Kahapon, dumaan ako sa National sa Katipunan at binili na rin sa wakas ang 2008 edition ng 1001 Books You Must Read Before You Die. Gusto ko naman kasi talagang magkakopya nito at sayang ang matitipid ko dahil sa sale nila na hanggang sa a-30 na lang. 1,119 pesos ang tag price pero dahil may discount, nakuha ko nang 895.25 ang libro. Ang maganda nito, habang naghahalungkat ako sa mga on sale nilang libro, nakita ko ang hardcover na Falling Man ni Don DeLillo at Half of a Yellow Sun ni Chimamanda Ngozi Adichie, parehong inilabas noong 2007, at parehong nakasama sa bagong listahan ng 1001 Books. Ang masaya nito, 99 pesos lang ang tag price ng bawat libro. Nang binabayaran ko na, may discount pa pala kaya nakuha ko nang 79.25 pesos lang bawat isa. Natutukso tuloy akong halughugin ang iba pang branch ng National bago magtapos ang sale nila; mukhang maisasaisantabi ko na naman ang moratorium na ibinigay ko sa sarili ko sa pagbili-bili ng libro.