Ilang Pagkawala

Nagcrash ang desktop ko kahapon nang madaling-araw, pagkatapos na pagkatapos kong patayin ang DVD player, nakasalang ang season 2 ng The Amazing Race. Ipinagawa ko agad sa Silver Gate kinaumagahan, nireformat, at nawala na naman ang lahat ng files ko. Mabuti't sa laptop ko isinusulat ang Sa Kasunod ng 909, at noon din, kinopya ko pa sa flashdisk ang notes ko para sa nobela't disertasyon. Nakakapraning ang mga ganitong pagkawala. Buti na lang at may magandang balita kahapon nang matanggap ko sa email ang final proof ng cover ng Walong Diwata ng Pagkahulog. Mukhang maihahabol pa nga ito sa bookstores ngayong Christmas season. Sana, sana. At kung sakali, sana'y magustuhan ninyong ipanregalo ito ngayong pasko sa mga kaibigan at kakilala.

o O o

Umaapaw ang mga estudyante't bisita sa pagpapalabas ng Huling Pasada nina Paul (Sta. Ana) & Vim (Alvin Yapan) sa Irwin Theater sa Ateneo kagabi. Nakakapraning din palang magpunit ng daan-daang tiket ng mga estudyanteng ano kaya ang mga sasabihin sa klase tungkol sa pelikula? Ang guide question ko sa papel na ipinapasulat ko sa mga estudyante: Ano ang sinasabi ng pelikula tungkol sa malikhaing proseso--at sa relasyon ng manunulat sa kaniyang paksa at realidad?

o O o

Magsasalita ako ngayong hapon para sa programa ng Sanggunian sa Ateneo na storytelling sa mga bata. Opening remarks lang talaga, 5-10 minuto raw, kaunting pang-inspire sa volunteers na Atenista. Hindi ako sigurado kung nakaka-inspire nga ang sasabihin ko (o kung napaplano ba ang inspiration) pero alam ko na, humigit-kumulang, ang sasabihin ko. Magsisimula ako sa isang kuwentong pambata na paborito ko: ang Si Daginding, Ang Unang Daga sa Buwan--at mula roon, ang pagigiit sa halaga ng pagkilos upang higit nating makilala ang realidad natin.

o O o

Hindi ko tinapos ang book launch ng Para Kay B (O Kung Paano Dinevaste ng Pag-ibig ang 4 out 5 sa Atin) ni Ricky Lee noong linggo. Una, mahina talaga ang pisi ko sa mga social event. Ikalawa, hindi ko kinaya nang may second round of reading pa pala sina Cherry Pie Picache, Chanda Romero, Lorna Tolentino, Cesar Montano, Eugene Domingo at Gina Alajar. Mas gusto kong mabasa na ang nobela kaysa pakinggan silang nagbabasa. Umexit na ako sa gilid ng Bahay ng Alumni at iniwan doon sina Jason at Kevin, at nakita't nakatanguan paglabas sina Sir Ed (kaklase ko dati sa Ph. D.) at Khavn Dela Cruz. Binabasa ko pa rin ngayon bagaman matatapos ko na ang nobela (25 pages to go!) at natutuwa ako sa husay ni Ricky Lee sa paghawak ng katawa-tawa't sentimental na diyalogo at pagbubuo ng katanggap-tanggap na mga tauhang isteryutipikal--lalo pa't babalikwasan niya ang mga ito sa huli sa harap ng metafiksiyonal na interes ng akda.


o O o

At maaari na nating ma-download nang libre ang Gerilya ni Norman Wilwayco mula rito. Pumunta naman dito kung gusto nating tulungan siyang mailabas sa imprenta ang nobela. Noong isang buwan, nagsulat na ako ng maikling tala tungkol sa nobelang ito. Si Iwa ang pinakamahusay gumamit ng pagmumura sa nobela, sa palagay ko. Ang mura niya, gaya ng totoong pagmumura, punong-puno ng emosyon. Kaya kung mahina ang loob mo sa totoong galit, pakiramdaman mo muna ang akda.

One Response to Ilang Pagkawala

  1. Hi! We are currently doing a study on blogging and would like to invite you to fill out a survey that we have prepared regarding this topic. This will only take 5-10 minutes of your time. 

    For more information about the survey, click the link:   
    http://www.questionpro.com/akira/TakeSurvey?id=1044877