Bagong 1001 Books You Must Read Before You Die

Nang dumaan ako sa National Bookstore sa babagong bukas na SM City Marikina noong isang araw, nakita ko na may kopya ng bagong edisyon ng 1001 Books You Must Read Before You Die. Bumili ako noon ng 2006 edition at nabasa ko na nang buo pero nakakagulat na hindi pa halos ako nakakahinga mula roon e heto na naman nga ang bago't 282 din ang napalitan sa lumang listahan. May iba akong lakad noon kaya hindi ko nabili, pero ngayong nakita ko nang marami naman palang nabago, naisip kong mabuti sigurong bumili na rin ako noon, lalo pa't mas international na ang mga nobelista sa listahan ngayon (o ang ibig sabihin: mas marami na akong hindi kilala). Sa mga bagong napadagdag, tatlo pa lang ang nababasa ko (lalo akong nanliliit!): ang Animal's People ni Indra Sinha, Of Love and Shadows ni Isabel Allende, at No One Writes to the Colonel ni Gabriel Garcia Marquez. Sa mga natanggal naman, pito pa lang ang nababasa ko: The Blind Assassin ni Margaret Atwood, After the Quake at Sputnik Sweetheart ni Haruki Murakami, Possession ni A. S. Byatt, The World According to Garp ni John Irving, The End of the Road ni John Barth, Ficciones ni Jorge Luis Borges. Basa, basa. Kailangan kong magbasa!