Pagkatapos ng 14th Ateneo-Heights Writers Workshop

Kauuwi ko lang ngayon mula sa workshop ng Heights na ginanap sa Casa Ibiza sa Antipolo simula noong Biyernes. Nakisakay kami nina Allan (Derain) at Mikael (Co) sa van ni Ma'am Beni (Santos). Bumaba kami ni Allan sa Metro East para dumaan sa dalawang booksale doon pero wala kaming nabili. Masyadong mahal para sa akin ang PhP 175 para sa libro ni Robert Coover na Pinocchio in Venice na gusto ko sanang bilhin.

Narito na ako sa bahay sa Nangka nang mag-text si Allan na na-Yari Ka! siya dahil dinampot niya ang "piso sa daan" na "nakadikit pala." Tawa ako nang tawa kahit mag-isa lang ako. Sabi ko, ayan, hindi kasi pinatawad kahit piso. At ang reply niya: "Kacheapan nga. Ang kintab kintab naman kc nung barya. Kaya pala."

Marami akong gustong sabihin tungkol sa nangyari sa workshop pero masyado pa akong pagod ngayon. Sa mga susunod na araw, ipo-post ko rito ang personal kong ebalwasyon sa mga akda ng sampung fellows na sina EJ Bagacina, Joseph Casimiro, Tina Del Rosario, Brandz Dollente, Sasha Martinez, Carina Santos, April Sescon, Eugene Soyosa, Wyatt Ong at Isabel Yap.