Haiku at Senryū mula sa Japan

[Unang bahagi ito ng kopya ng handout sa ibinigay kong panayam para sa LIRA noong Hunyo 24, 2007, ang "Mga Anyong Tradisyonal ng Tula Mula sa Labas ng Pilipinas (At Ilang Halimbawa sa Filipino)." Pagkatapos ng ilang buwan, inimbitahan din ako ng Haranya sa UA&P para ibigay din ang naturang panayam.]

HAIKU AT SENRYŪ (JAPAN)

Kapwa binubuo ng tatlong taludtod na may sukat na 5-7-5. Madalas na nagtutugma ang una at ikatlong taludtod. Karaniwang nagtataglay ng “kigo” ang haiku—o salitang tumutukoy sa panahon na makikita sa kalikasan, at gumagamit ng “kireji” sa dulo ng una o ikalawang taludtod, na siyang pumupuwersa sa paghinto bago bigkasin ang nalalabing taludtod. Samantala, tungkol naman sa “kalikasan ng tao” ang senryū (isinunod kay Senryū Karai, 1718-1790) at madalas na pumapaksa sa mga kahinaan ng tao kaya’t may himig na mapang-uyam.

Mga halimbawa sa Filipino

Ngayong Gabi
(Rio Alma)

Li Po, ang buwan
Ay sanghiwang papaya.
Diwa’y naglaway.

Batis
(Erwin C. Lareza)

Kidlat ay kudlit:
naglamat sa salamin
ng luksang langit.

Pag-ibig
(Pedro L. Ricarte)

Ang gamugamo
Ay humalik sa ningas
At naging abo.

Pitong Senryū sa “Paghahanap”
(Mike L. Bigornia)

(Aliw)
Klab ng Shinjuku,
makintab at malagkit
ang mga suso.

(Kababayan)
Diskong Roponngi,
gabi’y namamayagpag
tulad sa Dewey.

(Langit)
Akihabara,
ano’ng silbi ng Diyos
sa pusong robot?

(Init)
Ginza, O Ginza,
sumusuko ang lamig
sa sake’t tsaa.

(Salarin)
Aping lalaki,
Sino kaya’ng kriminal?
Hita’t osake.

(Kamanyang)
Templo sa Nara,
nakatalungkong bundok,
sa gitna: Buddha.

(Sho-gun)
Palasyong Kyoto,
takot sa awit-sahig
ang Ministro mo.