From Darna to ZsaZsa Zaturnnah: Desire and Fantasy, Essays on Literature and Popular Culture (2009)

MALINAW NA HINDI lang tungkol sa nobela ang pinakabagong aklat ng mga sanaysay ni Soledad S. Reyes, ang From Darna to ZsaZsa Zaturnnah: Desire and Fantasy (2009), pero dahil tatlo sa pitong sanaysay ang tuwirang tumatalakay sa nobela ("Readers and Viewers and the League of Extraordinary Creators," "From Manila to New York: Literature and Colonialism" at "The Tagalog Novel in the Twentieth Century") samantalang may pahaging din sa nobela ang apat na iba pa, at hindi maitatangging isa si Reyes sa mga awtoridad sa nobela sa Pilipinas, kaya't binabasa ko ngayon ito para sa Nobelang Atisan.

Mahalaga ang ambag ni Reyes sa "pagseryoso" ng akademya sa kulturang popular sa bansa. Ilan na ring aklat na sinulat o pinamatnugutan niya ang naggiit ng pangangailangan para sa reebalwasyon ng mga kinasanayan nating pagsipat sa textong popular bilang "bakya." Dahil sa kaniya kaya naipakilala sa kamalayan ng mga guro at kritiko ng panitikan ang halaga ng pagbabalik sa mga popular na magasin, tulad ng Liwayway, Aliwan, Bulaklak at Ilang-Ilang, kung saan nagpalathala ang mga nobelistang minahal noon ng mga mambabasa, at personal kong natuklasan bilang "mahuhusay nga palang" manunulat, tulad nina Macario Pineda at Rosario de Guzman Lingat. Si Reyes ang nagpasimuno sa muling paglalathala ng mga nobela ng mga gaya nina Pineda at Lingat bilang aklat para sa mga mag-aaral ng kasalukuyang henerasyon. Naging paksa ng MA tesis ni Reyes sa Ateneo si Pineda ("Theme and Technique in the Fiction of Macario Pineda"), at ginawan naman niya ng isang buong pag-aaral si Lingat na nalathala bilang Rosario de Guzman Lingat, 1924-1997: The Burden of Self and History (2003).

Isa lamang ang hindi pa lubusang maisulong kahit ng pamagat ng pinakabago niyang aklat: na tuluyang mawala ang hati sa pagitan ng panitikan at kulturang popular, na ang itinuturing na "panitikan" ay maging "popular" din, gaya ng kaso noon ng mga bugtong at sawikain, ng pasyon, ng mga nalathalang awit at korido.

Magtutuon ako ngayon sa ambag ng aklat sa pag-aaral sa nobelang Filipino. Sa isang bahagi ng "Readers and Viewers and the League of Extraordinary Creators," tinalakay ni Reyes ang relasyon ng nobelang popular sa pelikula. Binanggit niya ang ilan sa mga nobelang naging matatagumpay na pelikula noong dekada 30: Gamu-gamong Naging Lawin ni Teodoro Virey, Batang Tulisan ni Gregorio Coching, Punyal na Ginto ni Antonio Sempio, Ang Magmamani ni Teofilo Sauco, Mga Sugat ng Puso ni Jose Esperanza Cruz, at Nabasag ang Banga ni Remigio Mat. Castro. Naging pinakapopular umano ang nobelistang si Fausto Galauran na nakapagsulat nang mahigit 50 nobela sa loob ng limang dekada, at naisalin sa pelikula ang marami sa mga ito, tulad ng Ang Monghita, Madam X, Sino ang Maysala?, Hatol ng Langit, at Ako ang Maysala.

Kinilala pa ni Reyes ang ilang nobelistang naisalin ang mga akda sa pelikula, tulad nina Nemesio Caravana (Prinsesang Kalapati, Ang Banga ni Zimadar, Prinsesa Naranja, Palasyo sa Ulap, Sarhento Salcedo), Liwayway Arceo (Lumapit, Lumayo ang Umaga), Mars Ravelo (Trudis Liit), Benjamin Pascual (Kumusta si Peter?, May Lalaki sa Ilalim ng Kama Ko), Edgardo M. Reyes (Sa Mga Kuko ng Liwanag, Sa Kagubatan ng Lunsod, Mga Uod at Rosas, Laro sa Baga), Efren Abueg (Miss Dulce Amor: Ina, Mister Mo, Lover Boy Ko), at Lualhati Bautista (Dekada '70). At kagaya ng halos hindi maiiwasan, kinilala niya ang dalawang nobela ni Rizal bilang pinakamahahalagang nobelang naisalin sa pelikula.

Mahalaga ang argumento ng sanaysay ukol sa iisang katangian ng mga pelikula at nobelang tradisyonal na anti-realista at anti-modernista: pangunahin ang elemento ng banghay kaysa tauhan, diyakroniko ang galaw at hindi sinkroniko, at sinasabi ang mga pangyayari sa halip na ipakita.

Isinusulong naman ng "From Manila to New York: Literature and Colonialism" ang muling problematisasyon ng relasyon ng wika, partikular ng Ingles, sa paghubog ng pambansang panitikan, sa pamamagitan ng pagsusuri sa ilang kontemporanyong texto na sinulat ng mga Filipino-Amerikano, at kung paanong problematiko rin ang mismong bansag (label) na ito sa kanilang identidad.

Kinilala ng sanaysay na hindi neutral ang wika, at humuhubog ito ng matinding pagmamalay sa tiyak na uri ng mambabasa, at sa kaso ng Ingles, ibig sabihi'y iyong mga aral na Filipino, at ibang-iba sa tipikal na mga mambabasa ng Liwayway at Bulaklak, na umaabot sa daang libo, kumpara sa mga mambabasa ng aklat nina Joaquin, Santos at Gonzalez, na karamiha'y mag-aaral nga sa kolehiyo. Dahil dito, nagkaroon ng direksiyong palabas ang pagkahubog ng nobela sa Ingles; hindi na lamang basta Filipino kundi nakamata sa panitikang pandaigdig. Anong uri ng negosasyon ang ginawa ng panulat ng gaya ni Jessica Hagedorn sa pagitan ng dalawang nasyong nag(ka)kanlong sa kanya? Sinipat ni Reyes kung paanong hindi pa rin nakawala si Hagedorn sa representasyon ng gitnang-uri, na siyang nauna nang ininugan ng nakararami sa mga nobelang Filipino sa Ingles. O sa pagnanasa't kabiguan ng "American dream," gaya ng makikita naman sa nobelang Umbrella Country (1999) ni Bino Realuyo.

Nakabatay naman ang pangwakas na sanaysay sa aklat, ang "The Tagalog Novel in the Twentieth Century," sa unang aklat ni Reyes na Ang Nobelang Tagalog, 1905-1975: Tradisyon at Modernismo (1982), bagaman may ilan siyang dagdag na tala, lalo na ukol sa nangyari sa nobelang Tagalog hanggang 1998. Isang komprehensibong lagom ito ng pinagdaanan ng nobelang Tagalog na siyempre pa'y sumuysoy mula sa Nena at Neneng, hanggang sa dominasyon ng mga magasin simula sa pagdating ng Liwayway noong 1922, at nagwakas sa pagbanggit sa mga nobela nina Jose Rey Munsayac at Jun Cruz Reyes na nagwagi ng Centennial Literary Prize noong 1998 (kung saan isa sa mga hurado si Soledad Reyes), at kung paanong gumagamit ng kinasanayan nang realismo ang una samantalang nililinang naman ang magic realism sa nobela ng huli.

Hindi matatawaran ang ambag ni Reyes sa pag-aaral ng nobelang Filipino pero malinaw ding sintomas ang ito ng hindi umuusad na pagsusuri ng nobela sa Pilipinas: sa pangkalahatan ay nasa antas na descriptive pa rin at diakroniko. Kailangan na ng iba pang pagbasa sa mga nobelang Filipino nang hindi kinakailangang isantabi o talikuran ang mga nasabi na ni Reyes.

* * *
Samantala'y narito ang kumpletong listahan ng mga nobelang Filipino na nabanggit ni Reyes sa aklat, ayon sa taon ng unang paglalathala.

  1. Barlaan at Josaphat (1712) ni Fray Antonio de Borja *
  2. Urbana at Felisa (1864) ni Modesto de Castro
  3. Si Tandang Basio Macunat (1885) ni Lucio Miguel de Bustamante
  4. Ninay (1885) ni Pedro Paterno
  5. Noli Me Tangere (1887) ni Jose Rizal
  6. El Filibusterismo (1891) ni Jose Rizal
  7. Ang Cababalaghan ni P. Bravo (1899) ni Gabriel Beato Francisco
  8. Nena at Neneng (1905) ni Valeriano Hernandez-Peña
  9. Anino ng Kahapon (1906) ni Francisco Laksamana
  10. Banaag at Sikat (1906) ni Lope K. Santos
  11. Hantik (1906) ni Jose Diaz Ampil
  12. Anino ng Kahapon (1907) ni Francisco Laksamana
  13. Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar
  14. Bulaklak ng Calumpang (1908) ni Roman Reyes
  15. Hinagpis at Ligaya (1908) ni Roman Reyes
  16. Wakas ng Pagtitiis (1908) ni Roman Reyes
  17. Andrea Liwaswas (1909) ni Roman Reyes
  18. Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado
  19. Busabos ng Palad (1909) ni Faustino Aguilar
  20. Luha ng Makasalanan (1909) ni Juan Arsciwals
  21. Madaling-araw (1909) ni Iñigo Ed. Regalado
  22. Ang Mananayaw (1910) ni Rosauro Almario
  23. Bagong Dalaga (1909) ni Roman Reyes
  24. Pusong Walang Pag-ibig (1910) ni Roman Reyes
  25. Ang Huling Pagluha (1911) ni Iñigo Ed. Regalado
  26. Mga Anak ng Bukid (1911) ni Rosauro Almario
  27. Ang Singsing ng Dalagang Marmol (1912) ni Isabelo de los Reyes
  28. Ang Tala sa Panghulo (1913) ni Patricio Mariano
  29. Ipaghiganti Mo Ako! (1914) ni Precioso Palma
  30. Katalik-Laan (1914) ni Santiago Flores
  31. Lalaking Uliran o Tulisan (1914) ni Juan Arsciwals
  32. May Pagsinta'y Walang Puso (1919) ni Iñigo Ed. Regalado
  33. Ang Bulaklak sa Kabaret (1920) ni Ruperto Cristobal
  34. Dakilang Pag-ibig (1921) ni Juan Arsciwals
  35. Sampagitang Walang Bango (1921) ni Iñigo Ed. Regalado
  36. Nabasag ang Banga (1923) ni Remigio Mat. Castro
  37. Ang Magmamani (1924) ni Teofilo Sauco
  38. Nanay Ko! (1925) ni Gregorio Coching
  39. Kundangan! (1927) ni Lope K. Santos
  40. Lihim ng Isang Pulo (1927) ni Faustino Aguilar
  41. At sa Wakas! (1928) ni Fausto J. Galauran
  42. Lagrimas (1928) ni Fausto J. Galauran
  43. Ama (1929) ni Lazaro Francisco
  44. Ang Monghita (1929) ni Fausto Galauran
  45. Bulaklak ng Bayan (1930) ni Fausto J. Galauran
  46. Ligaw na Bulaklak (1931) ni Fausto J. Galauran
  47. Bagong Kristo (1932) ni Franco Vera Reyes
  48. Ang Punyal na Ginto (1933) ni Antonio Sempio
  49. Makiling (1933) ni Remigio Mat. Castro
  50. Huling Timawa (1936) ni Servando de los Angeles
  51. Gamu-gamong Naging Lawin (1937) ni Teodoro Virrey
  52. Lihim ng Kumpisalan (1937) ni Fausto J. Galauran
  53. Sa Paanan ng Krus (1937) ni Lazaro Francisco
  54. Hatol ng Langit (1938) ni Fausto Galauran
  55. Nayong Manggagawa (1939) ni Antonio Sempio
  56. America Is in the Heart (1943) ni Carlos Bulosan
  57. Intramuros (1945) ni Susana de Guzman
  58. Ang Bungo (1946) ni Alberto Segismundo Cruz
  59. Anghel ng Kaligtasan (1946) ni Adriano P. Laudico
  60. Kulafu: Ang Gerilyero ng Sierra Madre(1946)
  61. Ang Ginto sa Makiling (1947) ni Macario G. Pineda
  62. Halina sa Ating Bukas (1947) ni Macario G. Pineda
  63. Isang Milyong Piso (1950) ni Macario G. Pineda
  64. Sugat ng Alaala (1950) ni Lazaro Francisco
  65. Madam X (1952) ni Fausto Galauran
  66. Ang Timawa (1953) ni Agustin Fabian
  67. Maria Mercedes (1953) ni Agustin Fabian
  68. A Season of Grace ni (1954) N. V. M. Gonzalez
  69. Maganda Pa ang Daigdig (1956) ni Lazaro Francisco
  70. Ang Banga ni Zimadar (1957) ni Nemesio Caravana
  71. Panagimpan (1957) ni Jose Gonzalez
  72. Sino ang Maysala? (1957) ni Fausto Galauran
  73. Ako ang Maysala (1958) ni Fausto Galauran
  74. Ang Tundo Man May Langit Din (1958) ni Andres Cristobal Cruz
  75. Pagkamulat ni Magdalena (1958) nina Alejandro G. Abadilla at Elpidio Capulong
  76. Mga Ibong Mandaragit (1959) ni Amado V. Hernandez
  77. Mapagpalang Lupa (1960) ni Brigido Batungbakal
  78. Prinsesa Naranja (1960) ni Nemesio Caravana
  79. Sarhento Salcedo (1960) ni Nemesio Caravana
  80. Ulilang Pangarap (1960) ni Andres Cristobal Cruz
  81. The Woman Who Had Two Navels (1961) ni Nick Joaquin
  82. Ako ang Kanyang Ina (1962) ni Liwayway Arceo
  83. Daluyong (1962) ni Lazaro Francisco
  84. Ikaw ay Akin (1962) ni Liwayway Arceo
  85. Luha ng Buwaya (1962) ni Amado V. Hernandez
  86. Trudis Liit (1963) ni Mars Ravelo
  87. Apoy sa Madaling Araw (1964) nina Dominador Mirasol at Rogelio Ordoñez
  88. Sa Kagubatan ng Lunsod (1964) ni Edgardo M. Reyes
  89. Tulay na Buhangin (1964) ni Agapito Joaquin
  90. Uliuli (1965) ni Eduardo Reyes
  91. Sa Mga Kuko ng Liwanag (1965) ni Edgardo M. Reyes
  92. Dambanang Putik (1966) ni Dominador Vargas
  93. Dugo sa Bukangliwayway (1966) ni Rogelio Sikat
  94. Villa Magdalena (1965) ni Bienvenido Santos
  95. Paggising ng Nayon (1966) ni Mario Cabling
  96. Dito sa Lupa (1967) ni Danilo Altre
  97. Dilim sa Umaga (1968) ni Efren Abueg
  98. Halik sa Alikabok (1968) ni Dominador Mirasol
  99. Sa mga Kuko ng Liwanag (1968) ni Edgardo M. Reyes
  100. Ang Panginoon ng Madera (1969) ni Bernardo del Rosario
  101. Kung Wala na ang Tag-araw (1969) ni Rosario de Guzman-Lingat
  102. Madilm ang Langit sa Bayan Ko (1970) ni Mercedes Jose
  103. Ano Ngayon, Ricky? (1971) ni Rosario de Guzman-Lingat
  104. Erlinda ng Bataan (1971) ni Nieves Baens-del Rosario
  105. Nangalunod sa Katihan (1971) nina Fausto Galauran at Gervasio Santiago
  106. Satanas sa Lupa (1971) ni Celso Al Carunungan
  107. Canal de la Reina (1972) ni Liwayway Arceo
  108. Kumusta si Peter? (1972) ni Benjamin Pascual
  109. Panakip-Butas (1972) ni Benjamin Pascual
  110. Ito ang Rebolusyon (1972) nina Clodualdo del Mundo at Gervasio Santiago
  111. Mga Buwaya sa Lipunan (1972) ni Celso Al Carunungan
  112. Mister Mo, Lover Boy Ko (1973) ni Efren Abueg
  113. Magkabiyak na Larawan (1974) ni Dominador Mirasol
  114. May Lalaki sa Ilalim ng Kama Ko (1974) ni Benjamin Pascual
  115. Ginto ng Kayumangging Lupa (1975) ni Dominador Mirasol
  116. Lumapit, Lumayo ang Umaga (1975) ni Liwayway Arceo
  117. Mga Uod at Rosas (1982) ni Edgardo M. Reyes
  118. Bata, Bata... Pa'no Ka Ginawa (1983) ni Lualhati Bautista
  119. The Man Who (Thought He) Looked Like Robert Taylor (1983) ni Bienvenido Santos
  120. 'Gapo (1985) ni Lualhati Bautista
  121. What the Hell for You Left Your Heart in San Francisco (1987) ni Bienvenido Santos
  122. Dekada '70 (1988) ni Lualhati Bautista
  123. State of War (1988) ni Ninotchka Rosca
  124. The Bamboo Dancers (1988) ni N. V. M. Gonzalez
  125. Ang Sibol sa Guho (1990) ni Ave Perez Jacob
  126. Dogeaters (1991) ni Jessica Hagedorn
  127. Titser (1995) ni Liwayway Arceo
  128. Umbrella Country (1995) ni Bino Realuyo
  129. Laro sa Baga (1995) ni Edgardo M. Reyes
  130. The Gangster of Love (1996) ni Jessica Hagedorn
  131. Ang Aso, ang Pulgas, ang Bonsai at ang Kolorum (1998) ni Jose Rey Munsayac
  132. Etsa-Puwera (1998) ni Jun Cruz Reyes
  133. Dream Jungle (2003) ni Jessica Hagedorn
  134. Batang Tulisan (nd) ni Gregorio Coching
  135. Mga Sugat ng Puso (nd) ni Jose Esperanza Cruz
  136. Prinsesang Kalapati (nd) ni Nemesio Caravana
  137. Palasyo sa Ulap (nd) ni Nemesio Caravana
  138. Miss Dulce Amor: Ina (nd) ni Efren Abueg
[Sa pagkakaalam ko'y nobelang komiks ang Trudis Liit ni Mars Ravelo, kaya hindi ko alam kung pagkaligta ito sa panig ni Reyes (na maaaring nangyari, kung pagbabatayan ang pabago-bago halimbawang taon ng paglalathala ng ilang nobelang binanggit sa aklat) nang sa pagtalakay sa nobela niya ito binanggit, sa halip na noong tinatalakay niya ang komiks. Pero dahil hindi ko pa natitiyak ito, kaya inilalagay ko na rin muna rito. Samantala, hindi ko naman makita sa kasalukuyan ang petsa ng paglalathala ng mga may markang (nd).]

Narito naman ang mga akdang banyaga na kinikilala ni Reyes bilang impluwensiya ng mga nobelistang Filipino, lalo na iyong mga nagsulat sa Tagalog:
  1. Camille ni Alexander Dumas
  2. Les Miserables ni Victor Hugo
  3. The Hunchback of Notre Dame ni Victor Hugo
  4. The Count of Monte Cristo ni Alexander Dumas
  5. Resurrection ni Leo Tolstoy
  6. The Mystery of Paris ni Eugene Sue

Unang Siglo ng Nobela sa Filipinas (2009)

BINUBUO NG 23 sanaysay ang pinakabagong aklat ng kritisismo ni Virgilio S. Almario, ang Unang Siglo ng Nobela sa Filipinas, na malinaw na kasudlong ng mas malawak niyang proyekto na ibig maglagom sa kasaysayang-pampanitikan, na sinimulan niya sa tula (Pag-unawa sa Ating Pagtula: Pagsusuri at Kasaysayan ng Panulaang Filipino), at ayon na rin kay Almario’y ipagpapatuloy sa isa namang aklat ukol sa kasaysayan ng dula sa bansa.

Bibihira ang aklat na nakatuon lamang sa pag-aaral ng nobela sa Pilipinas. Maliban sa Nobelang Tagalog, 1905-1975 (1982) ni Soledad S. Reyes na binanggit ni Almario sa pambungad niyang sanaysay, ang Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940 (1983) ni Resil B. Mojares lamang ang masasabing isa pang may halagang pang-iskolar. Kaya naman pagkatapos ng halos tatlong dekada mula kina Reyes at Mojares, sadyang malaki ang pangangailangan para sa muling ebalwasyon at patuloy na pagsisiyasat sa produksiyon ng nobela sa bansa, lalo na sa harap ng mga pagbabago sa teknolohiya. Alalahaning hindi tulad ng mga anyong nauna sa nobela, tulad ng tula at dula, naging posible lamang ang nobela sa pagdating ng palimbagan. Personal kong inabangan at kinapanabikan ang pagdating ng aklat na ito ni Almario. Ang totoo, bago pa man ito lumabas sa mga bookstore, “nanghiram” na ako sa Anvil ng kopyang PDF ng aklat, sa pamamagitan ni Bb. Ani Habulan.

Kaya naman gayon na lamang ang pagkabigo ko. Umaasa ako ng isang buong pag-aaral na higit na kawangis ng ginawang pagsisiyasat ni Almario sa anyo at kasaysayan ng tula sa Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985) at Balagtasismo versus Modernismo: Panulaang Tagalog sa Ika-20 Siglo (1984), sa halip na koleksiyon ng mga sanaysay na ang pinakamatanda’y nasulat noon pa umanong 1974 at karamiha’y nalathala na rin sa iba’t ibang publikasyon. Bagaman maganda ang pangako ng pamagat ng ilang sanaysay bilang pagkilatis sa anyo ng nobela (”Ang Nobela Bilang Mito,” “Ang Nobela Bilang Kathang Historikal”) o sa proyekto at bisa nito (”Ang Nobela Bilang Kasangkapang Pampropaganda,” “Ang Nobela Bilang Tinig ng Sambayanan”), at kahit pa nga naipauna nang pagpapalawig ang mga ito ng Bagong Formalismong Filipino–ang instrumento sa pagsusuri na nililinang ni Almario–lumilitaw na ang ilan sa mga sanaysay ay nauuwi sa pagbubuod lamang halos ng nobelang sinusuri. Dagdag pa ang nauna nang pag-amin sa pambungad na mga nobelang Tagalog na nalathala hanggang 1975 din lamang ang saklaw (tulad ng ginawa ni Reyes), sa kabila ng higit na masaklaw na pamagat ng aklat (na tiyak na iingusan ng mga manunulat mula sa rehiyon), maliban sa pagsasama ng sanaysay ukol sa The Birthing of Hannibal Valdez (1984) ni Alfrredo Navarro Salanga. At dahil may mga isinamang papel na naunang binigkas bilang panayam, tulad ng sanaysay ukol kay Liwayway Arceo na walang tahasang pagtalakay sa nobela (”Si Liwayway Arceo Bilang Kuwentista ng Bayan”), nagbabago ang wika, estilo at talisik ng pagtalakay kumpara sa ibang sanaysay na sadyang sinulat para ilathala.

Gayumpaman, mainam na ring naipakilala’t naipaliwanag naman ang halaga ng ilang akda sa pagkahubog ng kasaysayan ng nobela sa bansa–gaya ng Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado dahil hindi tulad ng mga kapanahunan nitong akda, tahasan umano itong bumatikos sa Amerikanismo at kasikismo; o ng Ang Ginto sa Makiling (1947) ni Macario G. Pineda dahil sa taglay nitong “kasanayan sa makabagong taktika sa karakterisasyon, punto-de-bista, at pagbuo ng matibay na banghay” na hindi nakasalalay nang matindi sa mga “pinagtiyap ng pagkakataon,” tulad ng sasamantalahin halimbawa ng Ang Magmamani (1933) ni Teofilo E. Sauco. Dahil sa mga konkretong patunay mula sa mismong mga binabasang akda, naiiwasan ang pagiging uri ng kritikong “kaaway na lihim,” tulad ng naging taguri ni Almario mismo kay Clodualdo del Mundo dahil sa “masamang tipo ng panunuring pampanitikan” ng huli sa ginawa nitong pagbasa sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na naging “deribatibo,” “wala kahit munting pagkabatid sa kasaysayan ng panitikan ng Filipinas” at “nagkukunwang eksperto sa pagbasa ng panitikan ng Filipinas.”

Sa gitna ng mga ito tumitingkad ang dalawang pinakamahabang sanaysay mula sa aklat bilang pinakamaiinam na sintesis ng posisyon ni Almario tungkol sa mungkahi niyang paraan ng pag-aaral ng ating nobela: ang “Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog: Panimulang-suri” at “Ang Nobela Bilang Pasyon at Katwiran sa Likod ng Salamin: Tatlong Pasok at Sipat sa Nobela ni Sikat.” Nilalagom ng una ang pagtataya niya sa mga impluwensiya ng ating nobela, na tinawag niyang mga bukal na katutubo, Kristiyano at realista. Mainam na naipaliwanag kung paanong ang mga itinuturing ngayong kahinaan ng mga unang nobela, tulad ng pagkakaroon ng de-kahong tagpo, ay maaaring iugat sa matandang panitikang katutubo gaya ng karagatan at bugtong. Makikita naman sa sanaysay tungkol sa Dugo sa Bukang-Liwayway (1964) ni Rogelio Sikat ang higit na masinop at higit na diskursibong panunuri ni Almario, na naglulunan sa nobela sa mga puwersang humuhubog dito at iniinugan nito: ang relasyon nito sa manunulat, sa espasyo ng realidad na “sinasalamin” ng akda, at sa kasaysayan mismo ng nobela, lalo pa sa kontexto ng produksiyong materyal ng popular na magasing tulad ng Liwayway. Kung naisagawa ang ganitong talisik at sinsin sa lahat ng nobelang tinalakay, mas malaki sana ang naiambag ng aklat hindi lamang sa paghubog ng kasaysayang pampanitikan, kundi sa paglalatag ng mismong pamamaraan sa pagsusuri.

Mahalaga ang huling seksiyon ng pangwakas na sanaysay ni Almario (”Ang Nobela sa Supot ng Tinapay”) ukol sa pagtataya niya sa mambabasang Pinoy, lalo pa’t kumpara sa ibang anyong pampanitikan, humihingi ang nobela ng mahaba-habang panahong gugugulin sa pagbabasa. Sistemiko nga ang problema. At damang-dama ko ito: Bawat semestre’y pinoproblema ko ang paghikayat sa mga mag-aaral na magbasa ng panitikang Filipino. Malamang na ipabasa ko sa mga papasok sa klase ko ngayong darating na linggo ang huling apat na pahina ng aklat na ito ni Almario (”Nasaan ang Mambabasang Pinoy?”), at hayaan silang mag-isip at magtaya at magpasya sa kinabukasan ng nobela sa kamay ng gaya nilang mambabasa.

* * *
Samantala'y narito ang listahan ng 73 nobelang nabanggit ni Almario sa aklat, sa iba't ibang dahilan at tindi, at nakasaayos ngayon batay sa taon ng unang paglilimbag. (Salin ng akdang banyaga ang may *, at may + naman ang panimulang listahan ng mga nobelang inirerekomenda ni Almario upang ipabasa sa mataas na paaralan.)

  1. Aral na Tunay na Totoong Pag aacay sa tauo, nang manga cabanalang gaua nang manga, maloualhating Santos na si Barlaan ni Josaphat (1712) ni P. Antonio de Borja *
  2. Pagsusulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Feliza na Nagtuturo ng Mabuting Kaugalian (1854) ni Presbitero D. Modesto de Castro
  3. Martir sa Golgota (1872) ni Juan Evangelista *
  4. Ang Bagong Robinson (1879) ni Joaquin Tuason *
  5. Si Tandang Basio Macunat (1885) ni P. Miguel Lucio Bustamante
  6. Ninay (1885) ni Pedro A. Paterno
  7. Noli Me Tangere (1887) ni Jose Rizal
  8. El Filibusterismo (1891) ni Jose Rizal
  9. Cababalaghan ni P. Bravo (1899) ni Gabriel Beato Francisco
  10. Salawahang Pag-ibig (1900) ni Lope K. Santos
  11. Ang Kasaysayan ng Magkaibigang si Nena at si Neneng (1903) ni Valeriano Hernandez-Peña
  12. Banaag at Sikat (1905-1906) ni Lope K. Santos
  13. Anino ng Kahapon (1907) ni Francisco Laksamana
  14. Capitan Bensio (1907) ni Gabriel Beato Francisco
  15. Fulgensia Galbillo (1907) ni Gabriel Beato Francisco
  16. Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar +
  17. Alfaro (1909) ni Gabriel Beato Francisco
  18. Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado
  19. Busabos ng Palad (1909) ni Faustino S. Aguilar
  20. Madaling Araw (1909) ni Iñigo Ed. Regalado
  21. Kung Magmahal ang Dalaga (1910) ni Iñigo Ed. Regalado
  22. Pusong Walang Pag-ibig (1910) ni Roman Reyes
  23. Ang Tunay na Pag-ibig (1911) ni Iñigo Ed. Regalado
  24. Sa Ngalan ng Dios (1911) ni Faustino S. Aguilar
  25. Hindi Talaga ng Diyos (1912) ni Lope K. Santos
  26. Labing-apat na Awa (1912) ni Iñigo Ed. Regalado
  27. Sa Gitna ng Lusak (1912) ni Gerardo Chanco *
  28. Ang Tala sa Panghulo (1913) ni Patricio Mariano
  29. Isa Pang Bayani (1915) ni Juan L. Arsciwals +
  30. Katubusan (1918) ni Antero Gampesaw
  31. Puring (1918) ni Patricio E. del Rosario
  32. Sampagitang Walang Bango (1918) ni Iñigo Ed. Regalado +
  33. Ang Bulaklak ng Kabaret (1920) ni Ruperto Cristobal +
  34. Mutyang Itinapon (1922) ni Rosalia L. Aguinaldo
  35. Patnubay ng Pagsinta (1922) ni Pascual Poblete
  36. Ang Pag-ibig at ang Babaye (1923) n Jose Villamor
  37. Daluyong (1926) ni Lazaro Francisco
  38. Lihim ng Isang Pulo (1927) ni Faustino S. Aguilar
  39. Ang Lumang Simbahan (1928) ni Florentino T. Collantes
  40. Ama (1929) ni Lazaro Francisco
  41. Ilaw sa Hilaga (1932) ni Lazaro Francisco +
  42. Ang Magmamani (1933) ni Teofilo Sauco
  43. Huling Timawa (1936) ni Servando de los Angeles +
  44. Ang Lihim ng Kumpisalan (1937) ni Fausto Galauran
  45. Ibong Walang Pugad (1941) ni Servando de los Angeles
  46. Dr. Satan (1945) ni Mateo Cruz Cornelio
  47. Nang Magdaan ang Daluyong (1945) ni Faustino S. Aguilar
  48. Halina sa Ating Bukas (1946) ni Macario G. Pineda
  49. Ang Ginto sa Makiling (1947) ni Macario G. Pineda +
  50. Mutyang Taga-Ilog (1947-48) ni Macario G. Pineda
  51. Isang Milyong Piso (1950-1951) ni Macario G. Pineda
  52. Apoy sa Madaling Araw (1953) nina Dominador Mirasol at Rogelio Ordoñez
  53. Maria Mercedes (1953) ni Agustin C. Fabian
  54. Timawa (1953) ni Agustin C. Fabian +
  55. Pagkamulat ni Magdalena (1958) nina Alejandro G. Abadilla at Elpidio Kapulong
  56. Sa Tundo Man May Langit Din (1959-1960) ni Andres Cristobal Cruz +
  57. Luha ng Buwaya (1963) ni Amado V. Hernandez
  58. Dugo sa Bukang-Liwayway (1964) ni Rogelio Sikat +
  59. Sa Kagubatan ng Lungsod (1964) ni Edgardo M. Reyes
  60. Mga Halik sa Alabok (1965) ni Dominador Mirasol
  61. Sa mga Kuko ng Liwanag (1965) ni Edgardo M. Reyes +
  62. Tulay na Buhangin (1965) ni Agapito M. Joaquin
  63. Kung Wala na ang Tag-araw (1969) ni Rosario de Guzman Lingat +
  64. Mga Ibong Mandaragit (1969) ni Amado V. Hernandez
  65. Pagtakas sa Estero (1960-1970) ni Pedro L. Ricarte
  66. Satanas sa Lupa (1970) ni Celso Al. Carunungan
  67. Ano Ngayon, Ricky? (1971) ni Rosario de Guzman-Lingat
  68. Canal de la Reina (1972-1973) ni Liwayway Arceo +
  69. Panakip-Butas (1972-1973) ni Benjamin Pascual +
  70. Ginto ang Kayumangging Lupa (1975) ni Dominador Mirasol +
  71. The Birthing of Hannibal Valdez (1984) ni Alfrredo Navarro Salanga
  72. Laro sa Baga (1991) ni Edgardo M. Reyes
  73. Ang Mundong Ito ay Lupa (2005) ni Edgardo M. Reyes
(Bagaman 2005 inilathala bilang aklat ang Ang Mundong Ito ay Lupa, naiserye ito sa Liwayway noon pang dekada 90 at isa sa mga nasubaybayan ko noong panahong nakikibasa pa kami nito mula sa kopya ni Na Lina na kapatid ni Tita Lorna na napangasawa naman ng tito ko.)

Narito naman ang mga akdang banyaga na nabanggit ni Almario na impluwensiyal sa pagsulat ng ilan sa mga nobelistang nabanggit sa itaas.
  1. Hudeo Errante (1844) ni Eugene Sue
  2. Conde de Montecristo (1844-46) ni Alexandre Dumas
  3. La Dama de las Camellias (1848) ni Alexandre Dumas
  4. Les Miserables (1862) ni Victor Hugo
  5. War and Peace (1869) ni Leo Tolstoy
  6. L'Assommoir (1877) ni Emile Zola

Lazaro Francisco, Bagong Pambansang Alagad ng Sining?

Ayon sa ulat ng Philippine Daily Inquirer, isa ang nobelistang si Lazaro Francisco sa mga ipoproklamang bagong pambansang alagad ng sining ngayong taon. Isinilang noong Pebrero 22, 1898 at yumao noong Hunyo 17, 1980, nakapagsulat si Francisco ng labindalawang nobela, kabilang ang Ilaw sa Hilaga, Binhi at Bunga, Daluyong, Ama, Maganda Pa ang Daigdig, Sa Paanan ng Krus, Singsing na Pangkasal at Sugat ng Alaala.

Nagbabagong-bihis ang Nobelang Atisan

Kagaya ng marami, nagbabago't nagpapatuloy ang Nobelang Atisan samantalang higit na kinikilala ang paligid at nililinang ang sariling kalakasan.

Dahil napakarami pa nga palang akdang Filipino na kailangang basahin at karapat-dapat basahin. At dahil karamihan ng nagbabasa rito'y mga mag-aaral at mambabasa ng panitikan natin. At dahil sa inspirasyon ng ilang manunulat, umaasa pa rin ako sa kinabukasan ng Filipino sa internet.