Mga Unang Nobela

Kahapon, sa wakas, dumating na rin sa akin ang blueprint ng inside pages Walong Diwata ng Pagkahulog. Pinalitan na ang copyright year ng 2009, kahit pipilitin daw ng Anvil na mailabas ito ngayong Disyembre. Sabi ni Ms. Ani Habulan, pagkabalik na pagkabalik ko sa kanila ng blueprint, maisasalang na agad ito sa imprenta. Matagal-tagal na rin ang nilakbay ng publikasyon nito. Tandang-tanda ko na noong Pebrero pa ngayong taon ako pumirma ng kontrata sa Anvil, pero natutuwa na rin ako dahil mukhang maganda naman ang kalalabasan, lalo pa't nagamit ang painting ni Jason Moss ("Immortality") para sa cover illustration.

o O o

Excited na akong pumunta sa Bahay ng Alumni bukas para sa launch ng unang nobela ni Ricky Lee, ang Para Kay B (O Kung Paano Dinevastate ng Pag-ibig ang 4 out of 5 sa Atin). Dalawang tickets ang kinuha ko dahil nagpapabili si Sir Marx (Lopez, na nasa China ngayon). Siyempre, excited din akong mabasa agad ang nobela. Ano nga kaya ang nabago sa nobela ng Pilipinas kung hindi inagaw ng pelikula si Lee mula sa panitikan--at nagsulat din agad ng mga nobela kagaya ng mga kasabayan niyang sina Lualhati Bautista at Jun Cruz Reyes?

o O o

Laging may gayuma sa akin ang mga unang nobela, lalo na siyempre noong panahong isinusulat ko ang una kong nobela. Nagpalakas din ng loob ang mga iyon sa isang banda, na marami ring takot na hinarap ang mga hinahangaan ko. Nagbid ako sa ebay sa kauna-unahang pagkakataon para magkakopya ng Hear the Wind Sing ni Haruki Murakami na sa Japan na lang mabibili dahil hindi na umano pinayagan ni Murakami na magkaroon pa ng international edition nito. Dinayo ko rin sa UP para mahiram, sa wakas, kay Sir Jun ang kopya ng Mondomanila ni Iwa (Norman Wilwayco), at makabili ng kopya ng Sa mga Suso ng Liwanag ni U (Z. Eliserio). Isa sa mga lagi kong ipinababasa sa mga estudyante ko ang Cubao 1980 ni Tony Perez. Kahit kapag namimili ako sa Booksale, binibigyan ko ng pagkakataon ang mga manunulat na hindi ko pa kilala, basta't promising (babasahin ko siyempre ang description sa jacket, ang blurbs, at ang unang dalawa o tatlong pahina) at may matinding ambisyon ang kanilang nobela, gaya ng kabibili ko lang noong Miyerkules na The Method Actor ni Carl Shuker. Noong nasa college ako, inunti-unti kong basahin sa University Archives ang nobela ni Vim (Alvin Yapan) na nasa anyo pa lang ng MA thesis niya noon. Sa ngayon, sa mga nabasa kong unang nobela ng isang manunulat, ang Ghostwritten ni David Mitchell ang pinakakinaiinggitan ko. Hayop si Mitchell, ang husay niyon para sa isang nagsisimulang nobelista. Kaya nga binasa ko na rin ang iba pa niyang nobela: number9dream, Cloud Atlas at Black Swan Green.

o O o

Sa ilalim ng isang grant, nagsusulat din daw ngayon si Amelia LapeƱa-Bonifacio ng una niyang nobela. Noong nag-e-MA pa ako, madalas ko nang marinig kay Ma'am Beni (Benilda Santos) na gusto rin niyang magsulat ng nobela pagdating ng araw. Nakakatuwa na marami sa mga manunulat na ito, na naunang nagsulat sa ibang anyo (drama, tula) ay interesado ring tahakin ang nobela. Iniisip ko, gagawin din kaya ito nina Doc Bien (Bievenido Lumbera) o Sir Rio (Virgilio Almario)? Sa dami na ng nagawa nila para sa panitikan, darating kaya ang kanilang unang nobela?

7 Responses to Mga Unang Nobela

  1. congrats egay! sana makakuha ako ng kopya ng nobela mo kapag lumabas na next year.

  2. salamat, imo! ano nang developments dun sa sinusulat mo ngayon? :-)

  3. egay, aabangan ko ito, ngayon pa lamang ipinamalita ko na sa mga estudyante ko...

  4. wow, salamat, kristian. :-) sana matagpuan ng nobelang ito iyong mga taong gusto talaga nitong kausapin, at handang makipag-usap dito. :-)

  5. uy sir egay,sana isa ako sa mga taong gustong kausapin ng nobela mo, abangan ko yan at malay natin, mag shift din akos a nobela kapag nainspire. More power po.

  6. salamat, francis. :-) teka, sinong francis ito? ha ha. pasensiya na, hindi ko kasi ma-access ang blogger profile mo.

  7. sir Egay, sorry, francis montesena aka kiko nyahahahhahaha, congrats ulit.