Podcasts

Nag-abot kami kahapon ni Larry sa faculty lounge ng caf at nagkakuwentuhan hanggang sa paglalakad pabalik sa Dela Costa. Tungkol sa Ateneo workshop (at ang mga "exciting" na kombinasyon ng panelists sa bawat araw), tungkol sa pagbabasa ko ng nobela, tungkol sa MA thesis niya, tungkol sa pagsusulat ng kritisismo sa Pilipinas, atbp. Nabanggit niya ang tungkol sa KCRW na may podcast ng mga panayam sa ilang fictionist. Marami ngang pamilyar na pangalan sa akin dito gaya nina Annie Proulx, Tobias Wolff, Salman Rushdie, Peter Carey, Isabel Allende, Colm Toibin at Anne Enright na nasa huling dalawang pahina ng mga pinakabagong panayam. Nabanggit ko kay Larry na bago ito, pinakikinggan ko na ang podcast ng mga panayam sa The Bat Segundo Show na isa sa mga huling kinapanayam kamakailan si Paul Auster na katatapos ko lang basahin noon ang The New York Trilogy bago ako nagsimula sa aking mas organisadong pagbabasa ng mga nobela. Dagdag na pagkakaabalahan ang mga ito pero lagi namang masarap makinig sa iba, kahit hindi mo sila kailangang laging paniwalaan.