Nobelista Blg. 2: Junot Díaz

Dahil masyadong makapal ang Don Quixote para bitbitin araw-araw (p. 270 ng 942 na ako), nagpasya ako na babasahin ko na lang iyon kapag nasa bahay ako at magsisimula ako ng isa pang nobela na pocketbook edition para madadala ko saanman magpunta. Kahapon nga, sinimulan ko nang basahin ang The Brief Wondrous Life of Oscar Wao (New York: Riverhead Books, 2008, 345 pp.) ni Junot Díaz na nabili ko sa Fully Booked sa Gateway mga dalawang linggo na ang nakakaraan. Matagal ko na itong gustong mabasa, dahil sa halos positibo ang lahat ng review tungkol dito, maliban pa sa pananalo ng Pulitzer Prize. Ito ang unang nobela ni Díaz kaya wala akong kailangang pagdesisyunan kung anong nobela niya ang babasahin ko para sa aking 909 na nobelista. Lumaki na sa US si Díaz pero ipinanganak siya sa Dominican Republic noong 1968 at kagaya ng maraming manunulat sa US na nanggaling sa ibang bansa, nakasentro sa Oscar Wao ang isyu ng pagkamamamayan at identidad.

Nasa Riverbanks ako kahapon at hinihintay ang oras ng pagkikita namin ni Brylle, kaya sinimulan ko nang basahin ang libro. Nakaupo lang ako malapit sa tindahan ng siomai na katabi rin ng tindahan ng secondhand books kung saan nakadampot ako ng apat na nobela. Tinamad akong umuwi agad dahil bumabaha ang mga taong naghihintay ng masasakyan sa Barangka, dahil Biyernes, at kasabay pa ng pagbubukas ng SM Marikina. Umabot ako hanggang sa p. 81 na napapangiti nang mag-isa sa mga kalokohan ni Díaz bago ako pumunta malapit sa bakery kung saan kami nagkita ni Brylle.