Mga Palihan

1. Bukas na magsisimula ang 14th Ateneo-Heights Writers Workshop na gaganapin ngayong taon sa Casa Ibiza sa Antipolo. Ito ang unang pagkakataon na makakadalo ako sa workshop ng Heights na hindi sa Sacred Heart Novitiate idadaos. May labindalawang fellows ngayong taon, at makakasama ko naman bilang panelist sina Christine Bellen, Rica Bolipata-Santos, Mikael Co, Mookie Katigbak, Benilda Santos, Joel Toledo at Allan Derain.

2. Samantala, inaasikaso ko na rin ang mga listahan ng panelists at readers para sa Ateneo-NCCA National Writers Workshop na gaganapin naman sa Oktubre pagkatapos nitong unang semestre. Bilang pansamantalang head ng literary desk ng AILAP, ako ulit ang uupo bilang workshop director. Labindalawang fellows din ang tatanggapin namin mula sa mga umabot sa deadline noong nagdaang Lunes. Ngayong taon, dahil sa kakulangan ng pondo, sa campus lamang ng Ateneo gaganapin ang palihan.

3. Nitong nagdaan namang Martes, sa klase sa ilalim ni Dr. Rosario Cruz-Lucero, isinalang ang unang bahagi ng bagong kuwento na isinusulat ko ngayon, ang "Mula sa Kinatakutan." Halo-halo ang reaksiyon ng mga kaklase ko at ni Ma'am Chari. Sa susunod na linggo ko pa siguro mauupuan ang ikalawa't huling bahagi nito. Pagkatapos, kailangan ko namang tapusin na ang sanaysay na "Efren," na siyang balak ko namang ipasa bilang sanaysay kaugnay ng aking poetics.

One Response to Mga Palihan

  1. sir Egay, wala pa bang official list ng mga fellows?