Junk TV Addict


Patapos na ang 2008 at isa-isa na ring natatapos ang mga sinusubaybayan kong palabas. Nauna na ang The Amazing Race Asia 3 at The Amazing Race 13. Sumunod ang Survivor Philippines at Survivor Gabon. Natapos na rin ang season 3 ng Dexter at kasalukuyang nagpapahinga ang Smallville, Battlestar Galactica at Fringe na magbabalik at magpapatuloy ang naantalang season sa Enero. Samantala, nagpapatuloy ang Heroes, Pinoy Fear Factor, Apparitions at Survivors na kabilang sa mga sinusubaybayan ko pa rin sa ngayon.

Pero exciting ang pagpasok ng 2009 para sa gaya kong hindi na madetoxify ang sarili sa TV shows (na ang tanging pakonsuwelo sa sarili ngayo'y mapapakinabangan ko ang mga ito sa isang proyektong binabalak ko pagkatapos ng sinusulat ko ngayong ikalawang nobela, ang Sa Kasunod ng 909).

Una sa mga ito ang season 7 ng 24 na magsisimula sa January 11. Exciting ang pagbabalik ni Tony Almeida (bakit buhay pa siya?), lalo pa't hindi na bilang kaibigan ni Jack Bauer.

January 13 & 14 naman ang premiere ng American Idol, at tatlo ang inaabangan ko rito: paano mababago ang dynamics ng judges ngayong 4 na sila?; may Pinoy bang makakasama ulit sa top 12?; at totoo bang magiging guest si Charice sa season na ito?

Pagdating ng January 21, magsisimula naman ang ikalimang season ng Lost, na magtatagal na lang umano hanggang season 6 at naplano na nila ang natitirang humigit-kumulang 40 pang episodes. Ayaw ko pa ring sukuan ang show na ito kahit iniwan na ng ilang kakilala. Pagkatapos ng napakarami nilang ginawa sa mga naunang season, naghihintay ako ng malaki-laking pay-off.

Sa February 12 naman ang pagdating ng bagong season ng Survivor at sa February 15 naman ang bagong season ng The Amazing Race.

Sa local TV, excited lang ako sa Tayong Dalawa, hindi dahil sa main cast, obviously, kundi dahil sa heavyweight na support cast na ipinapakilala talaga sa full trailer na lumabas na kagabi ang acting credentials: Gina Pareno, Helen Gamboa, Cherry Pie Picache, Agot Isidro, Mylene Dizon at iba pa.



Wala na, hindi na talaga matatapos ang mga ito. At wala pa akong TV talaga ng lagay na iyan ha--dina-download ko lang ang lahat sa internet at pinapanood dito sa LCD screen ng computer.