Ang Di-Mabatang Gaan ng Europa

SA KANIYANG THE Art of the Novel, binigyang-kahulugan mismo ni Kundera ang nobela bilang isang pagsusuri sa mga suliraning existensiyal sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga tema o konseptong nagluluwal ng mga problematiko sa karanasan ng pagiging tao. Kaya naman, kapansin-pansin na sa karamihan ng kaniyang mga nobela, tematiko ang mismong pagpapamagat: The Book of Laughter and Forgetting, Immortality, Slowness, Identity, Ignorance--maging ang itinuturing ng marami na pinakamahalaga sa kaniyang mga akda: The Unbearable Lightness of Being.

Sa isang Europeo na nagpalit ng pagkamamamayan mula sa pagiging Czech upang maging Pranses, tila nga may gaan ng mismong pag-iral: hindi maipapako ang indibidwal ng mga aksidente sa kaniyang buhay, gaya ng kaniyang bayang sinilangan. Siyempre pa, hindi naman ganito kadali ang kaniyang naging pagpapasya sa mga bagay na ito. Itinulak din siya palabas ng totalitaryanismo upang higit niyang kilalanin ang kaniyang indibidwalidad sa bayang hindi nagluwal sa kaniya.

Kay Kundera, ayon sa kaniyang nobela at sa ugnayan ng mga tauhan dito na sina Teresa, Tomas, Sabina at Franz, may kakaibang lohika ang gaan na ito. Subalit lohika na bunga ng malalim na pagsusuri sa kondisyon ng tao. Nabubuhay tayo sa gaan, bilang gaan, sapagkat hindi nag-uulit ang mga bagay. Maaari nating hubaran ng pananagutan ang ating sarili sa harap ng buhay sapagkat paano tayo magiging responsible sa mga bagay na hindi natin kayang paghandaan? Kung hindi nag-uulit ang anumang bagay, walang puwang para sa mga paghahanda, at kung gayon wala ring lugar sa mga pagsisisi at paninisi. Sa ganitong pagtanaw sa karanasan ng tao kung saan hindi kinikilalang nakakubabaw ang bukas, ang darating pa lamang na hindi nga matitiyak, kay gaan nga ng mabuhay.

Gayumpaman, sinasabi rin ni Kundera na may hindi mabata sa harap ng gaan na ito, sapagkat bagaman hindi natin matitiyak ang mga bagay, ibig nating panagutan ang ilang bagay, tao, lugar, pangyayari--lalo pa iyong ating iniibig. Ibig nating sabihin sa isang tao: Ako ang bahala sa iyo. Subalit alam nating tila hangin lamang ang pagbigkas niyon sapagkat paano natin mapanghahawakan iyon kung ni hindi natin matitiyak ang sarili nating buhay, ang sarili nating kaligtasan?

Kaya nga mahuhulog sa bangin ang kotseng sinasakyan nina Tomas at Teresa sa katapusan ng nobela. Walang makapagsasabi sa mangyayari, paano tayo makapagbibitiw ng pangako sa iba? Ito ang hindi natin mabata. Bakit kinakailangang maging ganoon kagaan ang buhay?

[Ito ang ikatlo at huling maikling papel na isinulat ko para sa klase ng MP 380 sa ilalim ni Dr. Lilia Quindoza Santiago noong unang semestre ng 2006, maliban sa "Ang Aleph ng Latin America" at "Si Kafka sa Dalampasigan ng Asya." Bilang pangwakas na papel sa klaseng iyon, isinulat ko naman ang "Ang mga Diyos ng Aking Pagkahulog" upang pagmunian ang kondisyon at mga impluwensiya sa pagkakasulat ng nobelang Walong Diwata ng Pagkahulog na ilalathala ng Anvil Publishing ngayong taon.]