Wala na si Wallace

Nagpakamatay umano si David Foster Wallace. Nang mabasa ko noon ang 1001 Books You Must Read Before You Die, isa sa mga inilista kong nobela na gusto kong mabasa ang kaniyang Infinite Jest pero wala akong makitang kopya sa Fully Booked at Powerbooks. Noong isang buwan lang, nakita ko ang kopya ng libro sa Booksale sa Sta. Lucia, at nabili ko nang 75 pesos lang. Dahil binabasa ko pa ang Don Quixote at ang Oscar Wao ni Junot Diaz kaya isa si Wallace sa mga nakapilang nobelista. Hindi na niya ako nahintay--ang nobelista, hindi ang nobela. Ang nobela, nariyan lang. Pero lagi, iba para sa akin ang pakiramdam kapag nagbabasa ng nobela ng isang nobelista na alam kong buhay pa (gaya nina Murakami, Kundera, Mitchell). Hindi ko na mababasa si Wallace nang gaya ng pagbabasa ko sa mga nobelistang hindi pa sinusukuan ang buhay o hindi pa sinusukuan ng buhay.

Matagal ko nang gustong magsulat tungkol sa mga pagpapatiwakal na ito, pagkatapos ng mga nangyari sa Ateneo, na mabuti pa si Ma'am Luna (Sicat) at nakapag-blog tungkol dito kahit paano. Lalo pa't itinuturo ko ngayon sa mga klase ko ang Ang Sandali ng mga Mata ni Vim (Yapan) na nagsisimula sa isang pagpapatiwakal. At lalabas nga ang nobela kong Walong Diwata ng Pagkahulog kung saan may dalawang nagtangkang magpatiwakal--isang nagtagumpay, at isang nabigo. At kababasa ko rin nga lang ng I Have The Right To Destroy Myself ni Young-ha Kim, na siyempre'y nabili ko rin sa Booksale, sa Metro East naman.

Ano ang mayroon sa panahong ito? Ano ang nawawala? Kay bilis naman nilang iwan tayong lahat, na bagaman hindi nila nakilala nang personal ay umaasa, gaya ko, na sana'y mayroon pa tayong makakapitan maliban sa mga salita nilang naiwan, gaya natin.