Medyo adik ako sa local primetime tv. Pero dina-download ko lang ang episodes sa IP Mart Forum para mapanood ko sa sarili kong oras, at mas mabilis pa dahil walang commercial break. Pinakakinahuhumalingan ko ang local reality tv, kaya nga nakapagsulat pa ako ng papel tungkol sa Pinoy Big Brother na lumabas sa journal na Malay ng DLSU noong isang taon. Sa isang banda, pakunsuwelo ko rin sa sarili ko iyon na hindi ako "nagsasayang lang ng oras" sa mga ito--may interes na pang-akademiko rin kahit paano (pero siyempre, madalas na nag-eenjoy lang talaga ako).

Kaya naman hindi ko pinalampas ang Survivor Philippines, sa kabila ng mga puna ng ilan na mukha itong Extra Challenge lang. Hindi ko naman ito pinapanood lang para sa challenges, o sa sopistikasyon ng lokasyon, editing at iba pang aspektong teknikal na kayang makipagsabayan sa mga edisyon sa ibang bansa. Pinapanood ko ang mga ito sa dynamics mismo ng mga personalidad, at kung paano nila hinaharap ang isa't isa samantalang nakamata sa tatlong milyong premyo at alam na alam na pinapanood sila sa telebisyon. Sa mga ganitong palabas, gaya sa PBB, nauungkat ang mga usapin ng "totoo," ng pagiging "tao," at ang mga posibilidad at limitasyon ng pakikipagkapwa. Sa isang banda, lahat tayo'y nagsusumikap na lumangoy at maisalba ang sarili sa ganitong "realidad" sa araw-araw. Para sa sari-sarili nating kabaliwan at katinuan.

One Response to

  1. naaaddict na rin ako sa survivor lalo na ngayong 2nd week, lumalabas na ang tunay na ugali ng mga castaways. i love Patani and Zita and Kaye and Veronica sa girls, sa guys kay kiko ako astig, at kay Jayce hehehhehehe