Unang Siglo ng Nobela sa Filipinas (2009) ni Virgilio S. Almario

BINUBUO NG 23 sanaysay ang pinakabagong aklat ng kritisismo ni Virgilio S. Almario, ang Unang Siglo ng Nobela sa Filipinas, na malinaw na kasudlong ng mas malawak niyang proyekto na ibig maglagom sa kasaysayang-pampanitikan, na sinimulan niya sa tula (Pag-unawa sa Ating Pagtula: Pagsusuri at Kasaysayan ng Panulaang Filipino), at ayon na rin kay Almario’y ipagpapatuloy sa isa namang aklat ukol sa kasaysayan ng dula sa bansa.

Bibihira ang aklat na nakatuon lamang sa pag-aaral ng nobela sa Pilipinas. Maliban sa Nobelang Tagalog, 1905-1975 (1982) ni Soledad S. Reyes na binanggit ni Almario sa pambungad niyang sanaysay, ang Origins and Rise of the Filipino Novel: A Generic Study of the Novel Until 1940 (1983) ni Resil B. Mojares lamang ang masasabing isa pang may halagang pang-iskolar. Kaya naman pagkatapos ng halos tatlong dekada mula kina Reyes at Mojares, sadyang malaki ang pangangailangan para sa muling ebalwasyon at patuloy na pagsisiyasat sa produksiyon ng nobela sa bansa, lalo na sa harap ng mga pagbabago sa teknolohiya. Alalahaning hindi tulad ng mga anyong nauna sa nobela, tulad ng tula at dula, naging posible lamang ang nobela sa pagdating ng palimbagan. Personal kong inabangan at kinapanabikan ang pagdating ng aklat na ito ni Almario. Ang totoo, bago pa man ito lumabas sa mga bookstore, “nanghiram” na ako sa Anvil ng kopyang PDF ng aklat, sa pamamagitan ni Bb. Ani Habulan.

Kaya naman gayon na lamang ang pagkabigo ko. Umaasa ako ng isang buong pag-aaral na higit na kawangis ng ginawang pagsisiyasat ni Almario sa anyo at kasaysayan ng tula sa Taludtod at Talinghaga: Mga Sangkap ng Katutubong Pagtula (1985) at Balagtasismo versus Modernismo: Panulaang Tagalog sa Ika-20 Siglo (1984), sa halip na koleksiyon ng mga sanaysay na ang pinakamatanda’y nasulat noon pa umanong 1974 at karamiha’y nalathala na rin sa iba’t ibang publikasyon. Bagaman maganda ang pangako ng pamagat ng ilang sanaysay bilang pagkilatis sa anyo ng nobela (”Ang Nobela Bilang Mito,” “Ang Nobela Bilang Kathang Historikal”) o sa proyekto at bisa nito (”Ang Nobela Bilang Kasangkapang Pampropaganda,” “Ang Nobela Bilang Tinig ng Sambayanan”), at kahit pa nga naipauna nang pagpapalawig ang mga ito ng Bagong Formalismong Filipino–ang instrumento sa pagsusuri na nililinang ni Almario–lumilitaw na ang ilan sa mga sanaysay ay nauuwi sa pagbubuod lamang halos ng nobelang sinusuri. Dagdag pa ang nauna nang pag-amin sa pambungad na mga nobelang Tagalog na nalathala hanggang 1975 din lamang ang saklaw (tulad ng ginawa ni Reyes), sa kabila ng higit na masaklaw na pamagat ng aklat (na tiyak na iingusan ng mga manunulat mula sa rehiyon), maliban sa pagsasama ng sanaysay ukol sa The Birthing of Hannibal Valdez (1984) ni Alfrredo Navarro Salanga. At dahil may mga isinamang papel na naunang binigkas bilang panayam, tulad ng sanaysay ukol kay Liwayway Arceo na walang tahasang pagtalakay sa nobela (”Si Liwayway Arceo Bilang Kuwentista ng Bayan”), nagbabago ang wika, estilo at talisik ng pagtalakay kumpara sa ibang sanaysay na sadyang sinulat para ilathala.

Gayumpaman, mainam na ring naipakilala’t naipaliwanag naman ang halaga ng ilang akda sa pagkahubog ng kasaysayan ng nobela sa bansa–gaya ng Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado dahil hindi tulad ng mga kapanahunan nitong akda, tahasan umano itong bumatikos sa Amerikanismo at kasikismo; o ng Ang Ginto sa Makiling (1947) ni Macario G. Pineda dahil sa taglay nitong “kasanayan sa makabagong taktika sa karakterisasyon, punto-de-bista, at pagbuo ng matibay na banghay” na hindi nakasalalay nang matindi sa mga “pinagtiyap ng pagkakataon,” tulad ng sasamantalahin halimbawa ng Ang Magmamani (1933) ni Teofilo E. Sauco. Dahil sa mga konkretong patunay mula sa mismong mga binabasang akda, naiiwasan ang pagiging uri ng kritikong “kaaway na lihim,” tulad ng naging taguri ni Almario mismo kay Clodualdo del Mundo dahil sa “masamang tipo ng panunuring pampanitikan” ng huli sa ginawa nitong pagbasa sa Banaag at Sikat ni Lope K. Santos na naging “deribatibo,” “wala kahit munting pagkabatid sa kasaysayan ng panitikan ng Filipinas” at “nagkukunwang eksperto sa pagbasa ng panitikan ng Filipinas.”

Sa gitna ng mga ito tumitingkad ang dalawang pinakamahabang sanaysay mula sa aklat bilang pinakamaiinam na sintesis ng posisyon ni Almario tungkol sa mungkahi niyang paraan ng pag-aaral ng ating nobela: ang “Mga Bukal at Batis ng Nobelang Tagalog: Panimulang-suri” at “Ang Nobela Bilang Pasyon at Katwiran sa Likod ng Salamin: Tatlong Pasok at Sipat sa Nobela ni Sikat.” Nilalagom ng una ang pagtataya niya sa mga impluwensiya ng ating nobela, na tinawag niyang mga bukal na katutubo, Kristiyano at realista. Mainam na naipaliwanag kung paanong ang mga itinuturing ngayong kahinaan ng mga unang nobela, tulad ng pagkakaroon ng de-kahong tagpo, ay maaaring iugat sa matandang panitikang katutubo gaya ng karagatan at bugtong. Makikita naman sa sanaysay tungkol sa Dugo sa Bukang-Liwayway (1964) ni Rogelio Sikat ang higit na masinop at higit na diskursibong panunuri ni Almario, na naglulunan sa nobela sa mga puwersang humuhubog dito at iniinugan nito: ang relasyon nito sa manunulat, sa espasyo ng realidad na “sinasalamin” ng akda, at sa kasaysayan mismo ng nobela, lalo pa sa kontexto ng produksiyong materyal ng popular na magasing tulad ng Liwayway. Kung naisagawa ang ganitong talisik at sinsin sa lahat ng nobelang tinalakay, mas malaki sana ang naiambag ng aklat hindi lamang sa paghubog ng kasaysayang pampanitikan, kundi sa paglalatag ng mismong pamamaraan sa pagsusuri.

Mahalaga ang huling seksiyon ng pangwakas na sanaysay ni Almario (”Ang Nobela sa Supot ng Tinapay”) ukol sa pagtataya niya sa mambabasang Pinoy, lalo pa’t kumpara sa ibang anyong pampanitikan, humihingi ang nobela ng mahaba-habang panahong gugugulin sa pagbabasa. Sistemiko nga ang problema. At damang-dama ko ito: Bawat semestre’y pinoproblema ko ang paghikayat sa mga mag-aaral na magbasa ng panitikang Filipino. Malamang na ipabasa ko sa mga papasok sa klase ko ngayong darating na linggo ang huling apat na pahina ng aklat na ito ni Almario (”Nasaan ang Mambabasang Pinoy?”), at hayaan silang mag-isip at magtaya at magpasya sa kinabukasan ng nobela sa kamay ng gaya nilang mambabasa.

* * *
Samantala'y narito ang listahan ng 73 nobelang nabanggit ni Almario sa aklat, sa iba't ibang dahilan at tindi, at nakasaayos ngayon batay sa taon ng unang paglilimbag. (Salin ng akdang banyaga ang may *, at may + naman ang panimulang listahan ng mga nobelang inirerekomenda ni Almario upang ipabasa sa mataas na paaralan.)
  1. Aral na Tunay na Totoong Pag aacay sa tauo, nang manga cabanalang gaua nang manga, maloualhating Santos na si Barlaan ni Josaphat (1712) ni P. Antonio de Borja *

  2. Pagsusulatan nang Dalauang Binibini na si Urbana at ni Feliza na Nagtuturo ng Mabuting Kaugalian (1854) ni Presbitero D. Modesto de Castro

  3. Martir sa Golgota (1872) ni Juan Evangelista *

  4. Ang Bagong Robinson (1879) ni Joaquin Tuason *

  5. Si Tandang Basio Macunat (1885) ni P. Miguel Lucio Bustamante

  6. Ninay (1885) ni Pedro A. Paterno

  7. Noli Me Tangere (1887) ni Jose Rizal

  8. El Filibusterismo (1891) ni Jose Rizal

  9. Cababalaghan ni P. Bravo (1899) ni Gabriel Beato Francisco

  10. Salawahang Pag-ibig (1900) ni Lope K. Santos

  11. Ang Kasaysayan ng Magkaibigang si Nena at si Neneng (1903) ni Valeriano Hernandez-Peña

  12. Banaag at Sikat (1905-1906) ni Lope K. Santos

  13. Anino ng Kahapon (1907) ni Francisco Laksamana

  14. Capitan Bensio (1907) ni Gabriel Beato Francisco

  15. Fulgensia Galbillo (1907) ni Gabriel Beato Francisco

  16. Pinaglahuan (1907) ni Faustino Aguilar +

  17. Alfaro (1909) ni Gabriel Beato Francisco

  18. Bulalakaw ng Pag-asa (1909) ni Ismael A. Amado

  19. Busabos ng Palad (1909) ni Faustino S. Aguilar

  20. Madaling Araw (1909) ni Iñigo Ed. Regalado

  21. Kung Magmahal ang Dalaga (1910) ni Iñigo Ed. Regalado

  22. Pusong Walang Pag-ibig (1910) ni Roman Reyes

  23. Ang Tunay na Pag-ibig (1911) ni Iñigo Ed. Regalado

  24. Sa Ngalan ng Dios (1911) ni Faustino S. Aguilar

  25. Hindi Talaga ng Diyos (1912) ni Lope K. Santos

  26. Labing-apat na Awa (1912) ni Iñigo Ed. Regalado

  27. Sa Gitna ng Lusak (1912) ni Gerardo Chanco *

  28. Ang Tala sa Panghulo (1913) ni Patricio Mariano

  29. Isa Pang Bayani (1915) ni Juan L. Arsciwals +

  30. Katubusan (1918) ni Antero Gampesaw

  31. Puring (1918) ni Patricio E. del Rosario

  32. Sampagitang Walang Bango (1918) ni Iñigo Ed. Regalado +

  33. Ang Bulaklak ng Kabaret (1920) ni Ruperto Cristobal +

  34. Mutyang Itinapon (1922) ni Rosalia L. Aguinaldo

  35. Patnubay ng Pagsinta (1922) ni Pascual Poblete

  36. Ang Pag-ibig at ang Babaye (1923) n Jose Villamor

  37. Daluyong (1926) ni Lazaro Francisco

  38. Lihim ng Isang Pulo (1927) ni Faustino S. Aguilar

  39. Ang Lumang Simbahan (1928) ni Florentino T. Collantes

  40. Ama (1929) ni Lazaro Francisco

  41. Ilaw sa Hilaga (1932) ni Lazaro Francisco +

  42. Ang Magmamani (1933) ni Teofilo Sauco

  43. Huling Timawa (1936) ni Servando de los Angeles +

  44. Ang Lihim ng Kumpisalan (1937) ni Fausto Galauran

  45. Ibong Walang Pugad (1941) ni Servando de los Angeles

  46. Dr. Satan (1945) ni Mateo Cruz Cornelio

  47. Nang Magdaan ang Daluyong (1945) ni Faustino S. Aguilar

  48. Halina sa Ating Bukas (1946) ni Macario G. Pineda

  49. Ang Ginto sa Makiling (1947) ni Macario G. Pineda +

  50. Mutyang Taga-Ilog (1947-48) ni Macario G. Pineda

  51. Isang Milyong Piso (1950-1951) ni Macario G. Pineda

  52. Apoy sa Madaling Araw (1953) nina Dominador Mirasol at Rogelio Ordoñez

  53. Maria Mercedes (1953) ni Agustin C. Fabian

  54. Timawa (1953) ni Agustin C. Fabian +

  55. Pagkamulat ni Magdalena (1958) nina Alejandro G. Abadilla at Elpidio Kapulong

  56. Sa Tundo Man May Langit Din (1959-1960) ni Andres Cristobal Cruz +

  57. Luha ng Buwaya (1963) ni Amado V. Hernandez

  58. Dugo sa Bukang-Liwayway (1964) ni Rogelio Sikat +

  59. Sa Kagubatan ng Lungsod (1964) ni Edgardo M. Reyes

  60. Mga Halik sa Alabok (1965) ni Dominador Mirasol

  61. Sa mga Kuko ng Liwanag (1965) ni Edgardo M. Reyes +

  62. Tulay na Buhangin (1965) ni Agapito M. Joaquin

  63. Kung Wala na ang Tag-araw (1969) ni Rosario de Guzman Lingat +

  64. Mga Ibong Mandaragit (1969) ni Amado V. Hernandez

  65. Pagtakas sa Estero (1960-1970) ni Pedro L. Ricarte

  66. Satanas sa Lupa (1970) ni Celso Al. Carunungan

  67. Ano Ngayon, Ricky? (1971) ni Rosario de Guzman-Lingat

  68. Canal de la Reina (1972-1973) ni Liwayway Arceo +

  69. Panakip-Butas (1972-1973) ni Benjamin Pascual +

  70. Ginto ang Kayumangging Lupa (1975) ni Dominador Mirasol +

  71. The Birthing of Hannibal Valdez (1984) ni Alfrredo Navarro Salanga

  72. Laro sa Baga (1991) ni Edgardo M. Reyes

  73. Ang Mundong Ito ay Lupa (2005) ni Edgardo M. Reyes
(Bagaman 2005 inilathala bilang aklat ang Ang Mundong Ito ay Lupa, naiserye ito sa Liwayway noon pang dekada 90 at isa sa mga nasubaybayan ko noong panahong nakikibasa pa kami nito mula sa kopya ni Na Lina na kapatid ni Tita Lorna na napangasawa naman ng tito ko.)

Narito naman ang mga akdang banyaga na nabanggit ni Almario na impluwensiyal sa pagsulat ng ilan sa mga nobelistang nabanggit sa itaas.
  1. Hudeo Errante (1844) ni Eugene Sue

  2. Conde de Montecristo (1844-46) ni Alexandre Dumas

  3. La Dama de las Camellias (1848) ni Alexandre Dumas

  4. Les Miserables (1862) ni Victor Hugo

  5. War and Peace (1869) ni Leo Tolstoy

  6. L'Assommoir (1877) ni Emile Zola

1 comments:

Smarry said...

Great......... good information having your blog i like this blog very ......

___________________
Smarry
Online Marketing of your brand


ATISAN NOVELS is updated at least twice a week by Edgar Calabia Samar, author of the novel Walong Diwata ng Pagkahulog, winner of the 2005 NCCA Writer's Prize; its English translation (Eight Muses of the Fall) is longlisted in the Man Asian Literary Prize 2009. He is now writing his second novel, Sa Kasunod ng 909, while teaching at the Ateneo de Manila University & finishing his Ph.D. at the University of the Philippines. You may contact him via his Facebook account.