2666

Gusto kong magkaroon ng kopya nitong bagong libro ni Roberto Bolaño, ang 2666, lalo pa matapos mabasa ang rebyu ni Jonathan Lethem, kaya nagtimpi akong dumaan sa Fully Booked kahapon at sa Powerbooks sa Makati. Dahil sa mga gaya nito, natutukso akong halukayin ang mga libro ko upang magbenta na naman ng mga hindi ko naman nababasa at mukhang hindi ko na mababasa pa. Laging mas maraming bagong nalalathala na gusto kong mabasa kaysa sa panahong nagugugol ko sa pagbabasa. (At pera! Laging mas maraming gustong mabili kaysa kayang ipambili.)

Dapat sisihin ang TV shows bilang bagong opium ng masa (na hindi man libre'y mas mura)! Salamat at tapos na ang Iisa Pa Lamang na pangunahing pinagmumulan ng katatawanan para sa akin (at sa mga manunulat na sina Allan Popa, Allan Derain at Yol Jamendang na kakuwentuhan ko ukol dito, sa mga quotable quotes--na lumalaganap na ngayon sa internet at email--na naghahatid sa soap opera sa isang bagong yugto: ang kinasanayan natin sa matinding drama--patayan, agawan ng asawa, nagkahiwalay na magkapatid--pero kakatwang may hayag na layuning magpatawa sa mga manonood) nitong mga nagdaang linggo. Pero sa ngayon, gumon na gumon pa rin ako, lalo na sa reality TV (at sa Lunes e magsisimula naman ang Pinoy Fear Factor!) gaya ng Survivor Philippines (nakakainis ang pagbitin nila noong Biyernes, pero sa palagay ko'y si Rob ang matatanggal), Survivor Gabon (hindi ko pa rin mapaniwalaang napaglamangan ng gaya ni Suzie ang gaya ni Markus, at ni Sugar ang gaya ni Ace!), The Amazing Race (paborito ko pa rin ang mag-inang Toni & Dallas), The Amazing Race Asia (kung hindi sina Tish & Geoff ang mananalo, okey na sina Ida at Tania sa pagiging mabubuting tao ha ha), bukod pa sa Heroes (may pakiramdam akong gusto nilang maging damage control ito ng pagwawala sa season 2 pero mukhang sumasabog na naman ang kuwento), Smallville (kahit sina Clark at Chloe na lang ang natira sa orihinal na cast mula sa season 1), Fringe at Dexter na kasalukuyan ding may mga bagong season!

Simula na ng pasukan bukas at baka makatulong iyon sa pagbabago ng habit na ito, lalo pa't nag-enroll ako sa dalawang Ph.D. classes na parehong si Sir Jun (Cruz Reyes) ang prof. Sana, sana. "Gusto kong magbasa pero di ko magawa" na naman ang drama ko. Pero saan ba nagmumula ang ganitong compulsion na magbasa--at ang guilt kapag hindi ito nagagawa? (Pagbabasa rin, pero ibang pagbabasa, ang ginawa ko kahapon sa Noli Me Tangere Reading Marathon sa Filipinas Heritage Library na nagpapatuloy hanggang ngayon. Binasa ko ang kabanata 14, matapos ang pagbabasa nina Christine Bersola at Julius Babao ng kabanatang "Suyuan sa Isang Asotea," na siyang inabutan ko pagdating doon nang alas-4:30 n.h, ni Sir Mike Coroza ng "Ang Bayan ng San Diego" at nina Kiko Montesena ng Kabanata 11 at Lourd De Veyra ng Kabanata 13.)

One Response to 2666

  1. Nabasa ko rin iyang rebyu ni Lethem sa "2666" at naintriga din ako. :D

    Nagsulat nga pala si Sir Roland Tolentino sa kanyang blog tungkol sa "Iisa pa lamang". Sineryoso niya ang kalokohan nun kaya natawa ako sa entry. Ewan. :D