My Top 10 Booksale Finds of 2008

KAGAYA NG LAHAT ng listahan, arbitraryo at katuwaan lang ito. Alam ng maraming kaibigan ang adiksiyon ko sa pagbili ng libro, lalo na sa Booksale. Kapag pumunta ng mall, Booksale ang una kong hinahanap. Kaya kahit na anong resolusyon ang gawin na babawasan, kung hindi man ititigil na muna, ang pagbili-bili ng libro, hindi ito mapanindigan dahil sa Booksale. Nasa high school ako sa San Pablo nang una akong magayuma sa pagbisi-bisita sa La Suerte tuwing hapon mula sa Liceo para tingnan ang mga bagong dating na libro sa Booksale sa loob. Nang magkaroon ng Diplomat sa Ultimart Shopping Plaza, isa rin ako sa mga unang naghalughog sa mga secondhand na libro. Ngayon, may biruan na kami sa department nina Allan (Derain) at Sir Marx (Lopez) tungkol sa Booksaler's Club--para sa aming ang prized possession ay mga librong nadampot sa Booksale.

Pero sa listahan ko ngayon, ginagamit ko bilang common noun ang booksale para tukuyin ang lahat ng tindahan o paraan kung saan at paano ko nabili ang isang librong secondhand. Marami sana akong gustong ilagay pero baka abutin ako ng 2009 dito. Iba-iba rin ang dahilan kung bakit ko isinama sa top 10--maaaring dahil murang-mura ko ito nabili, o nakakagulat na nakita ko sa booksale, o dahil ni hindi ko ito nakikita sa regular na bookshop at sa booksale ko lang pala makikita, at iba pa. Hindi pa nga tapos ang 2008 at puwedeng-puwede pa sanang mabago ito, pero heto na nga.

10. Fifth Business ni Robertson Davies (Php 15, pocketbook, sa Book Nook sa Bluewave, Marikina). Ang totoo, matagal ko na itong nakikita, kung saan-saan, kasama ang iba pang mga libro ni Davies. At dahil lagi ngang nakikita, hindi ko ito pinapansin dati, hanggang sa mabanggit ni Allan na binabasa niya ito at nagustuhan naman niya. Binili ko, binasa at nagustuhan din. Ngayon, binabasa ko na ang ikalawa sa The Deptford Trilogy, ang The Manticore, na sa Booksale sa Robinsons Metro East ko naman nabili. Ipagbibili naman sa akin ni Mitch ang ikatlo sa trilohiya, ang World of Wonders.

9. The Brooklyn Follies ni Paul Auster (Php 110, paperback, sa Pick-a-Book sa Robinsons Metro East). Ang totoo, si Allan (Derain) ang nakabili nito, pero nang malaman niyang nagustuhan ko si Auster nang mabasa ko ang The New York Trilogy at The Invention of Solitude nito na kababasa ko lang noon, hindi siya nagdalawang-isip (hindi nga ba?) na ibenta na rin sa akin ito. Bitbit ko ito nang magpanel ako sa Heights workshop nitong nagdaang Setyembre.

8. Infinite Jest ni David Foster Wallace (Php 40, paperback, sa Booksale sa Sta. Lucia East Grand Mall). Nang mabasa ko ang unang edisyon ng 1001 Books You Must Read Before You Die, isa ito sa mga minarkahan kong libro na gusto kong mabili, kahit bago, kaya't gulat na gulat ako nang makita ito sa Sta. Lucia. Ilang linggo lang pagkatapos ko itong bilhin, saka napabalitang nagpakamatay si Wallace.

7. Half of a Yellow Sun ni Chimamanda Ngozi Adichie (Php 99, hardcover, National Bookstore-Katipunan). Isa sa mga inaabangan ko bawat taon ang taunang booksale sa National kaya buong taon akong nagtitimpi na bumili ng bago mula sa kanila dahil nga sa discount. Maliban sa 5% to 75% na discount sa ilang items, may mga naliligaw ding used copies ng ilang hardcover na libro. Sa pinakabagong edisyon ng 1001 Books You Must Read, tatlo sa mga aklat sa listahan na lumabas noong 2007 ang nabili ko, at puro hardcover first edition: ang Falling Man ni Don DeLillo, The Reluctant Fundamentalist ni Mohsin Hamid at ito ngang libro ni Adichie.

6. Eye of the Heart: Short Stories from Latin America, edited by Barbara Howes (Php 80, pocketbook, Booksale sa Sta. Lucia East Grand Mall). Tsamba ito dahil paalis na sana ako at kahilera pa ng romance novels (dahil siguro sa "heart" sa pamagat, tapos e mukha pa ng babae ang nasa cover), pero nanginginig pa ako nang makitang lahat ng dakila mula sa Latin America ang nasa selection--Borges, Asturias, Llosa, Garcia Marquez, Fuentes, Cortazar, Donoso, Amado, Paz, Mistral, Neruda at iba pa.

5. The Night Sky ni Ann Lauterbach (Php 165, hardcover, Booksale sa Robinsons Metro East). Noong isang araw ko lang ito nabili, at sa sobrang saya (una ko itong nabasa noong sinusulat ko ang Walong Diwata ng Pagkahulog, ipinahiram sa akin ni Nikka ang kopya niya), ininggit ko agad sa text si Allan (Popa). Nagmakaawang ibigay ko na lang daw sa kaniya. Pumayag ako, kapalit ng tatlong libro at naganap ang exchange kaninang hapon lang. Ang mga kapalit ni Lauterbach: Auto da Fe ni Elias Canetti, Desolation Angels ni Jack Kerouac at The Novel of the Future ni Anais Nin. Hindi na masama, hindi ba?

4. The Book of Imaginary Beings ni Jorge Luis Borges (Php 400, hardcover, Ebay.ph bid). Matagal ko nang minamataan ang paperback edition nito sa Fully Booked sa Gateway, pero laging natataong wala akong pera kapag dumadaan ako doon, hanggang sa nawala na nga ang kopya. Inabangan kong magkameron, pero hindi pa ulit sila nagkaka-Borges hanggang ngayon, kaya't halos mapatalon ako (OA pero totoo) nang makita kong may nagbebenta ng hardcover pang kopya nito sa Ebay.ph. Nagkita kami ng seller sa SM Megamall at nasa likod pa ng libro ang tag price ng National Bookstore: Php 1,255.00.

3. Petals of Blood ni Ngugi wa Thiong'o (Php 110, paperback, sa Booksale sa Farmers-Cubao). Una kong nabasa ang pangalan ni Thiong'o, kung hindi ako nagkakamali, sa MA thesis ni Vim (Alvin Yapan), at ang aklat na ito mismo bilang rekomendasyon sa kaniya ni Sir Jun (Cruz Reyes). Nasa college pa ako noon, pero wala akong makitang aklat ni Thiong'o dito sa Maynila. Hanggang sa nang lumabas ang bago niyang nobela na The Wizard of the Crow na binili ko agad (kahit mahal) at binasa habang nagdidirek ako ng Ateneo National Writers Workshop sa Sacred Heart noong isang taon. Ngayon, biglang naging suki si Thiong'o ng Booksale. Sa Booksale sa Pedro Gil, nakabili ako ng dalawa pang nobela niya, ang Weep Not, Child at A Grain of Wheat.

2. Boxed Edition of Woody Allen's Without Feathers, Side Effects and Getting Even (Php 220, paperback, Booksale sa Sta. Lucia East Grand Mall). Dahil dito kaya siguro ang Booksale sa Sta. Lucia ang best booksale shop sa akin sa taong ito, na kung makikita mo ang lokasyon at espasyo nila, napakaliit at nasa sulok pa kaya magtataka ka talaga kung paano naliligaw doon ang mga ganitong libro. Ang totoo, may kopya na ako ng Side Effects pero dahil halos bago ang mga libro at naka-box pa nga, binili ko pa rin siyempre.

1. The Danzig Trilogy (The Tin Drum, Cat and Mouse, and Dog Years) ni Gunter Grass (Php 350, hardcover, sa Pick-a-Book sa Robinsons Metro East). Bago ito, nakabili na ako ng Peeling the Onion: A Memoir ni Grass sa Booksale sa Robinsons din, hardcover din, ilang buwan bago ito nagsimulang kumalat sa mga Booksale (hanggang ngayon, may nakikita pa ako). Kaya nang makita ko ito, "kararating lang," sabi pa ng nagtitindang babae sa Pick-a-Book, hindi ko na binitiwan. Wala pa akong nababasang Grass, pero parang sign na ito na kailangan ko na siyang mabasa. Pero samantalang di ko pa siya nababasa, dinownload ko na rin muna noon agad ang adaptasyon sa pelikula ng The Tin Drum at pinanood agad.