Mga Pagtataksil, at ang Panahon sa Pagitan sa Pagsusulat ng Tula

NITONG HULING LIMANG TAON, mas nakatutok ako sa pagsusulat ng nobela kaysa sa tula. Sa isang panayam para sa anibersaryo ng Pinoypoets noong nagdaang taon na “Niloloob ng Nobela ang Tula: Ang Makata Bilang Nobelista,” sinubok kong bigyang- katwiran iyon:

sapagkat sa kinathang daigdig na ito ng tuluyan [ang nobela], na mas hindi pangingimiang pasukin ng karaniwang mambabasa, naipaaalala ang pangangailangan ng tula, kung bakit kasintanda halos ng sibilisasyon ng tao ang pagtula. Na kung ang nobela ay isang pagsisiyasat sa kondisyon ng pagiging tao, malaking bahagi nito ay isang pagsisiyasat sa relasyon ng tao sa tunog, sa larawan, sa salita, sa kaniyang sining, sa tula. ... Niloloob ng nobela ang tula upang kilalanin mula rito ang sarili niyang pagkahumaling sa salita, at pagnanasang magsalita tungkol sa daigdig, makipag-usap sa daigdig. Upang ipaalala sa mundo na sa loob ng nobela, sa ating bayan, sa ating daigdig, may linya, may saknong, may tula, patuloy na may mga pinipiling magmakata: may hindi basta-basta nilulunod ng tuluyan, may hindi basta-basta nalulunod nang tuluyan.
Subalit hanggang ngayon, sa kabila niyon, nililigalig pa rin ako ng pakiramdam ng pagtataksil, sapagkat may pakiwaring umiibig nang sabay sa dalawang bagay, at sa ideyal na ideya ng katapatan sa iisa lamang, larawan ng halimaw ang pamamangka sa dalawang ilog—paano maaaring mangyari iyon, ang ilog na sinabi ni Herodotus na hindi na muling matatawid ay dalawa pala’t magkasabay na pinamamangkaan sa pagtataksil.

     Kahit pa marami namang makata ang nobelista rin, may kung anong bagabag pa rin ang bawat pagbangon sa umaga’t ang bagong nobela ang hinaharap sa halip na nagsusulat ng tula. Sa halip na nagsusulat ng tula, sapagkat ipinagpapalagay ngang isa lamang ang magagawa nang may matapat na pagbubuhos ng loob sa bawat sandali, kung ibig kong maging “matapat sa sarili/ sa aking daigdig/ ng tula.” Bagabag na bunga ng pakiwari ng pagtataksil at ang katuwang niyong pagkilala sa panahon bilang realidad nagtatakda sa pagnanasang magsulat at sa pagkabuo ng katha, ang intensiyon at ang texto. Nakakapit ang huli sa pagturing sa panahon bilang iisa at hindi mababawi, limitado ang kapasidad na maglaman ng iisang gawain sa bawat sandali. Sa kabila ito ng rebolusyon sa imahinasyon ng panahon, sa agham at mga sining, na tumitingin dito bilang maramihan, putol-putol, patong-patong, paikot-ikot.

      Kaya’t kahit pa nagsusulat ako ng nobela nang may layong magpaalala sa pangangailangan ng tula, hindi ako nagsusulat ng tula sa sandaling nagsusulat ako ng nobela. Kahit pa may mga tula sa loob ng maraming nobela mula sa Don Quixote ni Cervantes hanggang sa Unang Ulan ng Mayo ni Ellen Sicat, nagiging problematiko ang pagiging “tula” ng mga iyon—ang tulang nakapanipi—sapagkat binabasa sa kontexto ng nobela, ng prosa, na hindi hindi hinihingi ng mga tula na sarili lamang ang kontextong nililinang. 

     Subalit ano’ng magagawa ko?

     Sa maraming pagkakataon, sa gayong kondisyon lamang ako nakapagsasalita tungkol sa pagsusulat ng tula: sa hindi pagsusulat ng tula. Ibig sabihin: Ang paksain nga ang pagtula sa nobela, o ang paksain ang pagtula sa iba pang anyo ng tuluyan. Tulad ng sinisikap nating gawin ngayon: ang sanaysay bilang taksil na nagkakanulo sa pangangailangan ng pagsusulat ng tula sa mismong pagtitig nang taimtim doon samantalang hindi naman iyon ang hinuhubog na anyo. At bukod pa roon: ang luwalhati’t hapis ng sanaysay upang sa isang banda’y maging tuwiran, komunikatibo, at sa kabilang banda nama’y pampanitikan, matalinghaga.

     Totoo, may mga tula tungkol sa pagsulat ng tula mismo, na tinatawag nating ars poetica, mula sa kalatas ni Horacio sa mga Pisones ng Roma. Subalit ilan sa atin ngayon, sa isang pambansang kumperensiya ng panulaan, ang handa ring makinig sa tula tungkol sa pagsulat ng tula? Halimbawa:

         Sa Poetry

         Sa poetry, you let things take shape,
         Para bang nagpapatulo ng isperma sa tubig.
        You start siyempre with memories,
         ‘Yung medyo malagkit, kahit mais
         Na mais: love lost, dead dreams,
         Rotten silences and all
        Manner of mourning basta’t murder.
        Papatak ‘yan sa papel ano. Parang pait,
        Kakagat ang typewriter keys
        You sit up like the mother of anxieties.
        Worried na worried hanggang magsalakip
        Ang odes and ends ng inamag mong pag-ibig.
        Jigsaw puzzle, Kung minsan everything fits.
        Pero sige ang pasada ng images
        Hanggang makuha perfectly ang trick.

        At parang amateur magician kang bilib
        Sa sleight-of-hand na pinaprakitis:

        Nagsilid ng hangin sa buslo, dumukot,
        By golly, see what you’ve got –
        Bouquet of African daisies,
        Kabit-kabit na kerchief,
        Kung suwerte pa, a couple of pigeons,
        Huhulagpos, beblend sa katernong horizon,
        You can’t say na kung saan hahapon.

     Sabihin pa, kay layo na ni Rolando S. Tinio kay Horacio, lalo pa sa uri ng inaasahang katapatan ng huli sa pagtula, ang layunin ng “aliw at aral” sa pagtula. 1965 pa unang nalathala ang tulang ito ni Tinio sa mga pahina ng Heights sa Ateneo de Manila—at gaano kalayo naman si Tinio sa atin sa ngayon? Mula sa anakronismo para sa maraming makata sa kasalukuyan ng pagkagat ng typewriter keys, hanggang sa bagong inkarnasyon ng Taglish, sa baybay nito’t himig, sa daigdig ng chat at text, nagbago rin ba ang esensiya ng pagsulat ng tula mula sa paghubog ng anyo hanggang sa paghulagpos ng kahulugan? May esensiya ba ang pagtula, kung kahit ang paggamit ng wika o salita bilang batayang kaibhan nito sa iba pang anyo ng sining sa loob ng mahabang panahon ay niyayanig ng mga pagsusumikap na mamaybay sa pagitan ng tunog na primordial tulad ng mga tagulaylay at matatandang panalangin, o kaya’y ang pagbabalik sa simbolong-biswal ng tinaguriang concrete poetry, subalit ngayo’y sa paggamit ng hindi agad-agad kinikilalang salita. Tulad halimbawa ng “Odalisque” (2009) ni Christian Bök, ang alipin ng asawa’t mga kalunya ng Turkong sultan, subalit may pagkakataong kilalanin din bilang bahagi ng harem sa hinaharap.


Ginagamit umano sa akda ang lahat lamang ng dalawampu’t isang tipograpikong sangkap upang maisulat ang lahat ng titik sa alpabeto. Nasa larawang ito kung gayon ang posibilidad ng lahat ng iba pang nakatitik na salita! Subalit ito mismo’y hindi salita? Tulad ng isang odalisque, maaari rin ba itong kumawala sa pagkaalipin natin sa kasaysayan at kombensiyon ng “pagsusulat”—literal, at gayon din ang inaasahan nating textong pampanitikan—at maging salita na nga sa hinaharap?

     O kung ang paggamit ng salita ay naninimbang hindi na lamang sa posibilidad ng metapora kundi maging ng patapora, kung saan ang mismong pagpapalawig ng realidad ang paglikha ng panibagong realidad sa pahayag upang puluputan tayo tulad ng mga ahas sa mga kuweba ng Nalandangan ni Agyu habang nagpapasikot-sikot tayo sa pagdadalawang-loob, nagpapakaligaw sa pagmamaraming-diwa, subalit balintunang itinutulak, tulad ng bisa ng mga sinaunang epiko, tungo sa mataimtim na pakikinig, pakikilahok sa naratibo ng pagpapatatag ng lipi’t mga simulain, may puwang pa ba upang tingnan ngayon ang pagtataksil bilang negatibong gawain? Hindi kaya’t ang pakiwari ng pagtataksil ang sadyang nagpapatalas sa danas at pagmamalay natin ng katapatang estetiko?

     Mga tanong ito, sapagkat para sa akin, nagsisimula ang pagtula sa pagtatanong, sa pagsisiyasat, sa mga puwang sa kaalaman at pag-unawa, sa pang-uusig sa realidad, ang bugtong tungkol sa buwang kinain na’t naubos subalit nabubuo pang lubos. O isang tanong ang pagtula, kahit hindi ipinahahayag nang patanong, isang interogasyon sa imahinasyon at realidad at kahit sa mismong inaakala nating imahinasyon at realidad.


MAINAM SANA ANG GAYON: Isang pambansang kumperensiya ng panulaang Filipino kung saan inaasahan tayong makinig lamang sa mga tula, tumugon sa pamamagitan ng tula, makipag-usap sa pamamagitan ng pagtula—tulad ng ipinagpapalagay nating ginagawa ng mga makatang nagdidiyalogo sa pagtula’t nilalampasan ang hanggahan ng mga panahon, ng mga wika’t nasyon. Ang mga makatang Filipino na nakikipag-usap sa iba’t ibang kontinente ng mga taludtod: Si Rio Alma kay Baudelaire, si Benilda S. Santos na kay Tu Fu, si Michael M. Coroza kay Lorca, si Allan Popa kay Dickinson. Subalit kung magkagayon, kailangan din natin nang mahahabang pahinga sa pagitan ng bawat “pagtula,” tulad ng katahimikang inaasahan nating nagaganap sa pagbabasa at sa pagitan ng mga pagbabasa ng tula.

     May mahabang kasaysayan ang pagbibigay-saysay sa tula, mula sa pagpapatalas ng pandama ng mga bugtong, o pagsisilbi bilang pilosopiyang sinauna ng mga salawikain, hanggang sa kasalukuyang interogasyon at pagbasag nito sa usapin ng representasyon ng realidad, ang doble-karang wika, ang salimuot ng titik, samantalang nagbabanyuhay din ang ibayong pagkasangkapan dito ng iba’t ibang pinaninindigan: lahi, kasarian, posisyong politikal, ekonomikong interes, nasyon, pananalig.

     Higit pa roon, alam din nating hindi sa pagsulat nagsimula ang pagtula, sa samot-saring kasaysayan nito sa iba’t ibang panig ng daigdig, kung paanong hindi rin ito sa pagsusulat maaaring magtapos sa harap ng ebolusyong panteknolohiya. Binabago na ng ipad at ebook readers ang pagsusulat ng nobela, paano nito babaguhin ang pagtula? Subalit may kakaibang gayuma pa rin ang pagsulat—kahit pa sa malaking bahagi ng realidad ay tinitipa na lamang ng mga makata ang titik sa keyboard (hindi na sa “typewriter keys” ni Tinio)—sapagkat kaiba ng pagbigkas o pagtatanghal sa tula, may imahinasyon ito ng mambabasa, ng pagbabasang magaganap lamang sa panahon matapos ang pagsusulat at hindi habang isinasagawa ito, di tulad ng madlang tumatanggap sa anyong oral nito. Kung gayon, laging may antisipasyon ng panahon sa pagitan ang pagsulat ng tula, ang espasyong sumasaklaw sa pagsulat at pagbasa, ang hamon ng imahinaryong tagatanggap na wala rito, wala pa rito sa sandali ng makatang nagsusulat ng tula. Kaya’t sa pagbasa sa tula, hindi na lamang natin binabasa ang relasyon nito sa panahon kung kailan ito isinulat, o sa panahon kung kailan natin ito binabasa, kundi ayon sa panahong nakapagitan sa dalawa.

Noong 2004, isinulat ko bilang pambungad ng koleksiyong Tayong Lumalakad Nang Matulin ang tulang “Kuwentong Bayan.” Binabasa ko ito ngayon, akong hindi na makatatawid sa kaparehong ilog, subalit namamangka na sa dalawang ilog, na hindi ba’t maaaring-maaari na sa iisang dagat naman ang tuloy, ang ako na hindi na mapalagay sa maraming bagay sa tulang ito, ang mambabasang ako na hindi inasahan ng makatang ako, ang ako na kinahinatnan ng mga taon sa pagitan ng pagsusulat at pagbabasa, mga panahong mas ginugol sa pagsusulat at pagbabasa nga ng nobela.

          Kuwentong-Bayan

          Nagnanaknak ang mga alamat
          ng ating bayan. Sapo ng alaala
          sa sugatan niyang palad
          ang mga hindi napaghilom
          ng panahon: pagkabaliw
          ng mga diwata, pagsiksik
          ng mga manananggal at tikbalang
          sa pinakasulok ng takot,
          pananahan ng mga multo
          sa lahat ng kawalang-malay
          na tinalikuran ng lungsod,
          paglikas ng mga anito sa gunita
          ng mga pananalig. Mahiwaga rito,
          babala ng mangkukulam
          sa tinik sa ating talampakan
          samantalang inililigaw tayo
          ng kaniyang paanyaya
          upang iwan natin ang tángang sigpaw
          at lusungin ang hikbi ng agos
          sa mga batong nilulumot.
          Lagi’y rumaragasa
          ang ating paghahangad
          na iwan ang nakaraan.
          Lumingon sa pinanggalingan,
          bulong ng sirena sa alon
          sa tuwing tinatangay tayo ng ilog
          sa dagat ng kawalang-katiyakan.
          Subalit ang natatagpuan natin
          ay asin lamang sa dalampasigan.
          Magtatanong ang mga tiyanak
          na nalulunod sa hiwaga ng gabi:
          Saan nagmula ang buwan?
          At mararamdaman natin ang kirot
          sa pagkaligaw ng isipan
          sa kanilang lupain.
          Buwan ang gamot sa mga taon,
          buntong-hininga ng nuno
          sa punso habang pinagmamasdan
          ang papalayong liwanag
          ng mga alitaptap. At saka tayo
          rin ay lilisan: sakbibi ang hapdi
          sa mga di-nagpabinyag na pangalan
          na nananahan, nananangan
          sa mga kuwentong di na pinakikinggan.
  
     Tinuruan tayo ng matatandang lumingon sa pinanggalingan, sa pinagmulan ng totoo’t imahinaryong paglalakbay—subalit walang panawagang magbalik, dahil marahil sa kakabit nitong sinauna ring karunungan na wala na ngang makababalik, at maaari na lamang tanawin ang patuloy na paglayo natin sa mga bagay—kahit pa nga umaalis ang bayani ng sinaunang mga epiko upang maghanap ng lunas mula sa malalayong lupain nang may pangako’t pag-asa ng muling pag-uwi. Basta’t gayon lang ang hiling o atas ng matandang sawikain: ibaling ang mata sa pinagmulan samantalang patuloy ang mga paa sa tinutungo. Para makarating sa paroroonan.

     Sa daigdig ng banal na paglikha, sa pagsusulat ng tula, halimbawa, maaaring iyon ang pagkilala sa mga itinuring na diyos o bathala, ang primordial na puwersang bukal ng pag-ibig at ligalig, kaya’t ang patuloy na pagsasalaysay ng mga mito at alamat ay isang paglingon sa pinanggalingan. Samantala, sa sekular na realidad ng kasalukuyang alagad ng sining, maaaring iyon ang pagkilala sa mga naunang nabasa, sa dating hindi-malay na impluwensiya, ang patuloy na sinususuhang tradisyon, ang mga intertexto, at ang matatandang anyo at wikang nariyan na bago pa man magtangkang kumatha ang indibidwal.

Subalit binabagabag ako sa tuwing lumilingon dahil ang naroon minsan—minsa’y ibang mga lupain at mga mukhang ituturing na banyaga nitong pinagmulang bayan. Ngunit ano nga ba ang nasyong nililingon ng pagkatha? Maaari kayang kay tagal na nating inaawit ang “Doon Po sa Amin” sa iba’t ibang bersiyon nito’t pangangailangan dahil noon pa man, hindi na tayo nakatuntong sa sarili nating lupain, kaya’t laging naroon ang hinaharayang bayan sa kung saan wala na tayo? Maaari kayang igiit ngayon na may sarili ring bayan ang pagkatha na hindi kumikilala sa hanggahan ng mga kinasanayan at tinatanggap nating “pinagmulan”?

     Mga tanong ito na maaaring lalong magtaboy sa akin bilang walang utang na loob, suwail, hambog at kay ikli ang gunita. Na para bang hindi ko lamang kailangang mabagabag sa kawalan o pagkakaroon ng mga impluwensiya, kundi lalo’t higit sa mga uri ng impluwensiya na kinikilala kong mayroon ako. Na para bang mayroon na ngang “katanggap-tanggap” na talaan ng mga pinaghuhugutan ng sensibilidad at nilalaman ang isang manunulat na Pilipino, ng isang makatang Filipino sa kasalukuyan, bago pa man siya magsulat ng tula. Sabihin pa, isa na naman itong pagtataksil. Subalit isang pagtataksil na tulad ng binanggit ko kanina’y mahalaga upang lalong mapatalas ang imahinasyon ng katapatan sa sining.

     Anuman, nitong nagdaang dalawang taon, isa sa mga kinahumalingan ko si Roberto Bolaño, makata’t nobelista mula sa Chile. Ang Chile na maaaring nasulyapan ni Ferdinand Magellan sa paglalayag niya  sa Timog Amerika noong 1520, bago siya nagpatuloy sa mga islang tinawag na Filipinas, kung saan niya natagpuan ang kamatayan. Ang Chile na sinakop din ng mga Espanyol, at bagaman naunang lumaya kaysa sa Filipinas ay binitbit naman ang wikang Kastila ng alaala’t imahinasyon nila sa pagkatha hanggang sa kasalukuyan. Ang Chile na katumbas ni Neruda sa loob nang mahabang panahon para sa maraming mambabasang Filipino; si Neruda na nito lamang 2004 ay isinalin ng iba’t ibang makatang Filipino sa ika-isandaang taon ng kaniyang pagsilang; ang mga makatang Filipino na iniibig ang hapis ng paglikha’t nananalig ding, “Maisusulat ko ang pinakamalulungkot na tula ngayong gabi,” o sa harap ng postmodernong dis-ilusyon at pagkadismaya ay, “Kaya kong magbitiw ng bitter words ngayong gabi.” Natagpuan ng marami kay Neruda ang saklaw ng pagsulat ng tula, kung paano maaaring dapuan ng liriko ang pinakakaraniwang bagay tulad ng asin at kamatis, hanggang sa epikong tagulaylay ukol sa tayog at kadakilaan ng Machu Picchu.

     Subalit ngayon, para sa akin, ang Chile at ang pagtula sa pamamagitan ni Bolaño. At sa pamamagitan ng nobela.
     Sa mga nobela ni Bolaño, natatangi ang pagmamapa niya ng kulturang pampanitikan, partikular ng tula: Kung paanong ang bawat imbestigasyon, ang bawat buhay sa kaniyang Latin America ay nakatahi sa buhay ng mga makata sa kaniyang bayan. Kahit sa realidad, aktibo’t nakisangkot si Bolaño sa direksiyon ng pagtula sa kaniyang bayan, at itinatag kasama ang makatang si Mario Santiago ang tinawag nilang Movimiento Infrarrealista de Poesia na laban sa ipinagpapalagay nila noong “kulturang opisyal” na kinakatawan ng mga tulad ni Octavio Paz. Lumabas bilang tauhan si Neruda sa nobela niyang By Night in Chile, nakaharap at nakausap ng tagapagsalaysay, isang paring kritikong pampanitikan na “tumutula” rin paminsan-minsan. Sa nobela namang Distant Star, inamin ng tagapagsalaysay na dinapuan siya ng Neruditis simula pagkabata, isang karamdaman ng matinding romantisasyon sa pagtula—ang pagtula bilang puno’t ugat ng mga bagay, ang simula’t wakas, ang lampas pa sa daigdig. Subalit sa nobela ring iyon, iminumungkahing magbabago lamang ang panulaang Chilean kung matututuhan nilang basahin nang tama si Enrique Lihn. O ibig sabihin, ang marhinalisado, ang naisagilid, naiwaglit ng kamalayan sa ngalan ng mga Neruda ng mundo.

     May isa ring tauhang makata ni Bolaño na lumaking putol ang dalawang braso mula sa balikat at lumaking bakla’t mahirap, mga prekondisyong lalong nagtulak sa kaniya sa sining. Nang minsang nagtangka siyang magpakalunod, lumangoy siya pabalik sa dalampasigan bago kapusin ng hininga at pinagpasiyahang sa kasalukuyang kondisyong sosyo-politikal, “committing suicide is absurd and redundant. Better to become an undercover poet.”

     Sa nobelang Amulet ni Bolaño, ang tagapagsalaysay na si Auxilio Lacouture ang tanging nakaligtas sa okupasyon ng mga militar sa Mexico. Nagkataong nasa kubeta siya ng ikaapat na palapag ng gusali ng Pilosopiya at Panitikan nang sinona ang unibersidad na pinagtatrabahuhan niya. Samantalang nakaupo sa inidoro’t nagbabasa ng aklat ng tula, “[she] thought about how strange it is to emigrate eastward rather than westward.”  Ngunit hindi iyon kamangha-mangha sa panahon ng kanluraning explorasyon at “pagtuklas” sa mga ipinagpapalagay nilang terra incognita samantalang libong taon nang pinananahananan ng iba. Gayumpaman, maaaring totoo iyon para sa mga tao sa kasalukuyan, sa daigdig ng militarisasyon ni Lacouture, na maaaring sabihing nagmula sa mundo ng industriyalisasyon hanggang sa globalisasyong neokolonyal ngayon: ang mga Pilipinong naglalakbay palayo sa kanilang bayan, patungo sa iba’t ibang sulok ng mundo upang “maghanap ng suwerte,” maghanapbuhay, magbuo ng panibagong buhay—ang mga manunulat na tulad nina Jose Garcia Villa at Bienvenido Santos na piniling manirahan sa Estados Unidos, halimbawa.

     Subalit isang emigrasyon iyon na hindi totoo, at maaaring sabihing saliwa pa nga, sa kaso ng mga texto. Kakabit ng karahasan ng kolonya’t mga imperyo, pa-Silangan ang naging dominanteng direksiyon ng mga akda, at kung gayon, ng mga impluwensiya, hanggang sa ngayon. Mula sa pagsasakatutubo ng panalangin at pananalig na Kristiyano sa Doctrina Cristiana hanggang sa adaptasyon ng Amerikanong kulturang popular sa mga palabas sa telebisyon. Kritikal ito sa naging dominasyong pangkultura sa bansa—ang karanasang binansagan sa iba’t ibang banyagang pangalan bilang colonial mentality, miseducation of the Filipinos, o sa madaling sabi’y pagiging sakop, ang mga “katawang pasibo,” ayon kay Foucault—subalit sa isang banda’y maaari namang tingnan din ito bilang bukal, potensiya, ng isang uri ng lakas.  Mas kilala natin sila, sa pamamagitan ng kanilang mga texto, samantala’y ano ang talagang alam nila sa atin?  Ilang edukadong Pilipino ang hindi kilala si Edgar Allan Poe at ilang edukadong Amerikano ang hindi kilala si Francisco Balagtas? Totoong hindi maiuuwi lamang sa usapin ng estadistika o trivia ang diskurso ng kamangmangan, subalit maaari pa ring igiit, sa kabila ng demonisasyon nito’t samot-saring mutasyon, na kapangyarihan ang kaalaman, at magagamit natin sila. Isa itong posibleng tugon sa hamon ni Foucault kung paano kakatha ng puwersang laban sa tinawag niyang Panopticon, isang uri ng pagtatanghal ng pribado’t indibidwal sa harap ng kontrol ng tila mas malawak na sistema: ang transpormasyon ng kaalaman bilang imahinasyon, ang imahinasyon bilang ahensiya ng pagkatha, sa pagsulat ng tula. Kahit pa sa harap ng postmodernisasyon ng sensibilidad na kakabit ng paghalaw, appropriation, salin, bricolage, paano lubusang maigigiit na hindi rin nga itinutulak ng lunggating politikal ang mga gawaing ito, lalo pa sa sining, sa pagsusulat, sa pag-aangkin ng anyong tulad ng tula na may mahabang kasaysayan sa ating panitikang-bayan subalit kasaysayan din ng pakikipagtalaban sa mga banyagang impluwensiya?

     Bumabanggit si Bolaño ng mga makata’t manunulat sa kaniyang mga akda, higit marahil sa kahit na sinong nobelista, inihahalayhay niya sila, klasiko’t kontemporanyo, tanyag at obscure, buhay at patay, matanda’t bata, kinagigiliwan niya’t isinusumpa,  mula sa loob at labas ng Chile, na para bang ang populasyon ng mga tauhang ito ay tila ensayklopidikong layon na bigyan ng aura ng isang daigdig na binubuo ng manlilikha ang kaniyang mga akda. Sa pagtatapos ng nobelang Amulet, gumawa ng mga propesiya tungkol sa ilang manunulat ang tagapagsalaysay na si Auxilio, kung sino ang patuloy na babasahin, sino ang makakalimutan, sino ang mapapaslang, sino ang magkakaroon ng resureksiyon, ng reinkarnasyon, sino ang mabubuhay nang paulit-ulit, sino ang ipagtatayo ng mga rebulto, sino ang mapuputa sa langit at impiyerno, at tungkol sa tula: “Poetry shall not disappear. Its non-power shall manifest itself in a different form.”

     Subalit binubulabog ang unibersong iyon ng mga kathang manunulat at ganoon din ng mga kathang akda, na para bang may mga pinapangarap pang buhay at texto sa loob niyon, ang totoo at hindi totoo sa labas ng katha ay totoong lahat sa daigdig ng katha at nagpapanagpo ang mga buhay nila. Sa Distant Star, na muling-imahinasyon at extensiyon ng pangwakas na kabanata ng Nazi Literature in the Americas, makikilala ang isang makatang naging asasin ng militar, si Carlos Wieder na naunang nakilala bilang Alberto Ruiz-Tagle. Habang isang pagsisiyasat iyon sa buhay niya, ang pagbabago ng buhay niya kaalinsabay ng pagpapalit ng pangalan, kung buhay pa ba siya, kung siya nga iyon, ang lumilikha ng tula sa eyre sa pamamagitan ng pagpapalipad ng eroplano, sinisiyasat din ng nobela ang hanggahan ng pagtula, at ang kaugnayan nito sa karahasan, kung maaari nga bang ang indibidwal na may sensibilidad ng isang makata ay maging kriminal, pumaslang ng mga babae’t kunan ng larawan ang kanilang marahas na kamatayan upang i-eksibit bilang sining pagkatapos ng pagtatanghal ng tula sa himpapawid, kahit pa sa gitna ng masamang panahon. Isang obsesyon halos itong pag-uugnay ng malikhaing kamalayan sa pakikisangkot sa awtoritaryanismo, lalo na sa pagbubuo niya ng mga hakang talambuhay ng mga manunulat sa Amerika sa kaniyang Nazi Literature in the Americas. Sa isang banda, maaaring iugnay ito sa posisyon ni Kundera laban sa panganib ng lirisismo, tulad ng inilatag niya sa kaniyang mga sanaysay tungkol sa nobela, at sa nobelang Life Is Elsewhere, na sa isang banda’y siya ring dahilan kung bakit hindi na niya binalikan pa ang pagtula. O nasa isa pang akda ni Bolaño ang sagot sa ugnayan ng karahasan at pagsusulat: “The vanity of writing, the vanity of destruction. ... The two things are connected, writing and destroying, hiding and being found.”

     Sa loob ng Distant Star, hinanap ng detektib na si Abel Romero ang tagapagsalaysay upang hanapin kung nasaan si Wieder sa pamamagitan ng pinaghihinalaan nilang mga akda nito. Kailangan umano ni Romero ng makata para hanapin ang isa pang makata. Umikot naman ang The Savage Detectives sa mismong paghahanap nina Arturo Belano at Ulises Lima kay Cesarea Tinajero, ang kinikilala nilang tagapagtatag ng visceral realism, sapagkat hindi nila maunawaan ang kahulugan ng tanging tula nitong nalathala, ang “Sión,” na hindi gumagamit ng “salita,” tulad ng “tula” ni Bök.




Mahalaga ang paglalatag ng kulturang pampanitikan para kay Bolaño bilang motibasyon ng mga pagsisiyasat, ng mga pagtatanong, sapagkat may mga hindi nauunawaan, lalo na sa gitna ng daigdig na politikal na ginagalawan ng kaniyang mga manunulat. Ginawa niyang tauhan, halimbawa, si General Pinochet at pinagsalita sa nobela niyang By Night in Chile upang bigkasin ito tungkol sa ibang mga namuno’t naging diktador tulad nina Alessandri, Frei at Allende: “They didn’t read, they didn’t write. They pretended to be cultured, but not one of them was a reader or a writer.” Maaaring tinitingnan ni Bolaño na sa bandang huli, nakasalalay ang lahat sa mga salita, sa kakayahang magbasa at magsulat. Na ang kalungkutan niya’y samantalang humuhubog siya ng daigdig na umiikot sa kulturang pampanitikan, sa katotohana’y pinaiikot at pinamumunuan ang daigdig na iyon ng mga makapangyarihang walang kinalaman, walang pakialam, sa panitikan, sa tula. O, kung sakali ngang may pakikisangkot ang mga namumuno’t makapangyarihan, o nakikisimpatiya sa kapangyarihan, sa pag-akda ng panitikan, tulad ng ipinakita niya sa mga kathang biograpiya sa Nazi Literature in the Americas, ay higit itong mapanganib, mas nakatatakot—kaya’t dapat pa ring ipagbunyi ang kasaysayan kung saan nagmumula ang kulturang pampanitikan sa gilid, sa oposisyon, bilang kontraryong opinyon laban sa naghahari’t makapangyarihan, tulad ng sensibilidad ng maraming kuwentong-bayan. Isang pagtataksil sa kasalukuyang kalakaran.
   
     Ano ang pakialam ko kay Bolaño? Sa kasalukuyan kong mga bagabag sa usapin ng katapatan at pagtataksil, sa lahat ng salimuot nito’t epekto sa aking pagsusulat, binubuhay niya ang noon ko pa pinaghihinalaan na diyalogo sa mga anyo ng tula at nobela, subalit puta-putaki’t hindi pa nagagawan nang taimtim na pag-aaral: ang relasyon ng pagsusulat ng nobela sa pagtula ng isang makata. Kahit pa nga ginawa iyon ni Rizal, ni Lope K. Santos, ni Alejandro G. Abadilla, ni Edith Tiempo, ni Jun Cruz Reyes, ni Alfred Yuson, ni Luna Sicat-Cleto, ang mamangka sa higit sa iisang ilog. Sa ngayon, ginagawa pa rin iyon ng mga kahenerasyon kong tulad nina German Gervacio, Genevieve Asenjo, at Alvin B. Yapan.

     Kinailangan kong magsulat ng nobela upang mapangahasan ngayon, halimbawa, ang isang himig sa tula, na hindi ko mapapangatawanan limang taon na ang nakararaan kung kailan ang pagiging mataimtim ng bisyon ko sa relasyon natin, ng ating kamalayan, sa mga nilalang ng dilim, ay walang kapasidad na tingnan iyon bilang katawa-tawa sa gitna ng pagiging kalunos-lunos nito. Sa isa sa pinakabago kong tula, wala ang dakilang ambisyon ng “Kuwentong-Bayan,” subalit hindi nagpapanggap ng pag-aaruga ng mga sugat at sakit ng kolektibong kumakawala sa imahinasyon. Hindi ko isinusumpa ang lungkot at kadakilaan, ibig ko lamang takasan ang pagtingin sa mga iyon bilang nakalulungkot at dakila na nga.

     Kinailangan kong pagtaksilan ang nagdaang sarili, kilalanin ang panahong nakapagitan sa bawat pagsulat ng tula, upang maghunos ang mga panibagong salita. Sa palagay ko, sa ganitong paraan lamang ako muling makapagsusulat ng tula. Kaya bilang pangwakas:

          Tagpo

          Pitong taon ako nang una ko siyang makita:
          hindi tao, hindi hayop, nakasiksik sa sagingan
          na tinatanuran ng matandang poso. Tiyanak!
          Sabi ko, nanlalaki ang mga mata. OA,
          sabi niya, naroon at wala sa panahon.
          At lumundag siya't tumuntong sa balikat ko,
          buong buhay kong pinasan, mahigpit
          ang kapit sa ulo ko. Hindi siya nakikita ng iba—
          ang halimaw na laging may puna sa iniisip
          ko’t binibitiwang salita, tulad ng, “Pitong taon
          ako nang una ko siyang makita,” dahil bulag
          ako’t naliligaw at siya ang nakatagpo sa akin.

* This is the lecture I delivered at the Pambansang Kumperensiya sa Panulaang Filipino held last November 25, 2010 at the University of the Philippines in Diliman.

Niloloob ng Nobela ang Tula

WALA PANG ISANG BUWAN matapos lumabas sa mga bookstore ang nobela kong Walong Diwata ng Pagkahulog, nagtext ang kapatid kong sumunod sa akin, si Jordan (Undan ang kinalakihan kong tawag sa kanya), na nakabili siya ng kopya sa SM Sta. Rosa. Ilang minuto lang, ang kasunod niyang text: “Kuya… tampururut kpa rn b ky papa? Nklagay s libro mo…” Noong una, natawa ako. Ni hindi ko naisip hanggang sa sandaling iyon na may tampo pala ako kay Papa. Kinailangan kong ipaalala kay Undan, na nagtapos ng mechanical engineering sa UPLB, na katha iyon, fiction, at hindi ako ang tauhang nagsasalaysay sa nobela. Pero kahit matapos ang ilang palitan ng texts, ayaw niyang makumbinsi. “Utol m0ko.. halata ko hehehe,” sabi pa niya. Magkahalong pagkamangha at pagkadismaya ang naramdaman ko nang matiyak sa sandaling iyon kung bakit kinailangang agad na pasubalian ni Foucault ang nosyon ng “kamatayan ng awtor” ni Barthes. Sa kamalayan ng mambabasang gaya ng kapatid ko, talagang buhay na buhay ako, ang awtor, sa aking akda.

    Ifinorward ko ang nangyari sa mga kaibigang makata at guro rin sa Kagawaran ng Filipino sa Ateneo, kina Yol Jamendang at Allan Popa, na gaya ko’y nagtuturo ng nosyon ng persona o maskara sa texto sa mga freshman. Dahil nabasa na rin ni Yol ang draft ng nobela ko bago pa man ito malimbag, ang reply niya: “Kelan ba kasi namin makikilala si Teresa?” (Na kapareho rin ng iba pang mga kakilalang nakabasa na sa nobela na tinatawag ako ngayong Daniel o Ayel o Delka Linar.) Ang sagot naman ni Allan na hindi pa nababasa ang nobela: “Kaya ako, di nagsusulat ng nobela. Mas mahihirapang intindihin ng pamilya ko ang tula.” Kung nabubuhay na nga tayo sa daigdig ng prosa, kung saan ang tula ay iyong mahirap intindihin, di gaya ng matalik na ugnayan sa pang-araw-araw na buhay ng salawikain, o matalas na pagkilala sa paligid ng bugtong noon, ang lirisismo nga ba ng tula ay “isang buhay na wala rito,” gaya ng minsang iminungkahi ni Kundera? At kung ang nobela ay isa ring daigdig ng tuluyan, kamukha ng ating daigdig, kaya’t para sa ilang nakapagbasa na, ako si Daniel sa aking nobela, sa ayaw ko ma’t sa gusto, ibig bang sabihi’y gayon din ang turing ng nobela sa tula, na sa loob-loob nito’y wala ang tula kundi isang daigdig na anakronistiko ang tanging relasyon na maaaring kathain sa ating mundo, sa totoong mundo, na isang malayong mundo ang tula na hindi makikilala, hindi mauunawaan, kaysa sa pamilyar na kaligiran ng prosa, kaya’t pangingilagan ito ng nobela, gaya ng pagkailang ng daigdig nating kampanteng hinaharap ang pang-araw-araw sa tuluyan?

    Gusto kong dito magsimula ang ilang pagmumuni-muni ko tungkol sa ugnayan ng tula at nobela, na agad nag-uungkat at umuusig sa relasyon ng dalawang anyo sa realidad, subalit ibig kong tangayin nawa mula roon patungo sa pagbubunyag sa tula bilang balintunang niloloob ng nobela. Sa isang banda, isa rin itong pagtatangka tungo sa ars poetika, iyong tendensiya na “magbigay ng espasyo sa kasaysayang pampanitikan upang matalakay nang kritikal ng isang manunulat ang sarili niyang sining.” Kagaya ng konseptong ipinakilala ni Horace sa kaniyang sariling “Ars Poetica,” magsisimula ako in medias res, “sa pagitan ng mga bagay,” dahil laging naroon ang puwang ng paninimbang, pahinga, pagtataya, at posibilidad ng pagsulong o pag-urong, paggalaw o pananatili. At sa pagitan ng mga bagay, nagmumukha ngang may antagonismo sa pagitan ng tula at nobela, may salungatan: tila magkaibang-magkaiba sila ng pinaninidigan.

    Tingnan natin ang dalawa sa kontexto ng pinakadambuhalang katotohanan ng ating kasaysayan na hindi maitatangging humubog sa kondisyon ng ating bayan at namamayaning kamalayan sa ngayon, at kung gayon, maging ng ating mga produksiyon at konsiderasyong pang-estetika: ang kolonisasyon. Nahati nga sa pagdating ng mga Kastila ang ating panahon—ang panahon na isa sa unang hinaraya ng tao sapagkat hindi nakikita’t nahahawakan—bilang prekolonyal at postkolonyal. Sa tunog ng kampana sa pagtatatag ng mga pueblo, sistematikong nabura ang alaala at saysay ng sarili nating mga pagbaybay, pinatay ang mga bayani ng ating epiko ng mga dasal na katoliko at kuwento ng buhay ng mga santo, at muling-binuhay sa pasyon ni Kristo na tinagulaylay para sa mga pumanaw at sa kanilang iniwan sa daigdig na ito.

    Kung tutuusin, may tuwiran sana tayong relasyon sa isa sa mga itinuturing na ninuno ng nobela sa kanluran: 1605 nang lumabas ang unang bahagi ng Don Quixote ni Miguel de Cervantes, na nakasulat sa Espanyol. Halos kasabay noon ang pagdating naman dito sa Pilipinas ng palimbagan, ang teknolohiya na nagbigay ng posibilidad sa anyo ng nobela. Subalit kapuna-punang lilipas pa ang halos tatlong daang taon, sa dulo na ng pananakop ng mga Kastila, bago malathala ang itinuturing na unang nobelang Filipino, ang Ninay ni Pedro Paterno, at pagkatapos, ang Noli at Fili ni Jose Rizal. Simptomatiko ito ng relasyong pampanitikan sa pagitan ng Espanya at Filipinas nang panahong iyon at ng materyal na kondisyon ng palimbagan sa bansa na hawak ng mga misyonerong Kastila. Siyempre pa, inunang ilimbag ang mga textong may direktang pakinabang sa proyekto ng pananakop: doktrina, aklat ng katesismo, kumpesyunaryo, diksiyonaryo, relasyon, mga leyenda. Mula sa mga iyon, saka nga nalimbag ang mga aklat ng tula gaya ng Memorial dela vida christiana ni Francisco de San Jose.

    May balintuna sa pagpabor ng mga mananakop sa tula: pinag-aralan nila ito dahil nakilala nilang malalim ang pagkakaugat nito sa tradisyon ng bayan, gaya ng ibinubunyag ng mga bugtong, sawikain at awiting-bayan. Naging susi ang anyo kung gayon sa pagtatangka nilang i-access ang katutubong psyche upang madomina rin ito at masakop maging pamantayang pang-estetika. Alalahaning samantalang tinitipon ang mga bugtong at sawikain at dalit at tanaga sa mga vocabulario, gaya ng ginawa nina Noceda at Sanlucar sa Vocabulario dela lengua tagala, nilipol naman umano ang mga katutubong tula na itinuring ng mga prayleng mahahalay at maysa-demonyo, bagaman posibleng higit na laganap, kumpara sa “malilinis” na tula, gaya ng argumento ni E. Arsenio Manuel sa pag-aaral niya sa mga motif ng tradisyong oral ng ilang pangkat-etniko sa Pilipinas. Dinibdib kahit ng mga misyonerong gaya ni Francisco de San Jose ang pag-aaral at pagtula sa wikang Tagalog upang unawain ang katutubong gawi, at maipasok ang aral na Kristiyano sa loob ng bayan, sa pamamagitan ng tula.

    Malinaw na mas malayo ang nililingong nakaraan ng tula, kumpara sa nobela. Hindi lamang dahil sa mahabang kasaysayan ng tradisyong pabigkas bago dumating ang palimbagan, kundi kahit sa panahon ng paglilimbag, nauna nang tatlong siglo ang “May Bagyo Ma’t May Rilim” ng isang Tagalog na hindi napangalanan, kumpara nga sa akda ni Paterno, o lalo pa sa Nena at Neneng ni Valeriano Hernandez Peña, ang itinuturing na unang nobelang Tagalog, na sa pananakop na ng mga Amerikano unang naserye sa pahayagan. Naging padron nga ang mga epikong nawalan ng puwang ang pag-awit sa mga pambayang pagdiriwang upang isulat at ilimbag ang mga pasyon at mga sekular na awit at korido. Kahit inilimbag na nga ang mga ito, ang tugma at sukat na parehong function ng oralidad ang pangunahing sintomas ng nostalgia sa pagbigkas ng nakalathalang tula, ng pamilyaridad sa pagitan ng tumutula at nakikinig sa pagtatanghal, kaya naman marami ring tala na inaawit pa rin talaga ang mga berso ng limbag na awit, tulad ng Florante at Laura ni Balagtas, at kaya rin nga nahubog ang pabasa para sa pasyon. Malinaw ang ideya at pagdanas ng komunidad bilang kakabit ng oralidad, na siyang malinaw na ideyal para sa istruktura ng kapangyarihang ibig kumubkob sa isang kolektibo.

    Sa kabilang banda, maaaring sabihin na malaki rin ang papel ng tula upang ipakilala labanan ang mismong orkestrasyon ng pananakop, kung pagbabatayan ang pag-aaral ni Reynaldo Ileto sa paghubog ng pasyon sa kamalayang-bayan o ang naging epekto ng Florante sa kalinangang intelektuwal mula pa sa panahon ni Rizal. Hanggang sa panahon ng kolonyalismong Amerikano, ganito ang naging bisa ng maraming tula, lalo na ng mga makatang nagsulat ng pitak na patula sa mga pahayagan, tulad ni Jose Corazon de Jesus. Hindi matatawaran ang bisa ng kaniyang mga tulang nasyonalista, na pangunahing kinakatawan ng “Bayan Ko” na umalingawngaw hanggang sa unang EDSA. Maraming makata na nagpatuloy ang pananalig sa bisa ng pagtula, sa gitna ng iba’t ibang anyo ng opresyon, tulad ng magkapatid na Emmanuel at Jose Lacaba, Lamberto Antonio, Rogelio Mangahas. Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikiharap sa mga bagong mukha ng pananakop ng maraming makata, gaya ng nakikita sa mga tula ni Bienvenido Lumbera, at kamakailan, ni Axel Pinpin. Sa paningin ko, ganito ang hayag na layunin ng iba pang aktibong samahan ng mga makata sa kasalukuyan, tulad ng Kilometer 64. Makikita rin itong tungkuling binuno ng maraming makata sa ibang panig ng daigdig gaya nina Czeslaw Milosz, Octavio Paz, Derek Walcott, at Miguel Angel Asturias.

    Kung doble ang talim ng pagdanas sa tula, bilang nakaugat sa tradisyong katutubo, at kung gayo’y maaaring balingan ng katutubo sa adhikaing nasyonalista sa isang banda, subalit maaari rin namang kasangkapanin ng mananakop sa kabilang banda upang maniobrahin nga ang mismong makinarya ng opresyon, dumaranas din ng parehong dobleng talim ang nobela.

    Sa isang banda, malinaw nga ng isang kanluraning anyo ang nobela. Minana natin ito sa mga mananakop, at hanggang ngayo’y ipinagpaparangalan nila bilang isang anyong Europeo. Kaya naman nasa kanila ang mga Cervantes at Rabelais, ang Dumas, Dickens, Dostoevsy, ang pag-unlad ng wikang Ingles, Pranses, Aleman, Ruso kasabay ng salimuot ng tradisyon ng kanilang prosa. At noon pa ma’y binabasa na nila ang isa’t isa. Sa panahon ni Cervantes mismo halimbawa’y naisalin na sa iba’t ibang wika ang Don Quixote. Ipinaliwanag na ito ni Orhan Pamuk na sa panahon ng matinding nasyonalismo, kahit sa bayang pinagmulan niya, omas madaling balingan, o balikan, ng mamamayan ang kanilang tula, dahil ito ang nag-uugat sa kanilang malayong nakaraan, kaysa sa nobela, na sinasabing pamana na ng mananakop. Matagal bago sineryoso sa Turkey ang nobela bilang isang sining. Kaya naman, hindi na nakapagtatakang ang mga unang itinuturing na nobelang Filipino, kung hindi isasali ang mga proto-nobelang Urbana at Felisa at Si Tandang Basio Macunat, ay isinulat din sa wikang Kastila, at kung gayon, ng mga banyaga, o ng mga aral. Kaibang-kaiba ng kondisyon ng produksiyon ng pinakamatatanda nating tula, kosmopolitan na agad ang ating nobela: nakamata sa mundo, imbes na nakalingon sa pinagmulan. Ang mga nobela halimbawa ni Rizal ay isinulat niya sa iba’t ibang bahagi ng Europa, nalathala rin sa labas ng bansa, may mga erudisyong kanluranin, at kamakailan ay ginawan ng pagbasa ni Almario na may malaking impluwensiya rin umanong Aleman. Pagdating pa lang ng mga Amerikano, dahil sa sekularisasyon ng palimbagan at pagdami ng mga diyaryo at magasin, aangkinin ng mga katutubong wika, lalo na ng Tagalog, ang pagsusulat ng nobela.

    Subalit dahil wala ngang tradisyong oral na nililingon ang nobela, at imbes ay nangangailangan ng pag-iisa at malaki ang potensiyal na mag-uwi sa pag-iisip sa sandali ng pagbabasa, kaya’t halos katakutan ito ng sistemang kolonyal. Kahit sa Europa, kakabit ng pagkahubog ng anyong ito ang kasaysayan ng subersiyon, ang mismong anyo bilang subersibo. Kaya sa Europa rin, nang nagmungkahi si Rizal sa mga kasama niyang ilustrado na gumawa ng pagmamapa ng karanasan at kondisyong kolonyal ng Filipinas, upang itaguyod ang isinusulong nila noong reforma, nobela ang anyong nasa isip niya. Kaya bagaman hindi ito napanindigan ng mga kasama niya’y dinibdib nga niya’t siyang nagluwal sa Noli at Fili. May mga kapasidad ang nobela na kapaki-pakinabang sa subersibong layunin ng sakop, na pinangalanan ni Bakhtin na imahinasyong dayalektik, sa bisa ng heteroglossia o pagmamaraming tinig. Kataliwas umano ito ng singular na lohika ng tulang lirikal, kahit pa ng epiko, o lalo pa nga ng epiko, na walang akomodasyon sa kontraryong pananaw, at pangunahin pa ngang tagapagpatibay ng namamayaning kaayusan, tagasuporta sa mayhawak ng kapangyarihan, tagapagbigay ng katwiran sa istruktura ng dominasyon.

    Samantala, maliban sa pagtingin sa relasyon ng nobela at tula bilang antagonistiko, may namamayani ring pagturing sa kanilang relasyon bilang pagsusupling. Ganito halimbawa ang iminungkahi ni Resil B. Mojares sa naging kasaysayan ng pagkahubog ng nobela sa bansa natin na nililingon ang epiko bilang isa sa mga mahahalagang ninuno ng komplikasyon at haba ng naratibisasyon. Padron din umano ito ng klasikal na larawan ng bayani sa mga kuwento mula sa iba’t ibang lupain sa daigdig na kinakailangang lisanin ang sariling bayan upang hanapin ang lunas mula sa labas, sa ibang lupain. Kaya’ut ang pag-alis ni Aliguyon sa Hannanga o ni Agyu sa Nalandangan ay minana ni Floranteng kinailangang mag-aral sa Atenas at paglaon, ni Crisostomo Ibarra nga na kinailangang mag-aral sa Espanya, upang pag-uwi’y matuklasang may kanser na ang Inang Bayan. Ganito rin ang tingin ng nobelistang si Jane Smiley, sa aklat niyang 13 Ways of Looking at the Novel, kung saan tinitingnan ang mga naunang anyo sa nobela, tulad ng liham, travel essay, tale, joke, romance at epic, ang huling dalawa bilang mga anyong patula, bilang mahahalagang ninuno ng nobela, na paglaon nga’y hinalinhan nito.

    Subalit dito ko ibig magmungkahi ng ibang pagtingin sa relasyon ng nobela at tula maliban sa relasyong antagonistiko o kaya’y ninuno-supling lamang. Subalit titingin lamang ako mula sa pananaw ng nobela, at hindi ng tula, kung ano ang tingin ng nobela sa tula, at hindi ng tula sa nobela, sa simpleng dahilan, sa ngayon, na naglalaman ang maraming nobela ng tula, subalit wala pa akong nababasang tula na naglalaman ng nobela, bagaman may mga tinawag dating nobelang patula, tulad ng mga naseryeng akda ni Jose Corazon de Jesus sa Liwayway, ang Ang Lumang Simbahan ni Florentino Collantes, at kahit ang Ang Pangginggera ni Lope K. Santos. Sa aking pagtataya, niloloob ng nobela ang tula.

    Ano ang ibig kong sabihin? Hindi lamang ang literal na nasa loob ng maraming nobela ang tula, bagaman totoong kahit ang pinakamatatandang nobela, mula pa sa Don Quixote kung saan nagiging gawi ng ilang tauhan ang pag-awit ng mga taludtod, pagsasalaysay nang patula, at maging sa pagtatapos ng unang aklat nito na nalathala nga noong 1605, patula ang elehiya para kay Don Quixote at maging sa kaniyang mga nakasamang sina Sancho Panza, ang kabayong si Rozinante at ang pag-ibig niyang si Dulcinea. Bagaman pinili ni Rizal ang anyo ng nobela, sa loob nito’y kinilala pa rin niya ang inspirasyon ng awit ni Balagtas, ang Florante. Hindi iisang beses na sinipi ng nobelista ang makata, o ipinaalala, sa pamamagitan ni Pilosopo Tasyo, ang mga taludtod ng makata ng Panginay, at hinubog ang naratibo sa espiritu ng naunang tula ni Balagtas. Kahit sa edisyong internasyonal ng Noli na inilathala ng Penguin noong nagdaang taon, sa introduksiyon ni Harold Augenbraum, napangunahan pa rin ng tinig ni Balagtas ang pagpapakilala sa nobela, sa pagsipi ng kritiko sa ilang taludtod mula sa “Kay Celia” bilang epigrap. Maliban kay Balagtas, sinisipi rin ni Rizal ang mga tula ng makatang gaya ni Lope de Vega sa nobela.

    Kahit sa pinakabagong mga nobelistang Pilipino, tulad ni Ellen Sicat sa kaniyang Paghuhunos at Unang Ulan ng Mayo, makikitang importane ang tula sa loob ng nobela. Sa Paghuhunos, nakalagay pa ang salin sa Tagalog ng isang tula ni Browning, bukod pa sa pagpapakilala sa ama ng manunulat na si Carlos bilang makata, at isa umano sa mahahalagang impluwensiya sa pagkamanunulat ng anak niyang siya namang napangasawa ni Gloria, ang tagapagsalaysay sa nobela. Sa Unang Ulan ng Mayo na pagpapatuloy ng kuwento ng naunang nobela, sinabi ni Gloria na isinusulat niya sa porma ng isang tula ang balangkas ng kaniyang kuwento dahil mas madali umano itong alalahanin. Malinaw na para sa kaniya, kakabit ng tula ang alaala, ang pag-alaala, kaya nga sa halos lahat ng tradisyon ng pagtula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig, marami itong pamamaraang mnemonic, gaya ng pag-uulit ng tunog, bilang ng pantig, o kahit ng mga buong taludtod. Ilan sa kontemporanyong nobela sa labas ng Pilipinas kung saan nakasentro ang tula o pagiging makata ang Possession ni A.S. Byatt, Life Is Elsewhere ni Milan Kundera, Death in Venice ni Thomas Mann at The Savage Detectives ni Roberto Bolaño.

    Subalit hindi nga ganoon kasimple ang dahilan at paraan kung paanong niloloob ng nobela ang tula. Sa halip, pinapasok ng nobela ang tula, gaya ng magnanakaw sa hatinggabi, subalit walang intensiyong mamaslang. Ginagawa ito ng nobela upang tingnan ang tula nang lampas sa hanggahan ng mga kinasanayan nating pagtingin dito mula sa labas. Kaya mahalaga ang pagkilala sa usapin ng loob, at ang kakabit nitong pagamamalay sa labas. Isa sa pinakamayamang konsepto sa mga Tagalog ang loob, na ginawan na ng hindi iilang pag-aaral, tulad ng kay Fr. Albert Alejo, na mata rin, at ni Ileto nga sa Pasiong Mahal. Sa pag-aaral sa tula, may iminungkahi si Almario na pagkakaiba ng himig na paloob at himig na palabas, at kung paanong higit na nagkaroon ng pagkiling sa direksiyong paloob ang mga modernistang makata dahil ito ang nagbibigay ng puwang sa paglilimi, imbes na pangangaral o pagdidikta. Mahalaga ang katangiang ito ng pagmumuni o introspeksiyon sa pagloloob ng isang bagay, dahil, ayon naman sa kritiko at postmodernistang nobelista at kuwentistang Rolando S. Tolentino, maaaring ang introspeksiyon ang isa sa mga huling sandata ng indibidwal sa iba’t ibang teknolohiya ng pagkontrol sa kaniya sa harap ng pagkakahati ng kolonisasyon sa ating espasyo sa pagitan ng pampubliko at pribadong spero. Sa pagkakaroon ng malinaw na publikong spero kung saan minamatyagan ang katutubong ibig supilin, kaya’t kailangan siyang pailalim sa reduccion, sa hanggang maaabot ng tunog ng kampana, ang introspeksiyon, ang panloloob sa mga bagay, ang maaari ngang huli niyang kaligtasan. Lalo pa’t hindi istatiko ang loob na maaaring maging mabigtan, magaan, maluwag, masikip, magulo. Kung niloloob ng nobela ang tula, sa anumang dahilan, ibig sabihi’y may puwang iyon dito, dahil iyon lamang mga wala sa loob natin ang walang halaga para sa atin.

    Sa harap ng mga ganitong komplikasyon ng relasyon ng anyo ng nobela at tula, lalong nagiging kritikal ang pasya ng anyong gagamitin sa pagsusulat. Tula o nobela? Ito ang aking sariling in medias res: pagkatapos malathala nang magkasunod ang aking aklat ng tula at nobela, nahaharap ako sa dalawa muling magkasunod na malaking proyekto, isa na namang koleksiyon ng tula sa ilalim ng isang grant mula sa Loyola Schools, at isang panibagong nobela para sa aking disertasyon. Kailangan bang pumili? Totoo naman, makata’t nobelista si Rizal, gaya ng maraming iba pang mahalagang manunulat na Filipino: Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, Amado V. Hernandez, Alejandro G. Abadilla, Jun Cruz Reyes, Lualhati Bautista, Tony Perez, Luna Sicat.

    Kailangan bang pumili? Hindi lagi, subalit may mga taong kinailangang magpasya. Tulad ni Kundera na pagkatapos makapagpalathala ng ilang koleksiyon ng tula ay hindi na muling nagsulat ng tula at nagtuon na lamang sa nobela. Sa Life Is Elsewhere, inihayag niya ang panganib ng tulang lirikal na maaaring magkaroon ng bisang estetiko kahit walang naihahayag na katotohanan o insight. O na “maaaring makapagsulat ng magagandang tula na sumusuporta sa paninikil,” dahil “masidhing damdamin lamang ang kailangan, hindi katotohanan.” Sa isang banda, gantio ang materyal na kondisyon ng produksiyon ng marami sa ating mga epiko: nagmula sa naghaharing-uri, binbigyang-katwiran ang kalakaran, ang status quo na sumusuporta sa pamilya o angkan ng namumuno: isang naratibo ng lehitimasyon ng kayamanan at kapangyarihan na paulit-ulit na inaawit sa mga opisyal na okasyon ng bayan gaya ng anihan, pagtatanim, kasalan, paglalamay. Wala umanong ganoong laya ang nobela. Ayon kay Kundera, “novelists, who wrote about [the times] with the blind eye of conformism, created mendacious, stillborn works. But lyrical poets, who exalted the time in an equally blind manner, often left behind beautiful verse.”

    Samantala, higit namang nagpapamalas ng heteroglossia, ng pagmamaraming-tinig, ang tingin ni Bolaño sa tula, sa huli niyang nobela bago namatay, ang 2666. Sa isang bahagi, sinabi ng isang tinig kay Amalfitano, isang propesor ng kasaysayan: “Walang pagkakaibigan… walang pag-ibig, walang epiko, walang tulang liriko na hindi nguyngoy o sitsit ng mga egoista, alingasngas ng mandaraya, sabi-sabi ng mga traydor at social climber.” Subalit sa bisa nga ng imahinasyong dayaletikal, at walang bisyong singular ng sanaysay, kaya sa isang bahagi, sinabi naman ng isang estudyante kay Amalfitano: “Ngayo’y puro tula na lang ang binabasa ko. Tula na lang ngayon ang natitirang walang bahid, ang tanging hindi kasali sa mga laro… tula na lang ang hindi tae nilang lahat.”

    Kailangan bang pumili? Nakikita ko ang sarili ko, halimbawa, na pipiliing pumili sa pagitan ng tula at nobela sa hinaharap, sa simpleng dahilan sa bawat araw ay dumarami nang dumarami ang ibig kong isulat at kasabay noon ay umiikli naman nang umiikli ang buhay ko para gawin ang mga iyon. Kahit sa nobela ko’y sinabi ni Daniel na ayaw niyang tumula, na hindi siya magiging makata, ibig kong ipakita na sa daigdig na ito, may mga taong patuloy na naiisip ang tula, nananaginip ng pagtula, na may tula nga, na opsyon ang pagmamakata.

    Subalit nobela ang pipiliin kong isulat, dahil sa daigdig natin ng prosa, lalong nagiging mahalaga ang nobela sapagkat sa kinathang daigdig na ito ng tuluyan, na mas hindi pangingimiang pasukin ng karaniwang mambabasa, naipaaalala ang pangangailangan ng tula, kung bakit kasintanda halos ng sibilisasyon ng tao ang pagtula. Na kung ang nobela ay isang pagsisiyasta sa kondisyon ng pagiging tao, malaking bahagi nito ay isang pagsisiyasat sa relasyon ng tao sa tunog, sa larawan, sa salita, sa kaniyang sinig, sa tula. Walang anyong pampanitikan na pumapatay sa isa pang anyo. Mayroon lamang umaalala sa dati, hindi nakalilimot, niloloob. Niloloob ng nobela ang tula upang kilalanin mula rito ang sarili niyang pagkahumaling sa salita, at pagnanasang magsalita tungkol sa daigdig, makipag-usap sa daigdig,

    Magsusulat ako ng nobela at iiwan ang pagtula, kung kinakailangan, upang ipaalala sa daigdig nating nag-aalangan nang harapin ang pahinga ng linya, ang pagtalon sa pagitan ng mga saknong, ang tensiyon ng mga puwang na nililikha ng mga salitang hindi mapagtatabi nang ganap para patuloy na makilala ang kanilang sarili, upang ipaalala sa mundo na sa loob ng nobela, sa ating bayan, sa ating daigdig, may linya, may saknong, may tula, patuloy na may mga pinipiling magmakata: may hindi basta-basta nilulunod ng tuluyan, may hindi basta-basta nalulunod nang tuluyan.

*This is the lecture I delivered to open the series of lectures in celebration of Pinoypoets' fifth anniversary, held last February 28, 2009 at the Ortigas Foundation Library.

Ang Pagsusulat Bilang Pagkadismaya

O, NOBELISASYON SA IKATLONG DAIGDIG BILANG PAGWASAK


5 December 2009. Cultural Center of the Philippines.
TIGIB NG KONTRADIKSIYON ang karanasan ng isang manunulat, palaisipang tulad ng bugtong na nariyan lamang sa paligid ang sagot ay niyayanig ng talinghaga ang sariling kamangmangan o karunungan, sinusukat ang pakikibahagi pa rin sa mas malawak na karanasan ng bayan, ang kolektibong hiwalay sa kaniya subalit kinabibilangan din niya. Sa isang banda, maaari niyang ideklarang “ako ang daigdig,” samantalang nagluluksa ang mundo sa mga trahedyang idinudulot ng tao sa isa’t isa, o mga kalamidad na kasintanda ng pagmamalay ng mga sinauna sa paglalaho’t pagkabuo ng buwan. Maaari siyang kumatha para sa sarili, para sa mismong sining, para sa itinuturing na maganda ng bawat panahon o kultura: pagsikat ng araw, tabi ng dagat, pamumulaklak ng diliwariw, sayaw sa kalipay, ibong may layang lumipad, pag-ibig—at ibulong sa sarili, Maganda pa ang daigdig. Naroon sa gayuma ng paningin, ng pagtingin, ang potensiyal na suliranin: maaari akong tumingala sa buwan at sabihing dambuhalang keso, tulad ng sinasambit-sambit ng mga dagang hindi naniniwala kay Daginding na bato lamang ang buwan sa kuwentong-pambata ni Roberto Alonzo, o ipangako ito sa sinusuyo bilang panghalip sa pag-ibig, na kinaumayan na’t inuyam pa ni Allan Popa sa “Buwan, Buwan.” Nasa pagtingin ang bukal ng paninindigan o pagkatinik nang malalim, kaya’t idyomatiko rin ang pagtingin sa atin para sa pagtangi, pagmamahal.
       
        Puso kong lulutang-lutang
        Sa gitna ng karagatan,
        Ang tanging tinitimbula’y
        Titig ng mata mo lamang.


Subalit masidhi ang trahedya ng pagkatao na maisasalba lamang sa pagtingin ng iba, trahedyang hindi nasulyapan man lamang ng persona sa katutubong dalit, tulad ng pagkalugmok nina Doña Juana at Doña Leonora sa Ibong Adarna na naghintay sa kanilang Don Juan na magliligtas sa kanila mula sa ilalim ng balon; kaiba sa ahensiya ni Doña Maria na siyang gumanap sa lahat ng pagsubok ng ama niyang hari para sa prinsipe, at nanguna upang ipinaglaban ang karapatan ng sarili sa harap ng gayuma ng paglimot ng lalaking inibig sa dulo ng korido.

Sinabi na ni Ildefonso Santos: “Sa dagat man, Irog, ng kaligayahan/ Lahat, pati puso’y naaagnas ding marahang-marahan.” Nakamamanhid ang mismong saya, ang mismong paglulunoy sa daigdig na narito. Kailangang matigatig sa mismong pagkapanatag. Paano mapapakali kung ayon sa isang survey kamakailan lamang: sa bawat 100 pumapasok sa grade 1 ay 54 lamang ang nakapagpapatuloy sa high school, at 13 ang nakapagtatapos sa kolehiyo, at wala pang kalahati sa mga nakapagtatapos na iyon ang nakakakuha ng matinong trabaho? Saan mapapanatag kung tatlong dekada pagkatapos ng serye ng Mga Batang Lansangan ni Ricardo Lee, lumala pa ang bilang at kondisyon ng mga batang nalululong sa droga, nagbebenta ng katawan, nanghohold-up, pumapatay, nakukulong, napapaslang? Mahirap maging mahirap, at ito ang sentimyentong sinisikap sakyan ng karamihan sa mga manunulat sa kasalukuyan na nagmumula sa akademya, may intelektuwal na kapital, karamiha’y nakakakain sa oras hindi man ganap na nakakariwasa. May malaking problema kapag hindi na maramdamang may problema nga pala. Sa Sipat-Kultura ni Rolando Tolentino, iminumungkahi niya ang isang estetika at politika ng paglayas at paglayag, dahil sa mga kondisyon lamang na iyon umano ng hindi pananatili maaaring maapuhap ang posibilidad ng paglaya. Malinaw ang posisyon ni Tolentino: kailangang pro-active ang anumang pagsusulat, mahalagang may direksiyon itong tinatahak tungo sa pagbabago ng mga kondisyon ng nasa-labas nito. Hindi maaari ang mungkahi ng bata sa kaklase niya sa isang komersiyal sa telebisyon, “Isipin mo na lang, ham ‘yan.” Sa harap ng kadahupan pa rin at patuloy na pagdanas ng pagkaapi ng nakararami sa kasalukuyan, bunga man ng isa o kombinasyon ng iba’t ibang kondisyon ng marhinalisasyon—uring panlipunan, kasarian, etnisidad, nasyonalidad, relihiyon, paninindigang politikal—mahirap na maging hindi militante kung ibig na maging awtentiko ang pagdanas ng pagsusulat. Nagtatagisan ang mga hamon mula sa loob at labas ng mismong indibidwal na nagsisikap maging alagad ng sining at bayan, samantalang nagtatalaban din ang paninikil mula sa loob at labas ng bayan niyang iyon.

Subalit problematiko ang basta pagpapahayag na, Walang panahon para sa sariling ego, lalo pa kung ang ego na iyon, ang sariling iyon (hindi lamang ang “ego” bilang “laki ng ulo”), ang pumoposisyon sa mga usapin, ang nagluluwal ng mga damdamin, kaisipan at pagkilos. Ang ego na iyon ang dumaranas ng pagkadismaya at maaaring maglunsad ng pagwasak. Sa harap nito, napakahalagang usapin ang kontexto at tunguhin sa bawat pagtataya sa estado ng praktis ng pagsusulat sa Pilipinas. Kumikilala ito sa espasyo (lahat ng mga aspektong pangkaligiran, ang chronotope, na kinasasangkutan ng obheto ng pagsisiyasat) at panahon (bilang paglingon sa formasyon ng mga anyo at projeksiyon sa posibilidad ng isang hinaharap), bilang dalawang mahalagang konsiderasyon sa formasyon ng kamalayang pang-estetika at politikal ng isang nasyong gaya ng anumang kolektibo’y may pagdanas ng pluralidad at komplikasyon ng mga identidad at ugnayan, bunga ng tagisan ng mga kasaysayan ng opresyon at paglaya, at patuloy na pagdanas ng mobilidad, mula sa usapin ng lunang heograpikal hanggang sa pagmamapa ng mga damdamin at paninindigan. Dito ko sisipatin ang pangkasaysayan kaugnay ng pangkasalukuyang praxis ng nakababatang henerasyon ng manunulat, lalo na kaugnay ng anyo ng nobela, sa harap ng hamong “makibahagi ang manunulat sa pagwasak ng kultura ng kaalipnan, kahirapan at kamangmangan.”

Kung tutuusin, isa sa mga problematikong anyo ang nobela, lalo na kaugnay ng ating kasaysayang pampanitikan. Hindi gaya ng tula na nag-uugat sa isang mas malayong tradisyong-bayan (Lumbera), malinaw na isa itong anyong kolonyal, na naging posible dahil sa teknolohiya ng palimbagan, na nakarating sa atin noon pang 1595. Gayumpaman, bagaman may halos tuwiran tayong koneksiyon sa isa sa mga itinuturing na ninuno ng nobela sa kanluran, ang Don Quixote ni Miguel De Cervantes Saavedra na nalathala ang unang tomo noong 1605 sa Espanya, lilipas pa ang mahigit tatlong daang taon bago nalathala ang itinuturing na unang nobelang Filipino sa Kastila, ang kostumbristang Ninay (1886) ni Pedro Paterno.

Malinaw na sintomas ito hindi lamang ng relasyong politikal at pampanitikan sa pagitan ng Pilipinas at Espanya nang panahong iyon, kundi maging ng problematikong pagharap sa nobela bilang anyo. Sa simula pa lamang, kahit sa kanluran (at alalahaning isa ito sa mga inaangkin pa rin bilang anyong Europeo ng maraming mga pag-aaral sa nobela, salamat sa mga akdang gaya ng kay Cervantes, gayundin ang Gargantua & Pantagruel ni Francois Rabelais, sa kabila ng katotohanan na mas matanda nang di hamak ang iba pang posibleng “ninuno” nito, gaya ng Arabian Nights at Tale of Genji ni Murasaki), isa itong subersibong anyo, na tumutuligsa sa mga anyong nauna rito, at ginagawang katawa-tawa kahit ang mga suliranin sa kondisyon at mga sistemang itinatag ng tao. Sa kabila ng imprimatur sa paglilimbag sa Don Quixote, dahil sa mga hayag nitong pagsusulong umano ng mga ideyal na Katoliko, makikitang punong-puno rin ng balintuna ang mismong mga pagtatanghal na iyon sa relihiyon, isang katangian ng nobelang papangalanan ni Mikhail Bakhtin bilang dialogic imagination na nauuwi sa istratehiya ng heteroglossia, isang kapasidad ng anyong ito na hindi kayang pasanin ng monolohikal na bisyon ng tulang lirikal, o kahit pa nga ng epiko, na karamiha’y para sa pagbibigay-katwiran at suporta sa kapangyarihan at posisyong hawak ng naghaharing-uri.

Kung gayon, malinaw ang lohika kung bakit halos ikubli ng mga Kastilang mananakop ang posibilidad ng pagnonobela sa mga katutubo, samantalang sinuportahan naman nila ang produksiyon ng tula. Nakita nila ang mahalagang papel ng tula sa pagpapatatag ng tradisyon ng bayan (sawikain), ng matalas nilang pagkilala sa kapaligiran (bugtong), ng kolektibong pagdanas sa mga gawaing-pambayan (awiting-bayan), kaya naman masigasig itong pinag-aralan ng mga misyonero. Higit na bukas ang monolohismo ng tula sa agenda ng pananakop. Ibang usapin ang nobela. Nakita na nila kung paano nagtanghal ng kawalang-pakundangan ang nobela sa lahat ng mga itinuturing na birtud ng sibilisasyon, ng kawalang-paggalang sa posisyon ng kapangyarihan, at ng pagtimbuwang ng lahat ng mga inaasahan. Isang pagwasak. Ayon pa rin kay Bakhtin, sa pag-aaral naman niya sa nobela ni Rabelais, ito ang sandali ng “carnivalesque” na binubuksan ng nobela. Ito ang carnivalesque na hindi maaatim ng mananakop, kaya’t imbes na nobela’y sermon at buhay ng mga santo (vida) ang produksiyon ng kanilang mga prosa.

Nang ilimbag ang Urbana at Felisa (1838) at Si Tandang Basio Macunat (1865), kahit pa itinuturing ang mga ito bilang proto-nobela ni Resil B. Mojares sa kaniyang The Origins and Rise of the Filipino Novel, malinaw sa akin na “kontra-nobela” ang mga ito, na ang diwa ng mismong paglalathala ng mga akdang ito ay laban sa espiritu ng nobela na nagbubukas ng higit na diskursibong pagsisiyasat sa mga usapin. Malinaw sa mga akda nina De Castro at Bustamante na nananatiling singular ang bisyon ng realidad, at malinaw ang mapandiktang himig na halos nasa astang totalitariran. Sa sarili niyang pag-aaral sa nobela, sasabihin ni Milan Kundera na nasa loob mismo ng nobela ang sensibilidad na kontra-totalitaryanismo, at nilalabanan nito ang anumang mapanakop, mapanaklaw at mapanlagom na pagtatangkang ikahon ang pagdanas ng tao sa kaniyang realidad.

Nagsimula ang sarili kong pagbabasa ng panitikan sa mga pahina ng Liwayway at dito’y agad na mauungkat ang pormasyon ng kamalayang popular katapat ng paghubog din sa politika at sensibilidad na estetiko’t kritikal. Ano ang pagkakaiba ng popular na konsumpsiyon sa kanila kung itatapat sa panonood ng mga pinagbibidahan nina KC Concepcion at Richard Gutierrez, o patuloy na pagpila sa Wowowee, gaya ng senior citizen na gagampanan ni Dolphy, ang bida sa Juan na isa sa mga lahok sa Metro Manila Film Festival sa darating na Disyembre? Isinilang ako sa panahong post-Martial Law, Pebrero 1981, isang buwan matapos ang opisyal na deklarasyon na tapos na ang halos isang dekadang batas militar na humubog nang matindi sa buhay ng mga henerasyong nauna sa amin—isang yugtong masasabing isa sa pinakamahalagang panahong pangkasaysayan sa bansa pagkatapos ng digmaan, kung pagbabatayan ang naging epekto nito sa produksiyong pampanitikan sa ating bayan. Wala ako roon. Hindi ko iyon inabot. Bahagi ng kasaysayang hindi ko man lang nakita.

Bagaman totoong hindi naman nagwakas kasabay ng pagtatapos ng Martial Law ang mga pandarahas na naging kakabit na ng panahong iyon—ipinangangalandakan ni Imelda Marcos noong isang gabi lamang sa telebisyon na “ginintuang panahon” ang Martial Law, at mas maraming karahasan laban sa mga Pilipino sa administrasyon ni Cory Aquino, panahong inabot ko na, subalit natatabunan ng matitingkad na alaala ng gabi-gabing blackout ang lahat ng iba pang alaala—isang trauma pa rin sa kamalayan naming mga batang manunulat na wala kami sa Dekada ‘70. Hindi kami kabilang sa nabigyan ng babala: Tutubi, Tutubi, ‘Wag Magpahuli sa Mamang Salbahe.  Isa iyong bukal ng paninindigan na kinikilala ng maraming manunulat na Filipino na isang natatanging pangyayari na nagtakda sa kanilang pagkamanunulat. Sa hindi iilang pagkakataon, narinig kong sinabi mismo ng nobelistang si Jun Cruz Reyes na maaaring hindi siya nakapagsulat kung hindi naganap ang Martial Law.

Wala kami roon. At sa isang banda, nag-uugat dito ang isang pagdanas at mukha ng pagkadismaya na makikita sa direksiyong tinatahak ngayon ng panitikan, partikular  ng nobelang Filipino. Pagkadismaya itong nagmumula sa parehong panig. Una, pagkadismaya sa amin mula sa panig ng mga henerasyong nauna sa amin, na naroon. Na para bang nabigo sila sa amin, tipikal na larawan ng magulang na may pinangarap para sa mga anak, subalit hindi iyon ang piniling landas ng mga ito. “Ang lumakad nang matulin, kung matinik ay malalim.” Subalit wala na, malaon nang nakaalis nang hindi nakikinig, walang pinapakinggan. Batay sa personal kong karanasan, ayon sa mga narinig ko’t nabasa (anong hindi na nakikinig?), para sa ilan sa kanila, kami ang mga anak na wala: mga batang manunulat na sinisipat nila ayon sa ipinagpapalagay nilang nawawala sa amin. Walang-malay, sa sarili, at sa iba. Walang kaugnayan. Walang pakialam. Walang kabuluhan. Walang pananagutan. Walang paninindigan. At ang lalong ipinagpuputok ng butsi ng mga tumitingin sa aming henerasyon batay sa kung ano ang nawawala sa amin, kumbakit wala rin kaming sinasabi sa harap ng kanilang panggagalaiti.

Pero hindi rin totoong-totoo na wala kaming sinasabi. Hindi nga lamang siguro sila ang pinipiling kausapin o harapin. Patuloy ang aktibong produksiyon ng panitikan sa hanay ng mga batang manunulat mula sa garapalang pagtatawa ni Eros Atalia sa mga “wala lang” ng kasalukuyang lipunan hanggang sa mga tula at sanaysay ng kasariang Hiligaynon at post-Ladlad ni John Iremil Teodoro, o sa matulaing rendisyon ng pasakit at luwalhati ng katawan ng babae sa nobela ng Ilonggong si Genevieve Asenjo, o sa pagnanaknak ng loob at katawan sa mismong kawalang-pasakit sa mga akda ng Bikolanong si Kristian Cordero.

Narito ang kabilang panig ng pagkadismaya: mula sa panig ng mga batang manunulat na ito. Subalit hindi tulad ng pagkadismaya ng mga nakatatanda na lumilitaw sa anyo ng kritika (ang paminsan-minsang rebyu halimbawa ni Cirilo Bautista sa kolum niyang “Breaking Signs” sa Panorama ng mga aklat o katha ng batang manunulat, o ang “bendisyon” ni Virgilio S. Almario sa ilang batang makata sa bago niyang antolohiyang Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tulang Filipino), nahuhubog bilang isang uri ng estetika at politika, hindi kritika lamang, ang pagdanas ng mga batang manunulat sa pagkadismaya.

Isang kondisyon-damdamin-asta-pagkilos na postmoderno ang pagkadismaya. Nagsisimula ito sa isang malinaw na karanasan: may pangyayaring hindi naging mabuti, hindi nagustuhan. Sumusunod dito ang isang rekognisyon: maaari sanang naiwasan ang pangyayaring iyon. Nagiging ganap ang pagkadismaya sa meta-rekognisyon: ang mismong sistema at mga may-hawak ng kapangyarihan ang tumitiyak na mangyayari ang hindi mabuti, ang hindi magugustuhan ng nakararami.

Maaaring sabihin na noon pa mang nasa Europa si Rizal at iminungkahi niya sa mga kapwa-Ilustrado ang pagsusulat ng nobela na sasalamin sa kondisyon ng Filipinas, dinanas na niya ito nang hindi ito seryosohin ng kaniyang mga kasama at nauwi siya sa pagsusulat nang mag-isa, na nagluwal nga sa Noli me Tangere. Malinaw na produkto ang nobelang iyon hindi lamang ng pagtuligsa sa kalakarang kolonyal na tumitiyak ng pagkaapi ng nakararaming mamamayan sa ating bayan, maaari ring tingnan na produkto iyon ng pagkadismaya ni Rizal sa mga kapwa niya Ilustrado na ang mismong pagpapatuloy ng buhay na kosmopolitan sa Europa ay nagsisilbi mismong panggatong sa mga pandarahas.

Nito lang Marso, paggising at pagsisimula ng araw sa kinasanayang pagche-check sa email, nabasa ko ang mensahe ng kaibigang kuwentista at nakasama sa isang workshop sa Bacolod noong 2003, si Mykel Andrada. Nawawala raw umano ang kaibigan namin at nakasama rin sa Bacolod na si VJ Rubio. Hindi nagtagal, natagpuan sa San Mateo, Rizal ang sasakyan, basag ang mga salamin. Sa Nangka, Marikina ako nakatira, isang baryo na katabi ng San Mateo. Nagpadala agad ako ng mensahe kay Mykel para alamin kung saan sa San Mateo nakita ang sasakyan ni VJ. Ilang minuto lang, tiniyak ni Jun Cruz Reyes na patay na nga si VJ. Nitong nagdaang buwan naman, isa pang manunulat mula naman sa Visayas, si Winton Lou Ynion, ang natagpuan namang pinatay sa sarili niyang tinutuluyang condo unit sa Katipunan lang. Magkabertdey kami ni Winton at nagkaklase sa ilang Ph.D. units sa UP, kung saan ko nasaksihan ang tindi ng malasakit niyang dalhin sa kamalayan ng gaya kong Tagalog ang husay ng mga manunulat na sina Magdalena Jalandoni at Ramon Muzones, at kung bakit dapat mailagay sa kanon ang Margosatubig ng huli.

Paano kakatha ng kapanatagan sa harap ng ganito katiyak na kamatayan ng mga kabataang manunulat na malaki ang pangako sa hinaharap? Politikal o kriminal ba ang kanilang kamatayan? Hate crime? Hayag na bakla sina VJ at Wynton, at anggulo iyong hindi isinasaisantabi, sapagkat kung magkagayon, lalong simptomatiko ito ng malalalim pa ring galit sa isa’t isa bunga ng mga di-pagkakaunawaang kinakatha ng kamangmangan at kahirapan at neoliberal na ideya ng karapatan at pagkakapantay-pantay, na balintunang sa harap ng mundong ginagawang globalisado’y lalong naitatampok ang karupukan at pagkadehado ng ikatlong daigdig.

Malabo pa rin hanggang sa sandaling ito ang detalye ng mga kamatayan nila, at ang kondisyong ito’y lalong nanliligalig, nag-iiwan ng pagkadismaya. Lalo pa’t wala na dapat tayo sa panahon ng batas militar. Dito gumigitaw ang suliranin sa pagpapangalan sa isang sandaling historikal, ang problema sa mga kategorya tulad ng panunupil, pananakop at karahasan, at ang kasinungalingan ng kalayaan. Muli: alam nating hindi natapos sa pagtatapos ng batas militar ang iba’t ibang mukha ng represyon at opresyon sa mga manlilikha ng isang bayan. Ang suliranin (o problema nga ba?): ano ang itatawag namin sa panahong ito? Sa amin? Post-martial law babies. Ano ang post—ano pa ang magagawa ng, sa, post, tulad ng postmodernidad, postkolonyalidad, bilang mga agresibong tugon sa kinakabitang kondisyon? Samantalang napakalinaw na karanasan ng Batas Militar para sa henerasyon nina Jun Cruz Reyes, Lualhati Bautista, Fanny Garcia, Ricky Lee at iba pa, ano naman ang maglalagom sa panunupil at pandarahas na itong patuloy na dinadanas, hindi lamang sa antas na indibidwal kundi sistemiko rin?

Hindi lamang ang literal na kamatayan ang pumapaslang sa malikhaing potensiyal ng isang bayan (bagaman hindi binabawasan noon ang pangangailangang ipagluksa ang ganitong mga kamatayan), kundi ang mismong pagpatid sa mga opsiyon ng isang buhay na malikhain sa kasalukuyan. Halos nagkokoro na ang sentimyento ng maraming kritiko ng ating kontemporanyong karanasan sa pandarahas sa buhay-intelektuwal ng kultura ng call center at caregiving sa ngayon, samantalang hindi rin naman nagwawakas ang pila ng mga aplikante, dahil pagkatapos mag-aral sa kolehiyo, kahit pa sa inaakalang mabubuti namang unibersidad ay ano nga ba ang mga inihahaing uri ng trabaho sa atin sa kasalukuyan? Ito ang kinakathang dayalogo ng globalisasyon at neoliberalismo sa kasalukuyang buhay na publiko at pribado ng marami sa aming henerasyon. Mukhang may pagpili, mukhang may pinagpapasyahan, o ipinagmamalaki mismong ang hindi pagpili, ang hindi pagpapasya ay isa rin mismong pagpapasya.

Nauwi na nga sa ganoong balintuna ng pangangatwiran ang lohika ng karaniwang kamalayan (subalit ano ba ang karaniwan? mula saang posisyon nagmumula ang pagtatalaga ng karaniwan?): mahalaga ang posisyon ko (ang aking ego!) dahil wala nang mahalaga sa akin. Subalit hindi sa ganito dapat mauwi ang lahat, at nananalig akong hindi neoromantiko iyon, hindi isang sentimyento na lamang nga ang magkaroon pa ng tiyak na pinanghahawakan sa harap ng kasalukuyan nating realidad. Na ang pagiging “pasaway,” sa isang banda, ay hindi na lamang basta di-pagsang-ayon o kawalang-interes o “pang-aaning” sa kung anuman ang namamayani’t ibig kumondisyon sa nakararami: ang ganap na pagka-“pasaway” sa  kasalukuyan ay may aktibong paglalantad ng kontraryong posisyon, na ang pang-iinis, gaya ng orihinal na implikasyon ng salita (inis, inisin) ay nakamamatay. Na ang isang pasaway ay naniniwalang sa gitna ng kabaliwang pinamamayani ng kalakaran sa ngayon, walang pinakamatinong tugon maliban sa pagpapasaway. Dialektikal ang pagiging pasaway, kung gayon: ang pasaway na dismayado’t hindi mapanatag ay hindi magpapapanatag at magdudulot ng ibayong pagkadismaya sa naghahari, sa nagtatakda ng kaayusan. Nakita na natin sa kasaysayan ang pagpapasaway ng mga Lapu-lapu at Malong, ng mga Palaris at Sakay, ng mga Bonifacio at Evangelista, ng mga binyagang tumagibang sa “inaasahang” pagpapakuhulugan sa Pasiong Mahal batay sa eskatolohiyang Katoliko (Ileto), ng mga Huk na kipkip ang Pasion ding Talapagobra samantalang inaawit ang sariling pakikibaka (Maceda), ng mga komunistang may paninindigan para sa kapakanan ng obrero (Guillermo), ng mga babaeng nananalinghaga samantalang nakikipagkrus sa kasaysayan (Santos), at ang mga patuloy sa pag-akda ng bansa nang taliwas sa opisyal na kasaysayang ibig palaganapin ng pamahalaan, mula sa labas ng sentro, upang usigin ang mismong pagtatatag ng mga sentro bilang bayan, at pagkilala sa mga taga-sentro bilang tanging taga-bayan (Lumbera).

Ito siguro ang dahilan kaya’t hindi nakapagtatakang umusad mula sa realismo ng nobelisasyon ni Rizal tungong radikalisasyon ng mga akda sa pagdating ng mga Amerikano, gaya ng makikita sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos hanggang sa mga nobela nina Amado V. Hernandez at Lazaro Francisco (bagaman ayon Guillermo, higit umanong instrumento ng pasipikasyon kaysa radikal ang mga nobela ni Franciso, na kamakailan ay kinilala bilang National Artist), kahit pa nga sa mga magasing popular, kung tutuusin, nalathala ang marami sa mga iyon.

Dito nagiging mahalaga ang daynamiko ng tinatawag kong “sandali ng pagbabasa” lalo na sa kondisyon ng karamihan sa mga nobela sa atin na de-serye. Nasa sandali ng pagbabasa ang potensiyal ng pagwasak sa inaasahan na kritikal sa anyo ng nobela, sa kabila ng mukhang programatiko, de-kahon, at kasapakat ng kapitalistang oryentasyon ng popular na magasing kinasasadlakan ng mga ito. Kapag tiningnan natin ang aktuwal na produksiyon ng nobela sa Pilipinas, makikitang wala pang sampung bahagdan sa mga nobela sa bernakular ang unang nalathala bilang isa nang aklat. Dito lalong lumalawak ang dagat sa pagitan ng popular at akademikong konsumpsiyon ng mga texto. Samantalang sinusubaybayan ng nakararaming Pilipino ang mga nobela nina Constante Casabar at Hilaria Labog sa Liwayway at Bannawag noong bago ang digmaan at nina Rosario De Guzman Lingat at Benjamin Pascual matapos ang digmaan, hindi sila naiposisyon sa kanon ng panitikan hanggang nito na lamang magkaroon ng reebalwasyon sa kanilang papel sa kasaysayang pampanitikan, salamat sa mga pag-aaral na gaya ng ginawa nina Soledad S. Reyes sa kulturang popular, at sa paglalathala bilang aklat ng nobela ng gaya nina Lingat (Kung Wala na ang Tag-araw at Ano Ngayon, Ricky?), Pascual (Lalaki sa Dilim at Babaeng Misteryosa) at Casabar (Silang Nagigising sa Madaling-araw), lalo pa’t patuloy pa rin ang pagkiling ng akademya sa aklat kaysa sa ibang lathalaing gaya ng magasin. Binigyan din ni Reyes ng mahalagang puwang sa disertasyon niyang Nobelang Tagalog, 1905-1975 ang hindi matatalikurang papel ng magasin sa produksiyong pampanitikan ng bansa.

Tinatawag kong “sandali ng pagbabasa” ang lahat ng kumukondisyon sa produksiyon ng nobelang de-seryeng patuloy na nalalathala hanggang sa kasalukuyan, pangunahin sa Liwayway, Bannawag at Bisaya. Ang panahong umuusad ang unang sandali ng pagbabasa. Dahil de-serye ang nobela na nalalathala ang bawat bahagi linggo-linggo, may mga nobelang tumatagal nang ilang taon, tulad ng humigit-kumulang sa tatlong taon na serialisasyon ng Laro sa Baga, isa sa mga pinakamahabang nobelang naserye sa Liwayway noong dekada otsenta, ni Edgardo M. Reyes. Umuusad ang nobela kasabay ng pagbabago ng panahon, nagbabago ang kaligiran, nagbabago ang kondisyon ng mambabasa.

Isa sa mga una kong personal na nasundan sa Liwayway ang Laro sa Baga. Noong una, maaaring magkatambal ang gayuma at pagkabagabag sa akda ng pitong taong gulang kong kamalayan noon. Hindi ko itatanggi ngayong hindi ko pa naiintindihan noon ang marami sa mga dilemma ni Ding, ang pangunahing tauhan, na bunga ng pakikipagrelasyon niyang seksuwal sa iba’t ibang babae, mula sa kaniyang Ninang Carmen hanggang kay Dee. Naaakit lang siguro ako noon sa mga larawan ni Jun Lofamia sa mga tauhan na laging halos hubo’t hubad na siyang bubungad sa iyo sa isang pampamilyang magasin. Alam ko na noon na hindi ko pa dapat binabasa ang binabasa ko pero walang sumasaway sa akin sa bahay. Pero ang ako na pitong taon sa pagsisimula ng nobela ay malayo na sa sampung taon na nagbabasa pa rin sa nobela sa mga huling kabanata nito. Natuli na ako noon, higit na akong naging malay sa sarili kong katawan, at ginagawa ko na rin ang mga “kalokohang” mas maagang natutuhan ni Ding sa nobela noong bata pa siya.

Subalit dahil nakaangkla sa realismo ang karamihan sa mga nobela, sinasabayan din ng realismong ito ang aktuwal na pagbabago sa realidad: pagbabago ng presyo ng mga pinamimili sa palengke, ng pamasahe sa dyip, pagtukoy ng mga detalye sa kulturang popular (nanalong team sa PBA, balita sa TV, palabas na pelikula, dumating na kalamidad) bilang agarang references ng kinakathang realidad. Siyempre pa, hindi lamang ang mambabasa at ang realidad ang nagbabago, kundi ang manunulat mismo. Sa masinop na pagbasa sa mga nobela sa Pilipinas, napakahalagang isaalang-alang ang sandali ng pagbabasa bilang pagtugaygay din sa pagbabagong sikolohikal ng may-akda sa buong panahong inaakda niya ang nobela upang tayain kung paano nito naapektuhan ang sarili niyang mga pananaw, politika at kahit ang estilo sa pagkukuwento simula sa simula hanggang sa wakas.

Siyempre, malayo na ang Edgardo Reyes ng Sa mga Kuko ng Liwanag sa Reyes ng Laro sa Baga. Samantalang dikta pa ng kritisismong panlipunang laganap sa mga akdang supling ng batas militar ang makikita sa serialisasyon ng Kuko noong dekada sitenta, higit namang personal ang krisis ng indibidwal na humaharap sa modernong mukha ng alyenasyon sa siyudad kung saan nagkubli na sa mga bagong anyo ang mga dating mukha ng pandarahas.

Samantala, ikalawang saysay ng “sandali ng pagbabasa” ang mismong espasyong pinaglalathalaan ng nobela, ang materyalidad ng magasin, na kung pananaligan ang ilang mga teoryang higit na saykoanalitikal ay maaaring nakaaapekto sa resepsiyon sa mismong akda. Ibang karanasan ang tuloy-tuloy na pagbuklat ng pahina ng isang nobela na nakaaklat. Kamakailan, lumikha rin ng malaking usapin sa sandali ng pagbabasa ang introduksiyon ng Amazon Kindle, isa sa mga itinuturing na pinakamalaking rebolusyon sa sistema ng pagbabasa nitong nagdaang mga taon. Subalit sa serialisasyon ng nobela sa magasin, binabasa ito kasalitan ng balitang pandaigdig at pambansa, balitang isports at showbiz, horoscope, jokes, puzzle, padalang liham ng mga kababayan natin mula sa ibang bansa, payong pangkalusugan, recipe, maiikling kuwento, ilang tula, teen-age love stories at kuwento ng kababalaghan na batay umano sa mga ipinadalang liham ng mambabasa, ilang artikulong pangkultura o pang-agham, nobelang komiks, tapusang komiks, print advertisement ng Pigrolac at iba pang produkto, samantalang nasa cover ang larawan ni Judy Ann Santos o iba pang artista.

Ito ang ikalawang realidad sa sandali ng pagbabasa ng de-seryeng nobela sa magasing tulad ng Liwayway: Nakikipag-agawan ito ng espasyo at atensiyon sa lahat ng iba pang textualidad na maiiimprenta sa pahina. Alin ang uunahin? Alin ang nilulusaw ng ano? Alin ang napatitingkad sa ganitong salimbayan ng mga texto? Nang pinag-aralan ko ang mga nalathalang nobela sa Liwayway sa loob ng dalawampung taon simula noong 1986 hanggang 2005, nakita kong may mga panahon kung kailan nasa mga unang pahina ang de-seryeng nobela at may mga panahon kung kailan pinapalitan ang unang pahina na iyon ng balitang kababalaghan. Kung aalalahanin ang malinaw na materyal na kondisyon ng magasin bilang isang produkto, at kung gayon ay hinuhubog sang-ayon sa ipinagpapalagay na panlasa ng konsyumer, masisipat ang isang uri ng daynamismo sa pagturing sa nobela at kuwentong kababalaghan bilang “mapagpapalit”—sa kabila ng “realismo” sa mahigit 90 porsiyento ng mga nobelang de-serye na iyon. At sa panig ng patnugutan at ng mismong tagapaglathala, gaano kahalaga ang mga nobelang ito kung ikukumpara sa lahat ng iba pang maaaring lamanin ng magasin? Bakit tatlong pahina ang karaniwang haba ng mga nobela ni Edgardo Reyes (Ang Mundong Ito ay Lupa, Babaeng Marupok… Makapangyarihan, Doon Po sa Amin), subalit isang spread lamang para sa iba pang manunulat, gaya nina Virgilio Blones at Evelyn Estrella?

Panghuli, maaaring tingnan ang “sandali ng pagbabasa” bilang siyang indicator mismo ng estetika ng natatanging anyo ng produksiyon ng karamihan sa mga nobela sa atin. Nabubuo rito ang pre-determinasyon ng nobela dahil sa ilang usapin: gaano kahaba ang buong serye (kay-ikli, kay sandali ng pagbabasa!), ilang labas? (sa Liwayway, si Reyes din ang may hawak ng rekord ng nobelang may pinakamaraming labas, ang Laro sa Baga nga, at gayundin naman ang pinakamaikling mini-nobela, ang Puto at Dinuguan, na limang isyu lang ang itinakbo ng kuwento), at sino ang nagdidikta nito, ang manunulat, ang editor, ang publisher, ang mambabasa?

Pero dahil din sa mismong materyal na kondisyon (kailangang subaybayan, kailangang kapanabikan, kailangang maalala ng mambabasa; ibig sabihin: kailangang may dahilan para patuloy na bilhin ang magasin), lumilikha ng mga istratehiyang kinasanayan (at maaaring sabihin, naikakahon) sa nobela. Halimbawa, naging karaniwan ang pambibitin ng eksena sa dulo ng bawat labas, na aakalain ng mambabasang importanteng pangyayari, na hindi naman pala ganoon kahalaga kapag nabasa na ang kasunod na labas. Sa pagsisimula naman, minsa’y may lagom o halos tuwirang pag-uulit ng huling eksena sa sinundang labas para ipaalala sa mambabasa kung saan naputol ang mga pangyayari. Nakabuti man o nakasama, malinaw na nahubog ang maraming nobela sa ganitong paraan, at nakaapekto rin sa halos isteryutipikal at de-kahong karakterisasyon (ang mga babaerong tauhan ni Pascual, halimbawa, sa Ibong Adorno at Makulit at Malikot), upang hindi na lumikha ng kumplikasyon sa pagpapaunawa sa mambabasa. Hindi ito naiiba, siyempre pa, sa kondisyon ng mga soap opera, na umaabot ng mahigit limang taon (gaya ng Mara Clara nina Judy Ann Santos at Gladys Reyes) o tinatapos na agad nang wala pang isang buwan (tulad ng Till Death Do Us Part nina Kristine Hermosa at Diether Ocampo), dahil sa usapin ng ratings at ng kakabit nitong airtime revenue mula sa sponsors.

Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang paglalathala ng tatlong nabanggit na magasin ng mga de-seryeng nobela at malinaw na mahalagang puwersa na kailangang isaalang-alang kung ibig maging makatarungan sa pagtatasa ng kalakaran ng nobela sa bansa, higit kung tutuusin sa mga gawad na tulad ng Palanca na dumarating lamang tuwing ikatlong taon sa wikang Filipino at Ingles lamang! Kahit ang ilang manunulat na lumikha na ng pangalan sa akademya ay pinasok din ito, gaya ng pagseserye muna ni Cirilo F. Bautista ng kaniyang Galaw ng Asoge sa Liwayway bago iyon inilathala ng UST Publishing House noong 2005.

Subalit ang sabihin na iyon lamang ang namamayani at tunguhin ng nobela sa kasalukuyan ay isa rin namang kawalang-katarungan sa aktibong produksiyon ng marami ring kabataang may pagkadismaya rin sa mismong formulaic na produksiyon ng mga texto sa Liwayway. Noong nagdaang taon, ginulat ni Ricky Lee ang marami sa paglalathala ng una niyang nobela, isa sa mga belated na pangyayari sa panitikan, lalo pa’t napagtibay na ang posisyon ni Lee sa kasaysayang ito simula pa noong panahon ng Sigwa. Kung tutuusin, kahit sa kaniyang mga kuwento at sanaysay, isa na sa mga unang nagpakilala ng istratehiyang postmoderno sa panitikan si Lee, na isinulong niya rito sa nobelang Para Kay B (O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 out of 5 sa Atin). Makikita rito ang matinding pagkadismaya mismo sa katiyakan ng mga naratibo sa mga simula at wakas nito, kaya sa dulo’y biglang tila mag-aalsa-balutan ang mga tauhan upang humingi ng rekonsiderasyon sa kanilang kuwento. Maaaring naimpluwensiyahan ang paglalarong ito ni Lee ng exposure niya mismo sa mass media, lalo na sa TV, bilang creative consultant ng ABS-CBN sa mga teleserye nito. Sinabi ni Lee na nagpahinga siya sa pagsusulat sa telebisyon nang tatlong taon at nagsulat lang siya nang nagsulat ng nobela, ang una’t totoong mahal niya. Nakatapos siya ng tatlo. Nagkaroon siya ng patikim sa ikalawang nobela, ang Aswang, na batay sa ilang pahinang nalathala na ay mukhang mas kamangha-mangha ang pagpapatawa: dahil gaya ng sinimulan ni Rabelais at Cervantes, na minana nina Umberto Eco (The Name of the Rose at Foucault’s Pendulum) at Kundera (The Joke at The Book of Laughter and Forgetting), pagtawa ang isa sa mga manipestasyon ng pagkadismaya, ang pagtawa bilang isa sa mga huling instrumento ng tao sa harap ng patuloy na pagguho ng lahat ng maaari niyang panaligan. Kaya siguro nananatiling buhay sina Pilandok, Juan Pusong at Mariang Kalabasa sa mga Boy Bastos at Inday Jokes, kung bakit mga aklat ni Bob Ong ang bestseller sa kasalukuyan, kung bakit humahataw ang hits at tadtad ng comments ang bawat entri sa Hay! Men! o inaabangan ang hagalpakan sa performatibong paglalahad ng mga texto ni Yol Jamendang sa mga kampus at bar.

Dahil nga kamakailan lamang naglabas ng nobela si Lee, bagama’t kapanahon siya nina Jun Cruz Reyes at Lualhati Bautista, mas malalim ang naipundar ng dalawang nahuli, sa isang banda, sa paghubog ng estetika ng nobela sa sensibilidad ng mga kontemporanyong manunulat. Maliban sa holy trinity ni Bautista na ‘Gapo, Dekada ’70 at Bata, Bata… Pa’no Ka Ginawa?, kamakailan ay naglabas din siya ng pinakabago niyang nobela, ang Desaparesidos. Ang madilim na daigdig ni Bautista (bagaman may pag-asa, may pag-asa pa rin naman) ang mamanahin pa rin ng ilan sa mga manunulat.

Si Jun Cruz Reyes naman ang kikilalaning mentor ng marami sa mga batang nobelista, sa bisa ng pang-uuyam at pagpapatawa (bagaman malungkot din, ang konsepto niya mismo ng “galak at lumbay” na humuhubog sa malikhaing predisposisyon umano ng mga Pilipinong alagad ng sining) ng mga binatilyo niyang tauhan mula sa “Utos ng Hari” hanggang Etsa-puwera. Nauna ang mga nobela ni Norman Wilwayco, ang kung paano ko inayos ang buhok ko matapos ang mahaba-haba ring paglalakbay at Gerilya bilang post-milenyum na extensiyon ng pagkadismaya ni Reyes. Bagaman iisa ang tauhan ni Wilwayco sa dalawang nobela, si Tony De Guzman, makikita ang iniusad ng politika ng batang nobelista. Sa paglalakbay, higit pang personal ang tugon ni Tony sa pambabaliw sa kaniya ng global na realidad ng paggawa (nagtatrabaho siya sa isang IT company): siya ang nagdulot ng pag-crash ng buong sistema na literal na nagpasuweldo sa kaniya noong simula, ngunit nag-alis din naman ng trabaho sa kaniya noong huli. Subalit pagdating sa Gerilya, makikitang higit nang sinisiyasat ni Wilwayco ang bisa ng kolektibong pagkilos bilang tugon sa sistemikong pandarahas. Naroon na si Tony de Guzman kasama ang iniibig niyang si Maya bilang mga kasapi ng kilusan.

Maliban kay Wilwayco, nakapaglathala rin ng mga aklat sina Zosimo Quibilan, Jr. (Pagluwas), Eros Atalia (Peksman, Mamatay Ka Man, Nagsisinungaling Ako), at T.S. Sungkit, Jr. (Batbat hi Udan) na ang nobelisasyon ay nasa mismong potensiyal ng misrekognisyon sa kanila bilang nobela. Koleksiyon ng vignette ang aklat ni Quibilan subalit humahabi sa wakas ng lahat ng isang mas malawakang bisyong nobelistiko. Samantala’y halos eseyistiko (at binansagan pa ni Jun Cruz Reyes na “mahabang dagli”) ang akda ni Atalia subalit ang mismong mala-sanaysay na istratehiya ay maaaring basahin bilang isang uri ng pagkadismaya sa mga inaasahan sa kung ano ang naghahati sa mga anyo, o kung bakit ba hindi pa rin winawasak ang kasagraduhan ng kombensiyon ng mga anyo, tulad ng paggamit naman ni Sungkit sa mga pamamaraan ng epiko sa kaniyang nobela. Sa harap ng mga ito, sinabi ni Conchitina Cruz sa isang panayam kamakailan na “koleksiyon ng sanaysay ang susunod niyang aklat ng tula.” Hindi ba’t naroon sa mga ganoong pagwasak sa inaasahang mga kategorya ang espiritu ng nobela, ng mismong nobelisasyon? Subalit simula pa nga lamang ang mga ito, marami pang kailangang patunguhan ang pagkadismaya, hanggang sa mismong problematisasyon ng ikatlong daigdig bilang kategorya’t paglalagom ng realidad natin na lubhang imperyalistiko pa rin ang tanaw (mula sa labas, ng tagalabas).

Mabuti’t marami-rami pa ring proyektong naghihintay pa ng paglalathala sa kasalukuyan na malalaki ang pangako na magpapatuloy sa hindi pagpapanatag hindi lamang sa kalakaran ng produksiyon ng nobela sa bansa, kundi mismong sa kalagayang intelektuwal ng bansa. Katatapos ni Allan Derain sa kaniyang M.A. Tesis na isa ring nobela, ang ang banal na aklat ng mga kumag. Tinatapos ni Alvin B. Yapan ang rebisyon ng ikalawa niyang nobela, ang kasunod ng Ang Sandali ng mga Mata na nalathala noong 2006, ang Sambahin ang Katawan. Naghihintay naman ng publikasyon ang mga nobela nina Mes De Guzman (Dyanggo Rancho), German Gervacio (Hari Manawari) at Genevieve Asenjo (Ang Lumbay ng Dila). Sa darating na taon ay isasalang sa palihan ng Naratibo ang nobela ng mandudulang si Rogelio Braga, isang Muslim na naninirahan at nagtatrabaho na ngayon sa Cebu.

Nitong nagdaang Pebrero, nagbigay ako ng panayam ukol sa relasyon ng nobela at tula, sa pagdiriwang ng Pinoypoets ng kanilang ikalimang taon. Doon ko inilatag ang personal kong kondisyon ng pagsusulat ng nobela (Walong Diwata ng Pagkahulog) bilang manunulat na nauna nang nakapagpalathala ng aklat ng tula (Pag-aabang sa Kundiman: Isang Tulambuhay). Sa huli, ito sa palagay ko ang kondisyong humuhubog sa personal kong pagmamalay sa estetika at pakikitalad sa harap ng produksiyon ng nobela, hindi na lamang dito sa Pilipinas, kundi maging sa daigdig, lalo pa’t napakabilis na ng pagsasalin ng mga akda mula sa ibang wika patungo sa Ingles, at ang paglalathala sa mga ito at ang pagdating ng kopya sa Pilipinas, sa pamamagitan man ng Amazon o Fully Booked o Booksale. Nananatiling posturang gitnang-uri ang ganitong pagdanas ng konsumpsiyong intelektuwal ng produksiyon mula sa ibang bayan, subalit isang realidad na hindi basta-basta maitatatwa at maaaring pagpikitan ng mata. Sa panayam, na dinaluhan ng mga indibidwal, karamiha’y kabataan ding manunulat, na may sari-sarili nilang pakikiharap sa hamon ng pagkatha sa kasalukuyan, sinimulan kong pagmunian kung paanong niloloob ng nobela ang tula, at napakahalaga ng ganitong asersiyon bilang pundasyon ng magkasabay na pagkilala at di-pagtanggap sa hating ibinibigay sa mga produksiyong textual.

Binuksan ko roon ang tanong: Kailangan bang pumili ng anyo? Nakikita ko ang sarili ko, halimbawa, na pipiliing pumili sa pagitan ng tula at nobela sa hinaharap, sa simpleng dahilan sa bawat araw ay dumarami nang dumarami ang ibig kong isulat (kailangang tumugon; kailangang magpasimula) at kasabay noon ay hindi naman humahaba ang buhay ko para gawin ang mga iyon. Kahit sa nobela ko’y sinabi ng pangunahing tauhan na si Daniel na ayaw niyang tumula, na hindi siya magiging makata, ibig kong ipakita na sa daigdig na ito, may mga taong patuloy na naiisip ang tula, nananaginip ng pagtula, na may tula nga, na opsyon ang pagmamakata. Na sa isang bayan na pinipilihan ang rasyon ng bigas, rasyon ng tubig, pagtaya sa lotto, may nangangarap pa rin ng sining, ng tula. Na hindi kontraryong realidad ang mga iyon.

Subalit nobela ang pipiliin kong isulat, kung sakali, dahil sa daigdig natin ng prosa, lalong nagiging mahalaga ang nobela sapagkat sa kinathang daigdig na ito ng tuluyan, na mas hindi pangingimiang pasukin ng karaniwang mambabasa, iyong mga wala nang panahon dahil pipiliing manood ng In My Life o Kimmy Dora, sa sinehan o pirated dvd, kaysa bumili o magpaphotocopy ng mga nobela namin, naipaaalala ang pangangailangan ng tula, kung bakit kasintanda halos ng sibilisasyon ng tao ang pagtula. Na kung ang nobela ay isang pagsisiyasat sa kondisyon ng pagiging tao, malaking bahagi nito ay isang pagsisiyasat sa relasyon ng tao sa tunog, sa larawan, sa salita, sa signifikasyon ng mga bagay, ng kaniyang daigdig, sa kaniyang sining, sa tula. Walang anyong pampanitikan na pumapatay sa isa pang anyo. Mayroon lamang umaalala sa dati, hindi nakalilimot, niloloob. Niloloob ng nobela ang tula upang kilalanin mula rito ang sarili niyang pagkahumaling sa salita, at pagnanasang magsalita tungkol sa daigdig, makipag-usap sa daigdig. Upang ipaalala sa mundo na sa loob ng nobela, sa ating bayan, sa ating daigdig, may linya, may saknong, may tula, patuloy na may mga pinipiling magmakata: may hindi basta-basta nilulunod ng tuluyan, may hindi basta-basta nalulunod nang tuluyan.

Naroon ang ubod ng sarili kong pagkadismaya at pagwasak. Sino nga ba ang may pakialam pa sa lahat ng ito, sa lahat ng inurirat ko’t inilatag para sa kasiyahan ng akademya, dahil sa akademisasyon ng panitikan, at ng pagkatha, at ng pagiging malikhain? Dahil wala, nasa gilid na lamang ang panitikan ng interes ng nakararami na nalululong sa bisyo ng telebisyon at internet at iba pang adiksiyon, o kubkob pa rin ng trabahong pinapatay na rin ang diwa upang makapag-isip pa o makaharap sa mga bagay na magtutulak sa atin para mag-isip pa nga. Patuloy ang aking pagkadismaya, at pagkadismaya ng iba pang kahenerasyon ko (nawa) na patuloy na tatangayin sa kawalang-kapanatagan ang kasaysayan na ito ng ating panitikan at bayang kumbakit kaydaling inibig at pinag-ukulan natin ng pagtingin.

*This is a longer version of the paper I read at the PEN National Conference held last December 5, 2009 in CCP. An earlier version of this was also my Ph.D. comprehensive exam response to the questions given by Dr. Teresita G. Maceda of UP Diliman last September 23, 2009.