Tungkol sa Pamagat

[Nakita kong ini-repost ito sa egroup ng Pinoypoets kamakailan, bilang isang pagtatasa sa kalipunan ng mga tula ng Pinoypoets mula Disyembre 20, 2004 hanggang Enero 15, 2005. Malamang na nasulat ko ito ilang araw o linggo lang matapos iyon. Hindi ko na maalala kung nasundan pa ba ito--o kung hindi'y anong nangyari't hindi na nasundan--gaya ng maraming iba pang proyekto't balakin.]

00. Una, Paalala: Ilan sa mga sasabihin ko'y alam na naman talagang karamihan. Minsan, kailangan lang ng paalala upang maisaisip sa sandali ng pagtula. At ikalawa, babala: Huwag paniniwalaan ang lahat ng sasabihin ko. Bunga lamang sila ng isang limitadong karanasan sa pagbasa at pagsulat ng mga tula. Sa bandang huli, nasusukat at nakikilala tayo sa mga sarili nating pagtataya. Heto ang sa akin.

01. Mahalaga ang pamagat. At napakapraktikal ng halaga nito. Sa panuntunan ng egroup (batay sa aking obserbasyon), inilalagay ang pamagat sa subject line ng email. Maaaring hindi mabasa ng bawat kasapi ang nilalaman ng lahat ng ipinadadalang tula (at marami iyon; napupuno nang madalas ang aking inbox dahil sa pinoypoets, na ikinatutuwa ko naman; ibig kasing sabihin: buhay talaga ang tula), subalit hindi maiiwasang makita ng bawat kasapi ang lahat ng pamagat. Isang uri ng "pagpapakilala," kung gayon, ang pamagat. Ganito rin ang bisa ng pamagat sa ibang anyo ng paglalathala--sa magasin, aklat, atbp. Imbes na magbuklat ng pahina, sinisilip ko muna ang talaan ng nilalaman. Kaya naman, kailangang taglayin na ng pamagat pa lamang ang isang uri ng batubalani na maghihikayat sa mambabasa na pasukin ang teritoryo ng tula. Gaya ng karatula sa kanto ng bawat lansangan, ang pamagat ang nagsasabi sa akin bilang mambabasa: ito ba ang daan na ibig kong landasin?

Tatlumpu't isa ang binasa kong tula (seleksyon mula Disyembre 20, 2004 hanggang Enero 15, 2005). Laging may halina sa akin ang mga pamagat na lumilikha ng larawan (o imahen; hulagway para kay Roberto T. Anonuevo) sa isip, lalo pa't kinakasangkapan nito ang imahinasyon ng nagbabasa upang mapagtagpi ang posible at imposible, gaya sa: "Kung paano ako natutong magmaneho ng puso" (ni Siquey). Larawan ng pagmamaneho, larawan ng puso: posible ang bawat isa. Nakikita ko sila. Pero kapag pinagsama: larawan ng pagmamaneho + larawan ng puso, nagiging tila imposible. Kaya naman, ang mabisang pamagat para sa akin ay pagsasanib ng posible at imposible. Mukhang gusto kong pumasok sa mundong ihahain nito, gayon ang maiisip ko. Ibig sabihin, laging may hikayat ang magkasabay na maaari at maaari. Kapag maaaring-maaari, walang kapangahasan; kapag puro di-maaari, wala naman akong kakapitan upang *maari* ang tula; anuman, kapwa ko sila iniiwan. Lagi kong hinahanap, kahit sa pamagat pa lang, ang pagtitimplang ito sa posible at imposible. (Katapat nito, walang imposible, halimbawa, sa: "Kalapating matayog ang lipad," at "Dalagang gumigiling sa tanghalang madilim.")

Gayumpaman, may mga pamagat na di-pamilyar gaya ng: "Tiklad" (ni Rina montes). Dito ko ibig linawin: ang di-maaari ay hindi katumbas ng di-kilala. Ang di-pagkaunawa ay limitasyon ko bilang mambabasa, na sapagkat ipinamukha sa akin ng tula, ngayo'y limitasyong ibig kong igpawan. Ano kayang teritoryo ang nasa loob ng tulang ito? Salamat sa *UP Diksiyonaryong Filipino*: "tiklad png [Seb] : sa sinaunang lipunang Bisaya, unang tagumpay sa pag-ibig o digmaan." Napakayaman pala niyon! Una. Tagumpay. Pag-ibig. Digmaan. Sino'ng hindi mahihikayat pumasok sa gayong yaman? Mabigat ang bitbit na mga salita ng kahulugan. (Subalit kasimbigat kaya ng pamagat ang nilalaman? Ibang usapin na ito.)

Dahil sa mga nabanggit, hindi kasimbigat ng dalawa sa itaas ang ilan sa mga pamagat na karaniwan na'y madalas pang abstrakto: "Kalunya," "Hapis," "Kinalimutang tula," "Umaga, tanghali, gabi," "Pagbabago," "Mahal" at "Rason." Hindi sila masama. Subalit sa dami ng maaaring basahin, maaaring hindi nila mapukaw ang atensyon ko bilang mambabasa kapag nakita ko sila sa talaan ng nilalaman ng isang aklat, halimbawa. Siyempre, ipinagpapalagay ko ritong nagsusulat tayo upang mabasa (mas mainam: basahin ng iba.)