-hayop ay naging manananggal siya sa unang pagkakataon. Mahalaga ito sapagkat nilalansag ni Guerrero ang malinaw na pagbubukod sa kamalayang-bayan ng mga uri ng aswang. Sa bandang huli ng nobela, nang mapapayag na si Devi na pumunta sa simbahan, nilusob sila ng dalawang malaking ibon at nag-anyong she-wolf naman si Devi. Pinaglalabo-labo ni Guerrero ang iba’t ibang nilalang ng dilim na may iba’t ibang “kalikasan” ayon sa mga kuwentong-bayan at walang maliwanag na paliwanag para rito.
Subalit ibig kong balikan ang unang pagkakataon na naging manananggal si Devi. Iyon ang pinili niyang anyo upang kalabanin sa unang pagkakataon si George Smith. Naganap iyon sa Estados Unidos. At sa palagay ko, makasaysayan sa kathang naratibo sa bansa ang pagpailanlang ng isang manananggal sa dayuhang lupain upang kalabanin ang pinuno ng kasamaan doon.
5. Sa nobela, hindi naiwasan ang tagisan ng mga paniniwalang-bayan sa isang banda, at ng pagdududa sa katotohanan ng mga aswang sa kabilang banda.
Ayon kay Estong, ang hardinero nina Donya Concha: “Ang balita sa bayan, pag ganitong kabilugan ng buwan, tuwing ikatlong pagbibilog ay higit na nagiging malupit ang mga aswang.” Alam din ng mga nagroronda na sibat na kahoy o kawayan at balang yari sa pilak lamang ang tumatalab sa aswang. At mainam ang hirit ng isa sa taong-bayan nang pinaghihinalaan na nila si Devi, dahil kasabay ng pag-uwi ng dalaga sa Filipinas ang paglaganap ng pagpaslang: “Bakit, mga pobre lang ba ang maaaring maging aswang?”
Sa kabilang banda naman, maririnig ang mga tinig ng pagdududa sa aswang sa harap ng mga krimen kung saan wakwak ang dibdib at walang naiiwang lamanloob sa mga biktima. Ayon sa meyor: “Kalokohan! May mga maligno pa ba sa panahong ito?!... Isang baliw ang may kagagawan niyan, o isang addict.” Ganito rin ang reaksiyon ng pari nang ipagtapat ni Donya Concha na aswang ang anak niya: “Aswang? ... Sa panahong ito?” Kahit ang mga pulis: “Talagang hindi ako makapaniwalang may aswang at manananggal pa ngayon!” At sang-ayon sa kasamahan: “Nasa age of computers na tayo!” Sa pagtatangkang maging rasyonal ay madalas na mga adik o baliw ang pinaghihinalaan nilang gumawa sa mga krimen. Subalit pansinin na sa lahat ng mga pahayag na iyon ay may paniniwala pa rin na
sa isang mas matandang panahon ay totoo ang mga aswang at tila dumating lamang kasabay ng modernong teknolohiya ang paglalaho nila.
6. May mga aakalaing kritikal na detalye sa nobela na binitiwan na ni Guerrero paglaon. Halimbawa’y ang itim na rosas na napanaginipan ni Devi sa EU at nasa kama niya nang magising. Isiningit niya ito sa librong iniuwi sa Filipinas at inilihim pa kay Liza ang tungkol dito subalit hindi na naman ito binalikan.
Subalit pinakamalaking pagkaligta sa nobela ang tauhan mismo ni Liza. Ang totoo, umikot lamang kay Devi ang kuwento, sa kabila ng pamagat na
Devi-Liza (na maaaring bunga lamang ng pagkaaliw sa tambalang pangalan, na pinalaganap din ng mga soap opera, at sa pahiwatig ng
devil sa mga pangalan). Ang mga ikinikilos ni Liza ay para kay Devi at kapag sinusundan ang nangyayari kay Devi ay wala tayong alam sa nangyayari kay Liza maliban sa nasa bahay siya’t inaalo ang ina.
May isang pagkakataon na pumunta sa Bacolod si Liza at ang ina upang dalawin ang mga kamag-anakan ng ama upang maghanap ng “lunas” sa pagka-aswang ni Devi. Maganda sanang pagkakataon iyon upang magkaroon ng higit na aktibong karakterisasyon si Liza subalit agad binitiwan ni Guerrero ang posibilidad na iyon at sa halip ay idineklara agad sa pamamagitan ni Genoveva Ledesma, ang pinsang buo ni Miguel, na walang makapag-aalis sa pagka-aswang ni Devi kundi kamatayan.
Kaya naman, sa harap ng pagtatangka sa eksorsismo ng pari sa katapusan ng nobela, namatay pa rin si Devi, subalit nagawa muna niyang halikan ang krus na pilak. Sa bandang huli, nananaig ang eskatolohiyang Katoliko ng pagpapatawad at kaligtasan.
7. Tulad ng
Hayok sa Dugo ni Mars Ravelo, may malalaki’t maliliit na pagkaligta sa detalye si Guerrero na bunga ng pagkalimot at kawalang-ingat. Halimbawa’y Peter ang pangalan ng tauhan ni Henry sa simula ng nobela; o na Father Ben ang pangalan ng pari sa Filipinas, subalit paglaon ay naging Father Joseph na rin tulad ng pangalan ng paring tumulong kay Henry sa EU. Mga pagkakamali itong nasusuhayan pa ng kawalan ng continuity sa ilustrasyon ni RV Villanueva. Halimbawa rito ang hitsura ni Anjo, ang drug dealer na kinasama pansamantala ni Devi upang makapagtago sa mga tumutugis sa kaniya at paglaon ay pinatay din niya tangay ang tatlong milyong piso. Mukha siyang mabait, clean-cut, sa unang pagkakataon na lumitaw siya’t parahin ni Devi ang minamanehong kotse. Sa kasunod na isyu, may balbas na siya’t bigote at mukhang goon sa pelikulang bakbakan. Ganoon din si Dado, ang kasamahan ni Anjo sa sindikato na nakakilala sa nagtatagong si Devi. Pansinin ang larawan sa huling frame ng isyu kung kailan lumabas si Dado at sa unang frame ng kasunod na isyu:
