Tungkol sa Pamagat

May mga nobelang pamagat pa lang, kinaiinggitan ko na. Pamagat pa lang, may dating nang mahalaga ito (seryoso, pero hindi ibig sabihin, hindi nakakatawa; sa nobela, seryoso kahit ang pagpapatawa). At magkasabay na kinaiinisan ko siyempre at minamahal ang manunulat ng mga pamagat na ito. One Hundred Years of Solitude, halimbawa (na The House sana ang naging pamagat kung hindi pinalitan ni Garcia Marquez). Paano ko maitatatwa na ganito ang istruktura ng pinili kong pamagat para sa una kong nobela (na ayon sa email sa akin ni Ms. Ani Habulan ng Anvil, pipilitin nilang mailabas bago mag-Pasko ngayong taon), ang Walong Diwata ng Pagkahulog? Na sa isang banda, kung ituturing ang numero bilang simpleng pang-uri, ay siya ring istruktura ng isa pang nobelang paborito ko, ang The Unbearable Lightness of Being: (pang-uri) + (pangngalan 1) + of/ng (pangngalan 2).

Si Haruki Murakami naman, mahilig gumamit ng pamagat na nagmula sa pamagat ng isang kanta: halimbawa'y Norwegian Wood; Dance Dance Dance; South of the Border, West of the Sun--na minana ni David Mitchell (malaki ang impluwensiya sa kaniya ng kultura ng Japan), sa number9dream ni John Lennon. Kaya naman, ngayong pinaghahandaan ko na ang aking disertasyon, isang panibagong nobela, hindi ko itatanggi na ang working title ko ay salin ng pamagat ng isa ring kanta: Sa Kasunod ng 909. May numero pa rin. May gayuma siguro talaga ang misteryo ng numero dahil sa paninimbang nito sa tiyak at kawalang-katiyakan, na nag-uugat pa sa itinuring na isa sa mga ninuno ng nobela: ang 1,001 Arabian Nights. Kaya siguro interesadong-interesado akong magkakopya at mabasa ang 2666 ni Roberto BolaƱo na kasama na pala sa bagong edisyon ng 1001 Books You Must Read Before You Die, kahit ngayong taon lang lumabas ang salin nito sa Ingles.

Kaninang madaling-araw, natapos ko na ang Fifth Business ni Robertson Davies. Dahil may kopya rin ako ng The Manticore na ikalawa sa trilohiya niya, natutukso akong basahin na rin agad iyon. Tauhan naman ang batayan ng pamagat sa dalawang nobelang ito, na sa tingin ko'y mas mahaba ang tradisyon sa nobela--mula sa Don Quixote, Gargantua and Pantagruel, Tristram Shandy, Madame Bovary, Pedro Paramo ng mga nagdaang siglo hanggang sa The Falling Man at The Reluctant Fundamentalist nitong nagdaang dalawang taon. Tauhan din ang nasa pamagat ng huling nobelang Filipino na nabasa ko, ang Gerilya.

Sa Filipino, isa sa paborito kong nobelista sa komiks ang sa palagay ko'y may pinakamagagandang pamagat ng akda na batay sa tauhan: si Rod Santiago, na kadalasan ding ilustrador ng kaniyang nobela: Ang Babaeng Nawawala sa Sarili, Anghel ng Demonyo, Bad Boy (oo, ang nobelang batayan ng pelikulang nagbigay ng ganitong imahen kay Robin Padilla). Sa ngayon, hindi ko alam kung kaya ko nang magsulat ng nobela na may ganoon katinding tauhan para gawin siyang pamagat ng buong akda. Basta't alam ko na kung paano sisimulan ang Sa Kasunod ng 909 at lagi lang namang kailangang magsimula sa simula, na hindi kinakailangang ang pamagat ng akda.